PAGKAKAISA IS OVERRATED

0
559

Latest posts by @nagmamatyag (see all)

Madalas tayong nakaririnig ng panawagan ng pagkakaisa ngunit alin ba sa mga ito ang tunay at tapat ang pagnanais na magkasundo at sabay na kumilos? Sa kasaysayan pa lang ng pulitika sa Pilipinas . ilang beses nang napatunayan ng ating mga naging lider na ang pagkakaisa ay mababaw at ginagawa lamang para pa rin sa sariling kapakanan. Ang tunay na pagkakaisa sa kasaysayan kahit ilang araw lang ay naganap noong EDSA 1986. Milyun-milyon ang isinantabi ang kulay at paniniwala para sa iisang layunin-patalsikin ang diktador na overstaying na sa Palasyo. Pero di pa nakakabuwelo ang pumalit na administrasyon ay agad bumitaw ang mga lider na nakisunong at nakisama lang para manalo ang iisang kandidato. Bumalik uli sa sari-sariling kulay at agenda at nagkawatak-watak. Yung mga nanguna nga sa EDSA noon ang siya pang diring-diri sa kulay na dilaw ngayon na para bang kasalanan lahat ng dilaw ang pagkakabalik natin sa kabulukang naghari bago mapatalsik ang mga Marcos.

Ngayon, LP naman ang sinisisi dahil umampon ito ng napakaraming oportunistang pulitiko na nag-unahang lumikas sa barkong dilaw nang natalo ito noong 2016. Kasalanan ng LP na nagnais ito ng pagkakaisa sa mga buhong at balat-ahas? Kasalanan ng LP na nanalo si Duterte? Sinu-sino ba ang nagtaas ng kandidatura ng numero uno palang tagahanga ni Marcos, LP ba? Ang kasuklam-suklam ay ang mga mambabatas at iba pang lider na agad sumakabilang-bakod di para isulong ang kapakanan ng bayan kundi para masigurong ligtas ang kani-kanilang ambisyong pulitikal. Di pa uso ang LP, may ganyan nang mga Pilipino.

Ito namang mga pulahan, lagi na lang anti-dilaw, anti-oligarch kuno pero nagkakamali lagi ng kinakampihan. Pulahan ako dati bilang aktibista pero wala sa amin ang nakahula na magaganap ang EDSA. Ngayon, ang mga pula sa simula pa kumampi na sa berdugo sa kagustuhang makisalo sa kasikatan nito. Akala nila mababago pa ang masamang ugali nito. Ewan ko pero pati ba sila ay nagoyo ng propaganda tungkol sa Davao?Akala ko ba mataman silang nagbabantay sa sitawsyong pulitikal? Bakit napaglalangan sila ng isang taong lantad naman ang kasamaan noon pa? Dahil diring-diri sila sa dilaw? Dahil mga galing sa kinamumuhian nilang maylupa ang mga lider nito? Pero kahit na bigo na naman ang pula na maging kapanipaniwala bilang oposisyon dahil nga may mga personahe sa kanilang umangkas kay Digong, iginagalang ko pa rin ang mga pagkilos nilang sila lang ang buong tapang at sipag na nakagagawa. Maraming mga Pilipino ang ayaw sa mga martsa at pagkilos sa kalsada. Nakalimutan nilang ang pinakamalaking martsa ang nagpatalsik kay Marcos. Mabilis kasi tayong makalimot.

Balik tayo sa iminumungkahing pagkakaisa. Overrated yan. Di yan kaya ng Pinoy. Ang alam nating pagkakaisa ay pakikisakay o pakikisamang panandalian. Pag nakalusot, balik na sa sari-sariling kampo at awayin na muli ang isa’t-isa. Alam yan ng mga propagandista ni Digong at iyon ang kanilang malakas na sandatang naghihiwa-hiwalay sa atin. Di rin ako aasa sa pagsanib ng pula at dilaw dahil nagiging orange iyon. Tiwali at mandarambong din ang apat na pangalang alam kong ibinandila ng orange na kulay.

Imbes na pagkakaisa, mas kailangan natin ang paggising. Kahit pa ano’ng kulay, dapat ay mulat sa kung sino at ano ang problema ng gobyerno at bayan. Sa kani-kaniyang paraan, punahin, batikusin, iprotesta ang maling gawa. Konsyensiya at pagmamahal sa bayan at pag-aalala sa kinabukasan ang gabay natin diyan. Galit sa mga asendero ang pula? Hayaan na sila. Siguro naman alam na nila ngayon na ang maylupang masama at ganid ay di Aquino at Roxas ang mga apelyido. Galit sila sa diktaduryang US-Duterte? Pasasaan ba’t aaminin din nilang ang China ang bagong swapang sa mundo ngayon at ang Pilipinas ang isa sa pinakalapit na pagkain nito.

Ang mga dilaw? Kaunti na lang ang natirang totoong dilaw. Yung mga pulitkong nagsuot ng dilaw para mahalal ay naghubad na’t nakita nang balat-ahas pala. Ikampanya ang di na muling pagboto sa mga oportunista at manggagamit na ito. Lantad na lantad ang mga yan. Pero, pakiusap lang huwag niyong imungkahing ibalik ang orange. May mga kaso ang mga iyan. Yung iba naman ay nagtutulug-tulogan. May mga sige ang pagpapakitang-sipsip sa nakapwesto sa Malacañang.

Huwag na tayong manawagan ng pagkakaisa. Di marunong ang Pinoy ng ganyan. Hanggang pag-angat lang ng kubong ililipat ang pagkakaisang kaya ng Pinoy. Pag malaki-laki na ang bubuhatin, may magdadahilan, magtatamad-tamaran, may iinom na lang sa tindahan habang pinapanuod ang iilang naghihirap buhatin ang giba-gibang tahanan. Pagkakaisa? Wala yan sa Pinoy na mahilig makaisa. #

More @nagmamatyag

More Commentary

More Politics

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here