Pagbabakuna, kinatatakutan na?

0
54

Maria Angela Gonzales

PhilippineOne Editor in Chief:Ako si Maria Angela Gonzales, isang manunulat,nagtapos ng AB Masscommunication sa Far Eastern University. Nangangarap na maging kasing tanyag ni JK Rowling pagdating ng araw.

NANG bata ako ay kumpleto ako sa vaccine. Siyempre, ayaw ng Mommy at Daddy ko na dapuan ako ng karamdaman kaya ayaw nilang ako ay tablan ng kung anu-anong sakit. Kaya naman ay buwan-buwan ay nasa ospital ako para maturukan ng kung anu-anong ‘anti’. Kaya ngayon ay sadyang nakakabahala na dahil sa dengvaxia issue ay nakakaramdam na ng takot ang mga magulang na magtiwala sa bakuna.  

Kunsabagay, hindi naman natin sila masisisi kung bakit ganoon ang nararamdaman nila. Iilang buwan pa lamang ang nakakaraan pero marami na ang namatay dahil sa dengvaxia. Ang sabi sa mga magulang at guro, kailangang maturukan ng ganoong gamot ang kanilang anak para makaiwas sa dengue. Siyempre, dahil gobyerno ang nagsabi, kampante ang mga magulang na pumayag na ma-injection-an siya. Ngunit, hindi pala ganoon ang mangyayari. Sabi kasi, mabisa lamang ang gamot na dengvaxia kapag nagkaroon na ng dengue pero sobra itong mapanganib sa mga hindi pa nakakaranas na ma-dengue.  

At ganoon nga ang nangyari. Marami pa ring pasyente ang isinugod sa ospital dahil sa dengue at karamihan, huwag na nating sabihing lahat, ay hindi na nakalabas pa ng buhay. Namaga ang kanilang utak, naapektuhan ang vital organs ng mga batang ito hanggang sa bawian ito ng buhay.  

Talagang napakasakit sa mga magulang na makikitang nag-aagaw buhay ang kanilang anak o nalagutan ng hininga. Bilang ina, dama kong paghihirap ng kanilang kalooban. Talagang mahirap din na kayanin pang nasa ganoong sitwasyon ang ating anak. Ang masaklap nga, dahil din iyon sa kagustuhan nating hindi siya magkaroon ng malalang karamdaman.  

Kaya, hindi na nakakapagtaka kung bakit maraming magulang na nangangambang magpapabakuna pa ng kung anu-anong vaccine. Nakakaramdam na kasi sila ng takot na baka kapag paturukan nila noon ang kanilang anak ay matulad lamang sila sa mga magulang na nawalan ng anak.  

Bagamat, nauunawaan naman ng marami ang takot na iyon ng mga magulang, hindi rin naiwasang mag-alala ng mga doktor dahil alam nilang kapag walang panlaban sa sakit ang mga bata tulad ng anti-polio, anti-hepa at kung anu-ano pa ay madali silang dapuan ng karamdaman. Kaya naman sana ang pangyayaring ito ay magsilbi na talagang aral sa mga taong nagsusulong sa ‘injection’ na hindi naman talaga tested.  

Sabihin man na hindi na maibabalik pa ang nakaraan, hindi pa rin sapat na dahilan iyon para hindi papanagutin ang may sala. Pero, kahit naman maparusahan ang mga taong dapat na sisihin, hindi na rin naman maibabalik pa ang nakaraan. Kaya sana, maging responsable na ang mga taong may sapat na kaalaman para magawa nila ng maayos ang kanilang trabaho.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here