Pacquiao Bilang General Malvar, Inalmahan

Mula nang lumabas ang poster ni Senator Manny Pacquiao na isang patunay na siya ay gaganap bilang si General Miguel Malvar gayundin ang video ng formal launch nito, sari-saring opinyon na ang ibinuga ng mga netizens sa social media. Sa tono ng kanilang mga reaksyon ay mukhang hindi nila nagustuhan ang ideya na si Pacquiao ang siyang gaganap bilang Malvar. May nagsabing hindi bagay, may nagsabing hindi kaya ni Manny ang accent ng isang Batangueno, may nagsabi rin na hindi marunong umarte si Pacquiao kaya’t dapat ay magboxing na lang siya o kaya ay magconcentrate sa senado. Sa kabila ng mga pasaring na ito ng mga netizens ay mukhang seryoso naman si Senator Manny sa bayaning kanyang gagampanan.

Pero mukhang hindi lang ang mga netizens ang may hindi magandang reaksyon dito kundi maging ang mga kamag-anak mismo ni General Malvar kabilang na ang kanyang apo sa tuhod na si Gabriel. Ayon sa post ni Gabriel, nung una ay inakala lang niya na fake news ito, pero nang makita na niya ang video ng formal launch nito ay doon na niya nasiguro na hindi ito fake news at syempre pa nabigla siya. Ayon pa kay Gabriel, may 11 na anak ang kanyang Lolo Miguel at Lolo Ulay subalit wala isa man sa kanila ang kinonsulta para sa proyektong ito. Ang pangamba pa ni Gabriel, dahil remarkable na si Manny bilang Manny Pacquiao, dahil sa mala-fairytale na istorya ng buhay nito, maaaring madomina nito ang pelikula at hindi ang istorya mismo ng kanyang lolo ang tumatak sa isip ng mga manonood. Gayunpaman, sa kabila ng mga sentimyento ni Gabriel ay wala na siyang magagawa kundi magreact na lang publicly.

Mukhang malaki ang inilaan na budget dito. Bilang isang Pilipino na nasasabik sa tunay na istorya ng buhay ni General Malvar na bayani ng ating lahi, sana naman ay mabigyan nila ng hustisya ang pelikulang ito. Sana ay mangibabaw ang kabayanihan ni General Malvar sa kabila ng mga argumento.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here