OFW Welfare Monitoring System ng POEA, sisimulan sa Oktubre

Simula October 1, 2019, ipatutupad ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang OFW Welfare Monitoring System para mabantayan ang mga overseas Filipino workers (OFWs).

Ang OFW Welfare Monitoring System ay isang online portal na dinisenyo sa bisa ng POEA Memorandum Circular 12, Series of 2018. Sa portal na ito, obligadong magrehistro ang lahat ng lisensiyadong recruitment at manning agencies ng POEA dahil dito nila ire-report ang kalagayan ng bawat OFW, landbased o seabased, na kanilang pinaalis pagkaraan ng tatlong buwan. Ang pagsumite ng monitoring report sa portal ay tuwing ikatlong buwan hanggang sa matapos ang kontrata ng OFW. Maaring mas palagian ang pagrereport kung sakaling may kritikal na sitwasyon na nangyayari sa bansang kinaroroonan ng OFW gaya ng giyera o anumang kaguluhan.

Mahigpit ang bilin ng POEA na papatawan ng administrative sanction at penalty ang sinumang recruitment agency na hindi maglagak ng monitoring report sa portal.

Isa lang ang ibig sabihin nito. Magkakaroon ng totohanang responsibility ang mga recruitment agency dahil kinakailangan nilang i-check ang mga OFW. Mas masugid na koordinasyon sa foreign agency at employer ng OFW dahil sa tulak ng accountability. Kasama dito ang pagseguro na masusunod ang mga kondisyong nakasulat sa employment contract gaya ng maayos na living o sleeping quarter, regular na pasahod, hindi makakaranas ng maltrato, o sobrang oras ng trabaho.

Sayang at ngayon lang naisip ng POEA ang OFW Welfare Monitoring System na ang disenyo ay proactive at preventive. Hindi gaya ng kalakaran kung saan ang mga OFW ay nagsusumbong sa Facebook o nagpapa viral video pa para mapansin ang kanilang kalagayan at mula dito ay nagreresponde ang Philippine Overseas Labor Office para i-rescue ang mga OFW.

Ang pagkakaroon ng OFW Welfare Monitoring System ay isang hakbang para bawasan ang illegal o undocumented OFWs. Isusulong ng sistemang ito ang pag-discourage sa trafficking ng mga OFW na gustong lumusot bilang turista. Matutukoy ang mga galaw o proseso ng illegal recruitment, kung saan ito palagiang nangyayari. Matutukoy din ang mga OFW na nag-overstay o nag extend. Sa pangkalahatan, makakatulong sa pag-aaral ng Philippine labor migration ang mga datos na ibibigay ng monitoring report.

May 1,264 recruitment at manning agencies ang bibigyan ng orientation ukol sa monitoring system na magsisimula sa September 9 to 13, at 16 to 20 sa POEA.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here