OFW Story ni Joseph: Paghihirap naramdaman sa abroad

Marami ang nagsasabi na kapag ikaw ay nagtatrabaho sa ibang bansa, sigurado ng mayroon kang magandang buhay. Ngunit, ako ang tipo ng tao na di agad naniniwala sa sabi-sabi. Nais kong marinig din ang mga istorya ng mga taong nagtrabaho sa abroad at ang tenant kong si Joseph ang nagawa kong tanungin. Siya kasi ay nagtrabaho sa Malaysia ng dalawang taon.

Sabi niya, kung ikukumpara nga dito sa Pilipinas, mas malaki ang sinasahod niya. Noon daw kasing panahon na iyon ang Ringgit (Malaysian Money) ay thirteen pesos sa pera natin kaya kung magtatrabaho ka ng ilang oras at limang araw kada linggo ay malaki rin talaga ang kikitain mo. Kaya nga lang daw, hindi ganoon kadali ang magtrabaho sa ibang bansa. Ang bawat minuto kasi sa ibang bansa a mahalaga kaya hindi ka maaaring magpahinga sa oras ng trabaho.

Kailangan mo ring makisama ng husto kung talagang gusto mong tumagal sa’yong trabaho. Kapag may nagalit kasi sa’yo ay maaari kang gawan ng kuwento sa employer ninyo at maaari kang mapatalsik na lang. Dahil nga mayroon siyang asawa at dalawang anak, kinailangan niyang magtiis ng husto para sa kanyang pamilya. Kahit naman medyo may kalakihan ang kanyang sinasahod, kailangan din niyang magtabi para sa kanyang sarili dahil may mga pangangailangan din siya.

Kaya, talagang hindi rin totoo ang sinasabi ng marami na kapag nagtatrabaho sa abroad ay sigurado ng maraming pera. Depende pa rin siyempre ‘yan kung anong posisyon mo sa’yong trabaho.

O, huwag kang basta magtatampo kung mayroon kang kaibigan o kamag-anak na nagtrabaho sa abroad pero di ka nagawang pautangin ng manghiram ka ng pera. Kahit naman kasi higit ang kita niya sa ibang bansa, marami rin naman siyang responsibilidad. Kaya nga siya nag-abroad dahil nais niyang kumita ng malaki. Kaya, maigipang mag-abroad ka na lang din kung nais mongmagkaroon ng pera.