OFW Story ni Anita ng Dubai: Hindi mahal ng ina at kapatid

0
285

Maria Angela Gonzales

PhilippineOne Editor in Chief:Ako si Maria Angela Gonzales, isang manunulat,nagtapos ng AB Masscommunication sa Far Eastern University. Nangangarap na maging kasing tanyag ni JK Rowling pagdating ng araw.

Ang OFW Story na ito ay nagmula kay Anita ng Dubai. Ang sakit na nararamdaman niya ay may kinalaman sa kanyang ina at kapatid.  

Nakakatuwang malaman na mayroon site na maaari naming ibahagi ang aming karanasan sa buhay, sa pakikipagsapalaran namin dito sa ibang bansa. Sa pamamagitan kasi nito ay nararamdaman kong may halaga rin pala kaming OFW. Akala ko kasi, pinahahalagahan lamang kami dahil sa perang maipapadala namin sa aming pamilya.  

Masakit man pero iyon naman talaga ang nararamdaman ko, iyon ang ipinapadama sa akin ng aking Nanay at Ate. Tinatawagan lang nila ako dito sa Dubai hindi para kamustahin kundi para ipaalala sa akin ang perang ipapadala ko sa kanila. Masakit na pakiramdam ko ay mahalaga lang ako sa kanila dahil sa ilang libong ipinapadala ko sa kanila. Kunsabagay, bakit pa ba ako aasa na mahal nila ako, eh, nu’n ngang nasa Pilipinas ako ay hindi naman nila pansin ang presensiya ko?  

Kahit wala naman akong ginagawa sa kanila, alam kong hindi nila ako gusto lalo na ng ina ko. Sa tuwing titingnan daw niya ako ay naaalala niya ang ama ko. Nang una ay takang-taka ako sa nanay ko kung bakit parang galit siya sa tatay ko gayung si Ate naman ay mahal na mahal niya. Sa huli ay nalaman ko ang kasagutan, magkaiba kami ng tatay ni Ate. Hinalay lang si nanay ng ama ko kaya hindi rin niya kilala kung sino iyon.  

Kahit tuloy lagi kong sinasabi kina nanay at ate na mahal na mahal ko sila, kailanman, hindi ako nakatanggap ng pagtugon. Si Ate, lagi niya akong sinasaktan. Sabi niya, ako raw ang dahilan kaya nasira ang kanilang pamilya. Gusto kong sabihin na ‘wala naman akong kasalanan’ pero hindi ko na nagawa. Alam ko kasing mag-asawang sampal lang ang matitikman ko. Kapag minalas-malas pa, siguradong masasabunutan pa ako.  

Kaya naman nang magtapos ako ng highschool, hindi na ako umasa na papag-aralin pa nila ako. Kaya, nagdesisyon na lang akong sumama sa kaibigan kong nag-abroad. Fly now Pay later ang slogan ng agency na napasukan ko kaya hindi ko na kailangan pang mamroblema sa salapi. Ang kaibigan ko ang sumagot sa ilang requirements ko kaya naman masasabi kong napakalaki ng utang na loob ko sa kanya.  

Tiyak ko kasing hindi ko alam kung paano ba ako mabubuhay kapag nanatili lang ako sa Pilipinas. Kung ang mga nakapagtapos nga sa kanilang pag-aaral ay nahihirapang magtrabaho, ako pa kaya? Sa ngayon ay nakakadalawang taon na ako dito sa abroad. Isa akong maid. Mabait naman ang amo ko kaya wala akong problema sa kanya. 

Ang totoo, itinuring akong kapamilya ni Madam kaya mas lalong bumibigat ang dibdib ko. Hindi ko kasi naramdaman sa nanay at ate ko ang pagtanggap. Para sa kanila, isa lamang akong pabigat. Gayunpaman, hindi ko pa rin matiis na sila ay tulungan kapag nangangailangan sila. Ewan ko nga lang kung sa pag-uwi ko sa Pilipinas ay magagawa na nila akong salubungin ng yakap at halik. Basta ang mahalaga sa akin, mahal ko sila sa kabila ng lahat.

More Commentary

More Politics

More OFW

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here