NASAAN SI MARIA CLARA?

1556
NASAAN SI MARIA CLARA?

Sariwa pa sa ala-ala ko ang libro ni Gat. Jose Rizal, ang Noli Me Tangere. Isa sa mga kilalang karakter ng librong ito ay si Maria Clara, isang babaeng naglalarawan kung ano ba ang isang tunay na Filipina noong panahon na sinakop tayo ng mga banyaga. Si Maria Clara na may taglay na kahali-halinag ganda, may takot sa Dios, mayumi, at kung tawagin ay hindi makabasag pinggan. Masasabi ko na ganito ko mailalarawan ang isang Pinay noon. Pero nasaan na nga ba si Maria Clara ngayon?

Hinanap ko s’ya sa mall na malapit sa amin. Habang nasa pila papasok ng mall, kinausap ko ang babae sa harap ko na mukhang ka-edad ko. S’ya ay may kulay tanso na buhok, pintadong mukha na halos nabura na ang tunay na itsura, iginuhit na kilay, mga damit na kinapos sa tela, pananamit na halos wala ng maitatago pa, makinis ang balat, at animo’y bampira sa putla ng balat dahil sa dami ng papaya soap at glutathione na ginamit sa katawan. Tinanong ko kung s’ya ba si Maria Clara at saan ko s’ya matatagpuan, ang sagot sa akin ay “Miss hindi ko s’ya kilala, pero subukan mong magbasa ng Noli Me Tangere baka s’ya ang hinahanap mo” Hindi na ako naka-imik dahil dali-dali s’yang pumasok ng mall. Pero hindi ako dapat mawalan ng pag-asa, alam ko mahahanap ko din s’ya.

Umuwi ako sa Marikina, at napadaan ako sa Cubao. May lumapit sa aking babae habang naghihintay ako ng masasakyang jeep. S’ya ay morena, nasa edad 30-40 pero kung manamit ay parang teenager, mapapaisip ka kung damit ba ng anak niya ang suot niya, may kolorete ang katawan, aninag sa mukha ang kahirapan ng buhay, at may hawak-hawak na maliit na bag. Habang ngumunguya ng bubble gum at nag papalobo nito nagtanong s’ya sa’kin “gusto mo ba ng trabahong malaki kita?” Sinagot ko s’ya ng tanong, “kilala mo ba si Maria Clara?” Hindi n’ya ko sinagot nguni’t tinawag niya ‘kong baliw habang papalayo sa’kin. Mahahanap ko pa kaya si Maria Clara?

Malapit na akong mawalan ng pag-asang mahanap si Maria Clara, nguni’t saan ko pa ba s’ya maaaring hanapin? Habang ako ay nasa isang coffee shop, binuksan ko ang latptop at tinipa ang pangalang Maria Clara nagbabakasakaling dito ko s’ya matatagpuan. Laking gulat ko ng tumambad sa akin ang mga larawan ng babaeng nakahubad na may takip na manipis na kumot, makikinis ang balat, maamong muka nguni’t mapang-akit ang mga tingin. Tinanong ko ang sarili ko, “ito na ba si Maria Clara ngayon?” Pinilit kong pa ring masugid na hanapin s’ya, pero paulit-ulit ang aking nakita. Nasaan ba si Maria Clara?

Hindi ko na alam kung saan ko ba maaaring hanapin si Maria Clara, kaya’t nag-isip ako. Sila na ba ang Maria Clara ngayon? Sa pag pasok ng makabagong teknolohiya, nagbago na din ba ng panahon si Maria Clara? ‘Yung babae sa mall, si ate na nagbibigay ng aliw sa Cubao, at ang mga babae na laman ng pornograpiya, lahat sila ay si Maria Clara ngayon. Nakalimutan kong sa pag pasok ng makabagong teknolohiya, sabay pasok na din ng pagbabago ni Maria Clara. Hindi ko lubos maisip kung paano nabago ng lipunan ang bawat pinay. Ito ba ay sa pag sabay sa uso, sa pagsasa-isip na ang maganda ay may maputlang balat kaulad sa mga banyaga, na ang kahulugan ng sexy ay ang pag papakita ng mas maraming balat, hindi ka kaaya-aya sa paningin ng tao kung walang nakapinta sa iyong mukha at higit sa lahat walang masama kung sino-sinong lalaki ang nakadapo na sa iyo?

Masakit man isipin, pero ganito ba ang pagbabagong gusto natin? Lahat tayo gusto ng pagbabago, at dapat ang pagbabago ay magmula sa atin. Nguni’t anong klaseng pagbabago ba ang gusto natin, ito ba ang ang baguhin ang pagkatao natin kung saan tayo nagmula? Nasaan nga ba si Maria Clara?

1 COMMENT

  1. For me sa tingin ko Maria Clara is in every walks of life. Nakakalungkot lang isipin na ganyan na ang mga kababaihan ngayon. Marami na ang ipinagpapalit ang dignidad para sa kakarampot na kasikatan, kahit ang ibig sabihin nito’y pagpapakita ng laman.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here