Naniniwala Ka Ba Sa Mga Milagrosong Imahe?

Nakakita ka na ba ng isang banal o milagrosong imahe? Halimbawa sa pader o kaya ay sa mga ulap, kalangitan, sa tubig , sa punongkahoy o kaya ay sa sarili ninyong dingding? Yung tipong pakiramdam mo ay totoo itong imahe ng Diyos o mga anghel sa kalangitan na nagpakita sa’yo. Siguro iisipin ng mga hindi naniniwala na ito ay gawa-gawa lamang ng isang taong nais manloko ng kapwa. Pwede rin namang bunga lamang ng malikot na imahinasyon ng mga tao. Pero ako, nang makita ko sa larawang kuha ko ang tila imahe ng isang batang anghel o querubin, iba ang naramdaman ko. May kakaibang pakiramdam ang gumapang sa buo kong katawan. Ang makikita nyo sa larawan ay kuha ko lamang kamakailan sa mapaghimalang simbahan ng Quiapo kung saan matatagpuan ang milagrosong Poon ng Nazareno. Kung pagmamasdang mabuti, ang querubin na imaheng sinasabi ko na sumama sa larawan ay reflection lamang ng ilaw sa pilahan. Oo, maaaring ganoon nga. Subalit sa unang pagkakita ko pa lang dito na ang tingin ko agad ay isang batang anghel kasabay ng paggapang ng kilabot sa aking katawan, para sa akin ito ay isang tunay na milagrosong imahe. Hindi man ito maging katanggap tanggap sa iba, para sa akin ito ay katotohanan na naramdaman ko sa aking puso.

Siguro nga ang bawat milagrong nangyayari sa ating buhay ay hindi kailangan ng isang konkretong ebidensya. Kundi ito’y nangangailangan lamang ng paniniwala sa kabila ng pagtuligsa ng iba. Ang pagpapakita ng mga banal na imahe sa kung saan saan ay maaaring may hatid na mensahe sa sinumang pagpakitaan nito. Subalit hindi lahat ay nalalaman ang mensahe nito dahil nandoon ang pagdududa lalo na kung nadala sa sinasabi ng iba na ito ay walang katotohanan. Kung hindi kananiniwala rito, hayaan mo na lang ang iba na maniwala rito. Irespeto natin ang damdamin at paniniwala ng bawat isa dahil hindi lahat ng nakikita mo ay nakikita niya o nakikita ko. Sa mga tao naman na nakakakita at nakakaranas ng milagro, huwag natin itong gamitin sa pansarili nating kapakinabangan bagkus ay ibahagi lamang sa iba ng malaya at walang anumang kapalit.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here