Nang Ibigin ni Eba si Eba

0
869

Latest posts by PhilippineOne Contributor (see all)

(Pagsasama ng Magkaparehong Kasarian sa Konteksto ng Pilipinas at iilang mga Legal at Marangal na Pananaw)

Ano bang pagkakatulad na meron sina Aiza Seguerra at Monique Wilson? Sila ay mga Pinay na ikinasal din sa kapwa Pinay. Si Aiza ay kay Liza Dino  noong 2014, ikinasal sa Estados Unidos, habang si Monique naman ay kay Rossana Abueva noong 2015, sa London.

Sa nakaraan

Taong 2003, napatulala ang lokal na industriya ng telebisyon at maging ang buong bansa sa nangyaring kasalan sa simbahan ng aktres na si Desiree del Valle at ng isang Tsinoy-Pilipina na lesbian. Ang nasabing kasal na iginanap sa Las Vegas ay nagdulot ng kilabot sa mga miyembro ng nakagawiang relihiyon, pagtaas ng kilay galing sa tradisyonal na mga Pilipina at mga sarkastikong ngiti mula sa iba’t ibang konserbatibong kalalakihan. Sa kabilang banda naman, ang kasalan ay nakakuha ng mga hiyawan at pagtango galing sa grupo ng mga lesbian at mga naglabasang lupon ng mga babaeng bi-sexual sa Pilipinas. Samantala, higit pa sa mga nagkakaibang reaksiyong nagmula sa maraming grupo, nag-sindi ito ng dibate sa bawat taong mayroong sariling pananaw o opinyon tungkol sa legalidad nito. Naging dahilan din ito ng pagkakaroon ng mga maiinit na argyumento tungkol sa “ethical ramifications” nito.

Sa kasalukuyan

Ang Pilipinas ay tinataguriang isa sa mga pinaka-”gay-friendly” na bansa sa buong mundo at pinaka-LGBT-friendly sa Asya. Ang pagsasama ng magkaparehong kasarian ay hindi na gaanong nakakatanggap ng matitinding reaksyon, pero nananatili itong kinamumuhian ng lipunang Pilipino.

 Lehitimo o Hindi?

Tungkol naman sa kredibilidad at pagiging lehitimo, walang pag-aalinlangan na ang ganitong pangyayari ay labag sa Konstitusyon. Ayon sa Civil Code ng Pilipinas, isang esensyal na bagay sa pagpapaksal na ang ikakasal ay dapat lalaki at babae. Sinasabi sa Kapitulo 1, Artikulo 2 na “hindi magiging legal ang kasal maliban kung naririyan ang mga kinakailangan: (1) legal na kakayahan ng ikakasal na dapat ay lalaki at babae, at (2) pahintulot na kusang ibinigay sa presenya ng opisyal na tagapagkasal.” Sa kondisyong ito at sa paraang ito’y sinasabi, maliwanag na ang batas sa Pilipinas ay kumikilala sa pagsasama sa pagitan ng lalaki at babae LAMANG (paalalahanan ang salitang “dapat” na nangangahulugang ang kondisyon ay MANDATORY hindi OPTIONAL). Maliban pa rito, klarong pinapaliwanag ng batas ang konsepto ng kasal at ang kahalagahan nito bilang pangunahing institusyon ng lipunang Pilipino. Isang bahagi rin ng Artikulo 1 (Kapitulo 1) ang nagsasabing: “Ang kasal ay isang espesyal na kontrata ng permanenteng pagsasama sa pagitan ng isang lalaki at isang babae  na mayroong pahintulot sa batas para sa pagbuo ng kasado at pamilyadong buhay…” Ano bang ibig ipahiwatig ng “para sa pagbuo ng kasado at pamilyadong buhay”?

Ito ay nagpapahiwatig tungkol sa pagkakaroon ng mga anak, pagsisimula ng pamilya. Kung ang pagsasama ay kinabibilangan ng dalawang lalaki o kaya dalawang babae, paano makakamtan ang layunin ng pagbuo ng bata, na sa tradisyon ay siyang pangunahing pakay ng pagpapakasal? Syempre, para sa mga taong may kaalaman, para sa mga tipong gumagawa ng bagay na hindi kinagawian at sa lahat nang may ayaw sa awtoridad – “artificial insemination” at pag-ampon ng bata ang halatang kasagutan sa legal na isyung ito. Sa totoo, oo, pwedeng gawin ang pamamaraang ito, pero iyon naman ay ibang usapan.

Isa pang punto kung bakit ang mga naturang pagsasama ay ilegal at labag sa batas – ang lugar sa pagpapakasal. May mga nagsasabing ang ganitong pagsasama ay OK lang kasi ang mga babae ay ikinasal naman sa ibang bansa, kung kaya wala na silang pananagutan sa batas ng Pilipinas. MALI.

Ang batas ng Civil Code na may kinalaman sa “territoriality” ay kokontra laban sa depensang ito. Ayon sa panukala, “ang mga batas ukol sa karapatan at responsibilidad ng pamilya, o sa kalagayan, kondisyon at legal na kakayahan ng mga tao ay mayroong hawak sa mga mamamayan ng Pilipinas, kahit na naninirahan sila sa labas ng bansa.” Ibig sabihin, saan man ang kinalalagyan ng isang Pilipino, ang batas ng Pilipinas ay may impluwensya sa kanya batay sa karapatan at obligasyon ng kanyang pamilya, o kalagayan, kondisyon at legal na kakayahan. Sa mga babaeng nagsasama o kasal sa kapwa babae, sila ay hawak pa rin ng batas ng Pilipinas kahit na sila ay nasa labas ng linya ng teritoryo ng bansa. Ang argyumento lamang dito ay kung sadyang isinuko o pinutol na nila ang kanilang nasyonalidad bilang Pilipino.

Isyung Moralidad, lumalabo?

OK, isang ilegal at labag sa batas ang pagsasama ng magkaparehong kasarian. Pero paano naman ang mga moral na implikasyon nito? Ang paggiging “kasado” o pakikipagtalik o umibig ba sa taong katulad sa atin ang kasarian ay imoral, karumal-dumal at tanda ng isang masamang pamumuhay? O may panghihina ba ito sa ating asal? Ang konsepto ng moralidad noon pa ma’y laging nasa “grey area” para sa halos bawat isa saan man sa mundo; ito ang mismong dahilan kung bakit ang mga isyung moralidad, anuman ang mga ito, ay nananatiling malaking kontrobersyal. Pero bakit kaya kapit pa rin sa isa’t isa ang mga tao kahit na labag sa tradisyonal o kinagawiang prinsipyo ang kanilang pagsasama? Ano ba ang pinaka-pundasyon ng kanilang relasyon at bakit nananatiling matatag ang dalawang tao sa hirap at sa  ginhawa, at para bang apektado sila sa sintomas ng kasabihang “ikaw at ako laban sa mundo”?

Pag-ibig. Ito’y malaking elemento kung bakit nagpapakatatag ang dalawang nilalang o napapalapit para manatili sila sa isa’t isa. Totoong mayroong ibang nga dahilan kung bakit bumubuo ng relasyon ang mga tao pero talagang ang pag-ibig ang unang tagapag-udyok at tagapag-tulak para maging magkalapit ang dalawang tao sa isa’t isa. Ang kasarian ay walang puwang sa isang pangkalahatan at perpektong ideya kagaya ng sa pag-ibig o emosyon. Kapag sinabi mo sa isang tao na “Mahal kita”, ito’y nangangahulugan na mayroon kang magandang nararamdaman para sa kanya o gusto mo siyang makasama sa bawat oras ng iyong buhay o mayroon kang nararamdamang espesyal sa tuwing kasama mo siya. Sa totoo, ang iyong nararamdaman ay isang “ideya” kung saan walang mga mata ang magsasabi sa iyo na ang taong nagustuhan mo ay lalaki man o babae.

Hindi mahalaga ang kasarian. Kapag nakakaramdam ang babae ng pag-ibig para sa kanyang kasintahan, ang init at pagmamahal na iyan ay nakalaan sa isang TAO, at ang taong iyan ay nagkataong isang lalake. Sa madaling salita, ang tunay na pag-ibig ay walang pinipili – oras, distansya, nasyonalidad, relihiyon, politikal na paniniwala, estado sa buhay, at higit sa lahat ang kasarian ay hindi dapat gamitin bilang limitasyon sa pagpapahayag ng tunay na nararandaman, lalo na ang pag-ibig. Kapag ang tao ay umibig at nagkaka-intindihan sa isang tao na mula sa kaparehong kasarian, hindi ito nakababawas sa kanyang pagkatao; hindi ito nangangahulugan na siya ay masama, imoral at walang silbi. Hindi ito nagpapakilala sa kanya bilang kriminal. Ito lamang ay nangangahulugan na siya ay sumunod sa sinasabi ng kanyang puso at konsensya at handa niyang panindigan ang kanyang ginawa.

 Hindi kailangang yugyugin ang banka

Hindi intensyon ng materyal na ito na kumbinsihin ang tao na lumadlad o ipagsigawan sa mundo na siya ay nasa sa relasyon ng kaparehong kasarian. Mapupuna sa kasalukuyang mga taon na mayroon ng malaking pagbabago sa pananaw at pamumuhay ng mga tao sa Pilipinas. Hindi naman maipagkakaila na tayo pa rin ay talagang napaka-konserbatibong lipunan na kinabibilangan ng mga sobrang relihiyosong mamamayan. Hindi lubos maisip ang pagdambana at paglantad sa sarili bilang sakop sa ganitong relasyon. Kung talagang “gagawin” ito kagaya ng ginawa ng mga naturang babae sa sulating ito ay talagang hindi kanais-nais at walang kapatawaran. Pero hindi rin sinasabi sa materyal na ito na ikaw ay patuloy na maging alipin sa kultura at sundin ang anumang dinedikta ng lipunan o kaya’y ang ibang tao ang mag-desisyon para sa iyo. Hindi ipinapahayag dito na ang opinyon ng iba ang magsilbing basehan kung paano ka mamuhay sa mundong ito. Ang punto dito, dahil tayo ay nasa lipunan kung saan mayroong mga hindi kinagawiang gawain na maaaring makaapekto o makasakit  sa mga taong mahalaga sa atin (pamilya at mga kaibigan), hindi natin kinakailangang “yugyugin ang bangka.”

Ibig sabihin, kung umiibog ka sa taong sakop sa magkatulad na kasarian, hayaan mo. Karapatan mo yan, iyan ang pinili mo. Pero napakaibang usapan naman ang mainit na pakikipaghalikan sa kanya sa harap ng karamihan. Ang pagpapanggap ay hindi sinusuportahan ng sulating ito. Ito’y tungkol sa paggiging totoo sa sarili at pagpapakatotoo sa ating mga paniniwala. Samantalang, hinihimok naman dito ang paggiging responsable sa ating mga ginagawa. Pakakatandaan natin na karapatan natin ang umibig. Sa mundong puno ng pagbabakasakali, dobleng ekspektasyon, panloloko, at walang kabuluhang kautusan, kailangan nating manindigan sa sarili upang maging totoo. Oo, kahit sino ay maari tayong kutyain o pangaralan hanggang sa huli kasi karapatan nila iyon. Pero tayo’y hatulan? HINDI MAAARI. Walang kahit sinuman sa mundong ito ang mayroong karapatang humatol sa kanyang kapwa tao at walan sinuman ang magbibigay ng kaatasan kung paano tayo mamuhay. Ang pagbigay ng hukom ay isang bahaging ilalim lamang sa kapangyarihan ng Panginoon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here