NAKARAMDAM NG KAKILA-KILABOT MULA NG MAGALIT KAY GOD DAHIL NAMATAY ANG MISTER

827
Dear Maria: Advice column on PhilippineOne

Dear Maria,

Iniwanan ako ng mister ko pero hindi dahil sa ibang babae kundi dahil sa kamatayan.  Masakit para sa akin iyon dahil mahal na mahal ko siya. Sa sobrang sakit na aking nararamdaman, hindi ko napigilang magalit kay God. Mula nga noon, hindi na naging normal ang buhay ko. Para kasing may kakaiba akong nararamdaman sa aking paligid na talaga namang nagpapangilabot sa akin. Payuhan mo ako kung ano ang dapat kong gawin. — Julie                                                                                                

 

Julie,

Ibig sabihin niyan ay nilalapitan ka ng masasamang espirito dahil nagagalit ka kay God. Kung puno ng pagkamuhi ang puso mo para sa Lumikha, madali kang lapitan ng masasamang elemento na nakalat lang sa paligid. Hindi man natin sila nakikita, alam kong naririyan lamang sila at nagpaparamdam kung ikaw ay panghihinaan na ng paniniwala kay God.

Lahat naman tayo ay pupunta sa kamatayan. Sabi nga, una-unahan lang ‘yan. Kaya, wala akong nakikitang dahilan kung bakit kailangan mong magalit kay God. May dahilan kaya siya nawala sa mundong ito. Iyon ay dahil sa tapos na siya sa kanyang misyon. At sa pagkawala ng mister mo, doon naman masusubok ang iyong tatag. Kailangan ay maging matibay ang loob mo.

May anak ba kayo ng mister mo? Kung mayroon, dapat siya ang inaasikaso mo. Hindi maaari iyong lagi ka na lang nagmumukmok diyan. Ang kailangan mong gawin, tanggapin na ang katotohanan. Wala na ang mister mo kaya mag-move on ka. Mahirap mang gawin iyon pero kailangan. Sabihin mo man na wala kang anak, kailangan mo pa ring ipagpatuloy ang buhay mo kung tatanggapin mo na  mag-isa ka na lang.

Sa halip na patuloy kang mamuhi kay God, pawalan mo na ang galit na iyong nararamdaman. Sa tingin ko rin, hindi masisiyahan ang mister mo kung makikita ka niyang miserable kaya tanggapin mo nang hindi na siya babalik pa. Para maging madali sa’yo ang paglimot sa sakit na iyong nararamdaman, libangin mo ang sarili mo. Huwag kang magkulong sa isang silid at magmukmok tapos ay isusumpa mo pa si God. Aba, talagang lalapitan ka ng kung sinu-sinong diyablo.

Kaya, sana habang hindi pa huli ang lahat,  maging okay ka na. Huwag ka na manatili sa dilim,. Kailangan mo na matagpuan ang liwanag para hindi ka na makaranas ng kung anu-anong kababalaghan. Sige ka kapag hindi ka pa nagpatawad baka ang mga nagpaparamdam sa’yo y bigla ng sumanib sa katawan mo. Sana ay huwag mo na hintayin pang mangyari iyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here