Nakakatulong ba talaga sa’yo ang Pangungutang?

Kung makakahiram ka agad ng pera at makukuha o mababayaran mo ang mga utang mo, talaga ngang matutulungan ka ng pangungutang. Ang tanong lang, hanggang kailan? Sa palagay ko, hanggang sa maubos ang salaping iyong inutang. Ang kasunod kasi noon ay kung paano mo iyon mababayaran.

Paano nga ba?

Tanungin mo ang iyong sarili, may trabaho ka ba o may pagkukunan ng pambayad sa inutang mo? Kung sasagot ka ng mayroon, di ka gaanong mamumublema. Maliban na lang siyempre kung sobra sobra sa perang matatanggap mo ang iyong inutang. Kaya, hinay hinay ka sa paggasta, este, sa pag utang. Para rin kasi ‘yang kumunoy na kapag di ka nakakapit ay lulubog ka nang husto.

Sa panahon ngayon, di sapat iyong mayroon kang trabaho para sabihin mong mayroon kang magandang buhay dahil ang rate ng sahod natin ay di sapat para magkaroon ka ng maayos na buhay lalo na’t ikaw ay simpleng empleyado lamang.  Sa halagang anim na daang piso kada araw, sa palagay mo ba’y mairaraos mo ang labinlimang araw? Kung single ka, oo ang sagot. Pero kung pamilyado ka at may mga anak tiyak na kakapusin ka ng husto at ang mapagbabalingan mo ay ang pangungutang.

Kung magiging maluho ka, lulubog ka lang sa utang. Kung may responsibilidad ka kasi tapos kung anu ano pa ang iyong inuutang, maaaring mahihirapan kang bayaran iyon. Hindi ka naman kasi nakasisiguro kung ano ang mangyayari bukas. Kapag nagkaroon ka ng emergency, tiyak di mo na mababayaran pa.

Kaya, sa simula ka lang matutulungan ng iyong pangungutang. Sa huli kasi ay mapagtatanto mo na lang na masyado ka ng dumedepende sa’yong pangungutang.

Ikaw, sa palagay mo ba, nakatutulong sa’yo ang pangungutang?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here