Nagbebenta ng sarili para makapag-aral

HINDI lahat ng tao ay ipinanganak na mayroong may maalwang pamumuhay. Mayroon d’yang pamilyang naghihikahos pero hindi sila tumitigil sa pangangarap na matutupad nila ang kanilang gusto. Sila iyong mga taong gustong makapag-aral kahit alam nilang imposible. Maaari kasing naniniwala silang lahat ng imposible ay posibleng mangyari.  

Ang magtrabaho ang unang solusyon para makapag-aral ka. ‘Yon naman kasi ang kailangan para ikaw ay makapag-enroll, makabili ng mga libro, mga kagamitan sa eskuwelahan at magkaroon ng pambaon. Ngunit, ano bang trabaho na maaari mong makuha?  Maaari ka namang maging service crew o maaari kang maging manunulat. Kaya nga lang kung wala ka namang talento sa pagsusulat, baka hindi mo ito pagkakitaan. Kung ikaw naman ay hindi pasado sa requirements, baka hindi ka rin maging service crew.  

Gayunpaman, may mga tao pa ring hindi sumusuko. Ibig nilang makapag-aral kaya lahat ay ginagawa nila para magkaroon ng salapi. Iyon nga lang, kung minsan, gumagawa sila ng masama para lang matupad ang kanilang pangarap. May mga babaeng ibinebenta ang kanilang sarili para magkaroon ng salapi. Katwiran nila, mas maigi pang masira nila ang kanilang kasalukuyan, matiyak lang nilang magkakaroon sila ng magandang kinabukasan.  

Tulad na lang ng babaeng nasa harapan ko ngayon. Hindi niya gustong ipakita ang kanyang tunay na katauhan kaya minabuti na lang niyang takpan ang kanyang mukha. Sensitibo naman kasi talaga ang topic na ito kaya naman naiintindihan ko siya.  

“Anong natapos mo?” 

“BS Accounting,” wika ni Kaye, 30 years old.  

“Paano mo natapos ang pag-aaral mo?” tanong ko sa kanya pagkaraan kong tanungin kung anong trabaho ng kanyang mga magulang. Sabi niya kasi, parehong sepulturero ang mga ito.  

“Nagtrabaho ako.” 

“Anong trabaho?” 

“Nagbebenta.” 

“Ng…?” 

“Katawan.” 

Hindi ako nakakibo. Gusto ko kasing sa kanya magmula ang mga salita kaya naman tinitigan ko na lang siya. “Gusto ko kasing makatapos. Akala ko kasi mas magkakaroon ako ng magandang buhay kapag nakapagtapos ako.” 

“Maganda naman ang buhay mo ngayon?” 

“Dahil nakapagpatayo ako ng sari-sari store.” 

Hindi na ako kumibo. Iyon naman kasi ang pinagkakaabalahan niya ngayon. Natapos na siya sa estado na panay ang trabaho kaya minabuti na lang niyang huminto at mag-negosyo. Siguro nga, suwerte siya sa pagtitinda kaya ngayon ay naging okay na ang kanyang buhay.  

“Ang sabi kasi sa akin dati, napakaimportante ang edukasyon. Kung hindi ako makapagtatapos ng pag-aaral ay hindi ako magkakaroon ng magandang buhay. Siyempre, kinatakutan ko iyon. Ayokong mamatay ng mahirap. Kaya naman, lahat ay ginawa ko para makapagtapos. Kunsabagay, malaki rin naman talaga ang naitulong sa akin ng pag-aaral. Marami akong trabahong napasukan. Kaya lang, hindi na maaalis pa ang dumi sa aking pagkatao.” 

“Hindi ka ba nagsisi sa ginawa mo?” 

“Wala akong dapat na pagsisihan.” 

Gusto kong sabihin na nagsisinungaling siya pero hindi ko magawa, kita ko kasi ang tunay na ngiti na nakapaskil sa kanyang mukha. Makaraan ko kasing kuhanan siya ng larawan, inayos na rin niya ang kanyang buhok.  

“Nagdesisyon ako noon na ibenta sa kung sinu-sinong lalaki ang katawan ko noon dahil iyon lang ang nakikita kong paraan para magkaroon ako ng maayos na buhay. Nagtagumpay ako kaya walang dahilan para magsisi ako.” 

“Sa tingin mo ba makakahanap ka pa ng pag-ibig?” 

“Wala akong planong maghanap. Ang importante sa akin ay maayos ang buhay ko. Pero kung darating siya, tatanggapin ko siya. Kaya nga lang, dapat niyang tanggapin ang nakaraan ko.” 

Sana nga lang ay wala ng babaeng maging tulad ni Kaye dahil natitiyak kong hindi lahat ay maaaring maging kasing suwerte niya. Oo nga at makapagtatapos siya ng pag-aaral, ngunit paano kung nagkaroon siya ng AIDS o nakulong o napatay? Tiyak na hindi rin niya makakamit ang magandang buhay na kanilang pinapangarap.   

 

PhilippineOne is actively accepting articles in Tagalog or English from Filipinos and/or expats living in the Philippines.  Get published today on any subject you feel like writing about. Send your articles to info@philippineone.com with a brief description.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here