Nag-OFW para takasan ang panghahalay ng ama

0
46

Jhen Dechilla

My name is Jhen Dechilla, a single mother and one-time OFW but I now choose to stay in the Philippines to be with my daughter.

Dahil nakita kong nag-online ang dati kong kasamahan na si Neneng, biglang nanumbalik sa aking isipan ang pagmumura niya. Konting kibot ay nagmumura siya. Ang impresyon ko tuloy sa kanya noon ay lumaki siya sa squatters area.

Oy, mga katsismosa, hindi naman ako nangmamata, ha. Ang sinasabi ko lang, ang mga pagmumura ay karaniwang naririnig sa mga ganoong klase ng lugar pero hindi naman ibig sabihin noon, lahat ng laki sa ganoong lugar ay masasamang tao na. Saka, sa tingin ko naman ay hindi naman masamang tao si Neneng. ‘Yon nga lang, mainitin ang ulo nito. Gayunpaman, hindi naman ito pasaway na katulong. Sumusunod naman ito siyempre sa kanilang amo. Talaga nga lang palamura ito.

Sa tingin ko tuloy ay iyon lang ang paraan nito para maipangalandakan sa lahat na matapang ito. Ngunit, dahil nga magkasama kami sa isang quarters, unti-unti kong natuklasan kung anong klaseng tao siya. Mapagmahal sa kanyang ina at kapatid ngunit nanlilisik ang kanyang mga mata kapag natatanong ko ang tungkol sa kanyang ama.

Demonyo siya! Galit nitong sabi pagkaraan.

Nang una ay hindi ko pinansin ang pagsama ng mukha niya kapag natatanong ko ang tungkol sa kanyang ama pero ng lumaon ay hindi ko na napigilan ang aking sarili. Kita ko kasi ang pagkamuhi sa kanyang magandang mukha.

“Anong problema?”

“Wala siyang kuwentang ama.”

Hindi muna ako kumibo.

“Sinira niya ang buhay ko.”

Sa pagkakaalam ko kasi ay lasenggero ang ama nito kaya naman ng mamatay ito ay ikinatuwa pa iyon ni Neneng. Nag-celebrate pa nga ito ng mamatay ang ama nito na labis niyang ipinagtaka.

“Demonyo siya.”

“Huwag ka namang magsalita ng ganyan sa ama mo. Saka, yumao na siya.”

“Pero ang kasamaang ginawa niya sa akin ay hinding-hindi ko makakalimutan. Alam mo ba ang ginawa niya? Hinalay niya ako. Hindi ko na alam kung ilang beses pero paulit-ulit. Mula noong sampung taong gulang ako.”

Gusto kong magsabi ng ‘Oh my God’ pero hindi lumabas ang mga katagang ito sa aking bibig. Kahit nang bigla siyang humagulgol ay hindi ako nakakilos. Nang oras na iyon ko lang kasi siya nakitang bumigay. Para siyang building na biglang gumuho.

Noon niya sinabi sa akin na kaya niya naisipang mag-OFW ay para matakasan ang kanyang ama. Pakiramdam niya raw ay hindi niya magagawa iyon kung mananatili siya sa bahay nila. Ngayon ko naunawaan kung bakit lagi siyang pagalit magsalita. Gusto niya kasing itago ang kanyang kahinaan at magagawa lang niya iyon kung magpapakita siya ng katapangan.

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here