My Mental Health Journey

0
117

21 taong gulang ako noong dinala ako ng aking nobyo sa National Center for Mental Health dahil gusto ko nang magpkamatay. Ilang linggo na akong nahihirapan sa aking kalagayan. Ilang linggo na akong pabalik-balik mula sa mga araw na ako’y labis na masayahin o hyper,  sobrang madaldal, magastos at hindi makatulog, hanggang sa mga araw na ako nama’y sobrang lungkot, hindi maka-kain, hindi makabangon mula sa kama, hindi makapasok sa trabaho at walang ganang mabuhay. Wala na akong nagiging “normal” na araw, at naaapektuhan na nito ang aking buhay. Pagdating namin sa ospital, for admission na daw ako. Kailangan ko na daw manatili sa ospital ng tatlong araw o mahigit pa hanggang sa maging stable na ang aking kalagayan. Delikado na raw sa akin ang maiwan mag-isa sapagkat nilalamon na ako ng aking isipan, at sinasabi nito na kitilin ko na ang aking buhay. Tinanggihan ko ang rekomendasyon ng doktor dahil kakatanggap lang sa akin sa trabaho, at may pasok pa ako kinabukasan. Binilinan ng doktor ang aking nobyo na bantayan na lamang ako, at pumirma kami ng kontrata na hindi ako magpapakamatay kapag hindi nila ako Inadmit.

Ako daw ay may Bipolar Disorder, isang kundisyon sa utak kung saan mayroong “chemical imbalance” sa utak na nagdudulot ng mabilis na pagpapalit ng emosyon ang isang tao. Ang taong may Bipolar disorder ay nakararanas ng parehong sintomas ng depresyon, o labis na kalungkutan at manya (mania) na nagdudulot naman ng labis na pagtaas ng mood or pakiramdam sa mabilis na panahon. Alam ko na simula noong bata pa ako na mayroong kakaiba sa akin, ngunit noong araw na iyon naging malinaw ang lahat. Isang malaking dagok sa akin na malaman na mayroon akong karamdaman sa pag-iisip dahil noon, para sa akin, pang-mayaman na sakit ito. Bakit sa lahat ng tao sa mundo, ay ako pa ang nagkaroon ng ganitong sakit? Bakit ako pinaparusahan ng ganito? Naging in-denial ako. Kahit ako ay nagtapos ng Sikolohiya noong college, hindi ko rin inakala na nangyayari na pala sa akin ang ilan sa mga pinag-aralan ko, pilit ko lamang na itinatanggi. Sinabi ko sa sarili ko na kaya kong malampasan ang problema na ito nang hindi kinakailangan ng gamot.

Hanggang sa nagkaroon muli ako ng episode. Muli akong pumunta sa doktor at sinabi sa akin ang kahalagahan ng gamot, pati na din ang pagtanggap na ang pagkakasakit sa pag-iisip ay isang normal na bagay na hindi dapat ibinabaon sa tanggi. Sinabi nya rin na hindi titigil ang mga episode ko, at baka magiging delikado na ito hangga’t hindi ako magtuluy-tuloy sa gamot. Nagpasya ako na magtuloy-tuloy na sa pagpapagaling dahil wala namang tutulong sa akin kundi ang sarili ko.

Noon, hindi ko ikinukwento ang aking sakit sa dahil ako’y nahihiya na masabihang “baliw” o “loka-loka” ngunit ngayon, napagtanto ko na dapat tayo magsipagtulungan na palawakin ang kamalayan tungkol sa mga “invisible illness” na kagaya nito. Hindi porket hindi nakikita ang mental illness ay dapat na itong ipawalang bahala. Nararapat lamang na bigyan ng atensyon ang mga sakit sa pagi-isip katulad ng pagkakaroon ng sakit tulad ng diabetes, cancer at iba pa.  Sa pamamagitan ng pagsasalita at pagkukwento, nabubuksan natin ang isipan ng ating mga kapwa sa mga sakit na dati ay itinuturing na wala lang at hindi binigyan ng atensyon hanggat walang namamatay dahil sa mga sintomas. Ang ating utak ay bahagi din ng ating katawan, ito din ay humihina at nangangailangan din ng alaga. E

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here