Money Mistakes ng Fresh Hires

0
102

Napakasaya magkaroon ng unang trabaho. May sarili ka nang pera para gamitin sa sarili mo, hindi mo na kailangan humingi sa mga magulang, at may panustos ka sa iyong mga pangangailangan. Pero, mayroon na din itong kaakibat na responsibilidad at kung hindi ka maingat, puwedeng walang patunguhan ang pera mo. Narito ang ilang bagay na dapat mo iwasan:

1. Lifestyle upgrade. Bakit noong wala ka pang income sa karinderya ka lang kumakain pero ngayong may inaasahan ka nang sahod ay puro restaurant na? Bakit noon napapagtyagaan mo ang local na cellphone, pero ngayon kailangan iPhone na? Walang masama sa pagbili ng mga bagay na gusto mo, siguraduhin lang na ito ay may magandang dulot saiyo sa pangmatagalan. Hindi dahil lumaki ang sahod ay dapat lalaki din ang gastusin, sa halip ito ang tamang oportunidad para lumaki ang iyong savings.

2. Nagpapautang. Isa sa mga bagay na mapapansin mo ngayong mayroon ka nang kinikita, ay may mga tao na rin na lalapit saiyo para humiram ng pera. Pagdating sa pagpapautang, isa lang ang dapat mo tandaan – wag ipahiram ang pera na hindi mo kaya mawala. At kahit na kaya mo itong mawala, gusto mo ba talagang ma stress sa kakaisip at paniningil? Para saakin, ang numero unong hindi ko pinapahiram ay mga katrabaho. Madali lang sabihin saiyo na babayaran ka sa araw ng sweldo pero madali lang din magresign, kaya mag-isip bago magpautang.

3. Ginagastos ang bonus. Mas maraming pwedeng paglagyan ang iyong bonus, incentive, at cash rewards kaysa sa pang shopping. Ang pinakamagandang gawin ay idagdag ito sa iyong ipon. Pero kung gusto mo talaga itong gastusin, puwes mag-isip ka muna kung saan ito makakatulong ng mas malaki. Baka pwede mo itong ipambayad sa loan? Baka may alam kang pwedeng pag-investan? O baka pwede ka bumili ng bagay na pangmatagalan na pangangailangan tulad ng maayos na kama kumpara sa bagong designer shoes? Siguradong may mas importante kang mapaglalagyan nito habang nagsisimula ka pa lang.

4. Nagreresign dahil may konting ipon na. Narito ang katotohanan: hindi lahat ng trabahong papasukan mo ay madali. Minsan mapupunta ka sa high stress at demanding na trabaho. Minsan hindi mo gusto ang mga katrabaho mo. Pero, hindi yan sapat na rason para umalis lalo na kung hindi ka kayang suportahan ng konting ipon mo. Bago ka mag resign, siguraduhin mo muna na may trabaho kang mapupuntahan. Kung gusto mo naman umalis muna para magpahinga, dapat ay may naitabi ka nang pera na katumbas ng anim na buwan na sahod mo para hindi dumating ang panahon na isang kahig isang tuka ka ulit.

5. Hindi nagbubukas ng ibang account. Mas mainam kung mayroon kang ibang pinaglalagyan ng pera bukod sa iyong payroll account. Ako, agad akong nagbukas ng checkings account noong nakapag-ipon na ako ng sapat na pera. Naging malaking tulong ito lalo na nung nagsimula na akong magrenta ng sariling bahay dahil karamihan ay cheke na ang hinihingi sa pagbabayad. Nagbukas din ako ng account sa iba pang bangko para hindi lahat ng pera ko ay nasa isang lugar lang. Lahat ng sobrang pera ko ay pantay pantay na nakahati sa iba’t-ibang account para hindi ko ito mabilis mawithdraw kapag nag-iimpulse buying ako. Kung madali kang masilaw ng mga bilihin, ito ang isang tip na pwede mong subukan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here