MISIS NA NAGSESELOS SA EX GIRLFRIEND NI MISTER NA BFF DIN

1163
Dear Maria: Advice column on PhilippineOne

Dear Maria,

Selos na selos ako. Nagkita na kasi ulit ang mister ko at ang ex-girlfriend niya na bestfriend din ng hubby ko. Anong gagawin ko? — Keena

 

Keena,

Eh, ano naman ngayon kung nagkita na ang mister mo at ang ex-girlfriend niya na bestfriend niya, wala ka bang tiwala sa asawa mo? Aba’y mali ‘yan. Dapat ay pinagkakatiwlaan mo siya at huwag masyadong selosa. Kadalasan, ang selos ang dahilan kung bakit nasisira ang relasyon. Ano, hahayaan mo bang mangyari iyon?

Ano ba ang dahilan at pinakasalan ka niya? Hindi ba dahil mahal ka niya? Kung ganoon, bakit hindi lubos ang tiwala mo sa kanya? Dama mo ba talaga na sobra niyang minahal ang ex niya o talaga lang insecure ka dun sa girl dahil bestfriend din niya? Kung ganyan ng nrramdaman mo, kawawa ka naman.

Sa palagay ko, kaya ganyan ang nararamdaman mo, wala kang tiwala sa’yong sarili. Hindi maganda ‘yan. Dapat, pagkatiwalaan mo ang iyong kagandahan. Kahit na sa palagay mo ay mas maganda at sexy sa’yo iyong babae, pirmi mo pa ring ilagay sa utak mo na ikaw ang asawa kaya kailangan ay confident ka sa pagmamahal ng mister mo. At kung talagang mahal mo ang iyong asawa, pagkakatiwalaan mo siya. Hindi mo siya pagdududahan lalo na kung walang matibay na batayan.

Kung hindi mo talaga gusto na magkalapit pa ang mister mo at ang ex niya na bestfriend niya, kailangan mong maging mabuting misis. Pagsilbihan mo siya at pakinggan mo ang mga hinaing niya. Ipadama mo sa kanya na lagi kang naririyan para sa kanya. Alam mo kung bakit kailangan mong gawin ‘yan? Dahil iyon ang hinahanap ng iyong asawa. ‘Yung mayroon siyang masasandalan. At iyon ang tingin niya sa kanyang bestfriend.

Kaya, tinuturuan kita ng paraan para hindi niya maisip na lumapit pa sa babaeng iyon. Kahit naman kasi sinong lalaki ay matutukso sa babae kung alam niyang ito ang makakaunawa at magmamahal sa kanya. ‘Yan din ang dahilan kaya sinasabi ko sa’yong huwag kang gagawa ng paraan para lumayo ang loob sa’yo ng iyong mister. Pagkatiwalaan mo siya at hindi siya gagawa ng dahilan para saktan ka.

Huwag na huwag mo ring babastusin ang kanyang bestfriend kung sakaling dalhin niya ‘yung girl sa bahay ninyo. Kapag kasi nagpakita ka ng kagaspangan ng ugali, mas magkakaroon pa ‘yan ng dahilan para inisin ka. Kaya, i-reverse psychology mo siya para hindi siya makaisip na agawin ang iyong asawa. Sabi nga, kung maganda ang trato mo sa isang tao hindi niya maiisip na saktan ka. Maliban na lang siguro kung matindi ang kapal ng kanyang mukha.

Pirmi mo ring tandaan, kapag puro negatibo ang tumatakbo sa puso’t isipan mo, marami kang pangit na desisyon na magagawa. Kaya, easy ka lang. Mag-relax ka. Huminahon ka rin diyan, Keena. Huwag kang magpabigla-bigla sa pagdesisyon. Huwag mong pangibabawin ang iyong emosyon. Dahil puro negatibo ang mamayani.  Ang kailangan,  huminahon ka at gamitin mo ang iyong utak. Kailangan mong mag-isip ng tamang paraan para hindi maging close ang mister mo sa kanyang BFF na ex-girlfriend niya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here