MISIS NA MAY ADIK NA MISTER, ‘DI ALAM ANG GAGAWIN

1
788
Dear Maria: Advice column on PhilippineOne

Dear Maria,

Adik ang mister ko. Ano ang dapat kong gawin? — Samantha

 

Samantha,

Ipa-rehab mo ang mister mo, baka may pag-asa pang magbago. Kung sa palagay mo naman ay sobra na ang kanyang pagkalulong, iisa na lang ang dapat mong gawin, ang iwanan siya.

Naku, siguradong marami ang kokontra sa aking sinabi. Alam ko naman na ang mag-asawa ay dapat na magsama hanggang sa wakas kaya lang sa paglipas ng panahon, unti-unti na rin itong nababago. May mga pagkakataong na hindi mo na dapat panindigan ang inyong sinumpaan kung alam mo naman na mapapahamak ka. Sabi mo nga, lulong siya sa droga. Kungganoon, paano na siya makitungo, kumilos at mag-isip?

Siya ba ay masyadong sensitive? Iyon bang tipong madali siyang mapikon sa walang kakuwenta-kuwentang bagay? Nagiging mainitin ba ang kanyang ulo? Nagiging bayolente ba siya kapag nag-aaway kayo? Masyado na bang makitid ang kanyang utak? Iyon bang tipong kahit na wala ka namang ginagawang masama ay nagagawa ka pa rin niyang pag-isipan ng masama?

Kung ‘oo’ ang sagot mo sa lahat ng ito, mas kailangan mo nang kumilos at umalis dahil baka hindi lang pananakit ang gagawin niya sa’yo. Siguro naman ay nanonood ka ng balita o nakakabasa ng diyaryo. Doon siguro ay nalalaman mo kung ano ang  nangyayari sa mga asawa, ina, kapatid, kaibigan o napagtripan ng isang adik. Sinasaksak, binabaril, sinusunog at pinapatay.

Aba, huwag mong hintaying mangyari sa’yo iyon. Kaya, ngayon pa lang ay mag-isip ka na at magdesisyon. Kung maaari nga lang, kumilos ka na ngayon dahil sa bawat pag-‘tik tak’ ng orasan, panganib ang naghihintay sa’yo. Huwag mong ipagkatiwala ang buhay mo sa’yong asawa gayung alam mong ang utak niya ay nalulusaw na ng droga.

Sabihin mo man na minsan ay minahal ka niya ng abot-langit hindi nangangahulugan na hanggang sa huling hininga mo ay ganoon pa rin ang kanyang nararamdaman. Baka kasi noong panahon na iyon ay hindi pa siya adik. Kung ganoon, may matino pa siyang kaisipan. Eh ngayon, wala na. Kaya huwag ka na magpatumpik-tumpik ka. Kung naaawa ka sa kanya kaya di mo siya maiwan, mas maigi kung kaaawaan mo ang iyong sarili. Ngayon pa lang ay isipin mo na kung ano ang mangyayari kung gugustuhin mo pang panindigan ang pagiging misis mo.

Kung nagawa na niyang sirain ang kanyang buhay, huwag mo na gustuhin pang masira pa ang buhay mo. Kung mayroon kayong anak o mga anak, sila dapat ang mas intindihin mo. Oo nga, ama nila ang asawa mo, kaya lang kung manganganib lang ang kanilang buhay sa tatay nilang adik, mas maigi pang mabuhay sila ng walang ama. Saka sa palagay ko din, ikaw naman ang kumakayod para mapakain mo ang iyong anak o mga anak. Kung ganoon, wala rin talagang kuwenta ang presensiya ng iyong mister. Sige ka, kapag pinatagal mo pa ang pakikisama sa mister mo, ikaw lang din ang mahihirapan. At tulad ng sinabi ko kanina, malaki ang posibilidad na manganib ang buhay mo pati na rin ang buhay ng iyong mga anak. Kung wala kang pakialam sa buhay mo dahil sa pagmamahal mo sa’yong asawa, magkaroon ka naman sana ng pakialam sa’iyong mga anak na pupuwedeng mapahamak sa ama nilang adik.

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here