Mga Remedyo sa Dysmenorrhea

0
71

Tuwing red days, marami saatin ang nakakaramdam ng sakit sa puson, o mas tinatawag na dysmenorrhea. Dahil halos lahat ay nakakaranas nito, hindi natin masyadong ikinakabahala at naturingan na lamang na normal ang ganitong sitwasyon. Pero ano nga ba talaga ang dysmenorrhea, at paano ba natin ito mababawasan?

Ang dysmenorrhea ay ang iba’t ibang pisikal na sakit na nararamdaman tuwing may dalaw tulad ng pagsakit ng puson, pamamanhid ng ating kababaihan, pagsakit ng balakang at mga hita, at maging ang pag hilab ng tiyan. Ito ay dulot ng pamimilipit ng ating uterus para mailabas ang dugo sa katawan. May dalawang klase ng dysmenorrhea: primary at secondary.

Kung nakaramdam ka agad ng sakit mula sa unang taon ng pagdadalaga, mayroon kang primary dysmenorrhea. Ang pananakit ng iyong puson ay dala lamang ng pagbabago ng hormones ng katawan, at madalas ay nararamdamn isa hanggang dalawang araw bago at hanggang matapos ang regla. Habang tumatagal, maaring mabawasan (o makasanayan) rin ito.

Ang secondary dysmenorrhea naman ay makikita sa mga kababaihan na hindi nakakaramdam ng sakit noon, ngunit bigla na lamang inaatake ng pananakit ngayon. Madalas, ang ganitong klase ay may mas malalim na dahilan tulad ng endometriosis, at ovarian cysts, at kinakailangang magpatingin sa doktor upang makasigurado.

Ang mga babaeng may irregular na regla, mas maagang nagdalaga, o naninigarilyo, ay mas malaki ang tyansa na makaramdam ng matinding sakit sa puson. Subalit ang labis labis na pananakit na nagdudulot ng panghihina, pananamlay, at pagsusuka ay hindi normal at maaring dala ng sakit tulad ng impeksyon. Kung ikaw ay nakakaranas ng ganitong sitwasyon, importante na agad itong maagapan dahil pwedeng ito ay magdulot ng pangmatagalang problema tulad ng pagkabaog.

Sa kabutihang palad, marami tayong pwede gawin upang magamot o mabawasan ang dysmenorrhea tulad ng sumusunod: Bago ang buwanang daloy ugaliin na magehersisyo para maglabas ng endorphins ang katawan na siyang nakakatulong para maibsan ang sakit na maaring maramdaman sa mga susunod na araw. Para sa hindi malalala na kaso, makakatulong ang pagpapahinga, paghiga, at pagbawas sa pagkilos. Pwede rin maglagay ng heating pad (o bote na may mainit na tubig na nakabalot sa tuwalya) sa mga parte ng katawan na nananakit. Sabi ng iba, epektibo din ang paglagay ng salon pas sa mga apektadong parte ng katawan. Hangga’t maari, iwasan ang paninigarilyo at pag inom ng kape, softdrinks, at alcohol habang may dalaw. Umiwas din sa mga pagkaing matamis, maalat, at may caffeine tulad ng tsokolate. Makakatulong din diumano ang paghilot sa puson tuwing ito ay namimilipit.

Kung mas matindi naman ang pagsakit ng iyong puson, puwede kang uminom ng mga gamot tulad ng Tylenol, Advil, o Buscofan Venus. Pero tandaan na ang mga gamot ay may side effects, at hindi dapat gamitin bilang permaneneteng solusyon lalo na kung hindi ito ikinonsulta sa doktor. Kung natural na gamot naman ang iyong hanap, pwede rin subukan ang mga halamang herbal tulad ng kamantigi at makahiya. Kung ang mga ito ay hindi gumagana, maaring resetahan ka ng iyong doktor ng isang klase ng hormonal birth control tulad ng pills, hormonal implant, o shot.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here