Mga Pinoy, nabubuhay dahil sa utang…

0
512

Latest posts by PhilippineOne Contributor (see all)

Gaano ka man kasipag, kung ikaw ay nakatira sa bansang Pilipinas, siguradung kakapusin at kakapusin ka sa pera, lalo na kung ikaw ay may pamilya na binubuhay. Nang nasa kolehiyo ako, nag-student assistant ako. Kumikita ako roon ng 3 thousand kada kinsenas. Dahil nga sa solo lang ako noon, damang-dama ko ang kita ko. Siyempre, mayroon din naman akong Mommy at Daddy na sumusuporta sa iba kong pangangailangan.

Dahil sa kita kong 3,000 nang taong 1999 ay nakabili ako ng pager at cellphone. Feeling ko tuloy, ang yaman ko na noon. Ngunit, ang taon ay nagsimulang lumipas. At ngayon nga’y 18 years na pala ang nakararaan. Sa panahong iyon, dapat ay tumaas na rin ang sahod, hindi ba pero nang magkaroon ako ng regular job, parang hindi ko maramdaman na umangat ng husto ang sahod ko mula noon. Okay, fine, nadagdagan ng 2  thousand. Bawas na siyempre roon ang PAG-IBIG, SSS at PHILHEALTH

Kaya naman, talagang ang 5 libo ay hindi nakasasapat sa araw araw na gastusin lalo na’t ako ay single mother. Mabuti na nga lang at kahit papaano ay may iba akong pinagkukunan ngunit may pagkakataon na kinakapos pa rin lalo na’t ang anak ko ay nag-aaral sa private school. Hanggang isang araw ay nagdesisyon akong mag-resign at mag-online job na lang.

Sa ngayon ay kahit papaano ay hindi na ako kinakapos dahil biniyayan ako ni Lord ng talino para makapagsulat. Ngunit, hindi lang siyempre ako ang tao sa bansang Pilipinas at hindi naman ako bulag para hindi makita kung gaanong hirap ang pinagdaraanan ng iba nating kababayan.

Kung ikaw ay sumasahod lang ng 5 libo sa isang kinsenas tapos marami pa ang kailangan mong buhayin, siguradong  lagi kang kakapusin kung iyon lang ang iyong trabaho. At dahil nga hindi naman maaaring wala kang gagawin habang nauubos ang pera mo, lalapit ka sa’yong kapamilya, kaibigan o kahit sinong tao para lang makapangutang. Kung hindi ka kasi uutang, wala kang kakainin o kayong kakainin. Kaya nga lang, hindi naman lahat ng nagpapautang ay papayag na iyon ding halaga na iyon ang ibabalik mo sa kanila, mayroon diyan na tinatawag na nagpapa- 5-6.

Dahil nga sa nangangailangan ka ng salapi, wala ka ng ibang pagpipilian kundi kumagat sa kundinsyones ng nagpapautang na ito kahit pa 10% ang patong nila. Kung ganoon ang nangyayari, siguradong mas makakaramdam ka ng paglubog kaysa pag-ahon. Paano ba naman kasi, sa taas ng interes nila, parang sila na lamang ang binubuhay mo. Halimbawang umutang ka ng 1 thousand sa kanila, P1,200 ang ibabalik mo. Kung P5,000 ang inutang mo, kailangang P6,000 ang ibabalik mo sa kanila kaya kung halimbawang nagkaroon ka ng emergency at nakapangutang ka ng P15,000 ang kailangang tubong ibigay mo sa kanila ay P3,000 kada kinsenas.

Huwow, talagang grabe ang magiging sakripisyo mo kapag kailangan mo na magbayad. Marami kang kailangang kalimutang kainin at bilhin para makabayad lang. Bagamat, hindi sila rehistrado sa kung saan ahensya ng gobyerno, maaari mo nga silang iwasan o takbuhan. Kaya nga lang kapag ginawa mo iyon, sino pa ang lalapitan mo kapag nangailangan ka.

Kaya naman kung gusto mo talagang magkaroon ng okay na pamumuhay, wala ka siyempreng pagpipilian kundi sundin ang patakaran ng mga nagpapautang. Hindi ka man nila masingil, tiyak na magagawa ka nilang siraan o i-tsismis. Dahil sa hindi mo naman gugustuhin na mangyari iyon, wala ka na ibang pagpipilian kundi magbayad ng tama kaysa magkahirap-hirap ka.

Hay, sana naman ang sahod ng manggagawang Pilipino ay tumaas. Hindi naman kailangan ‘yung mataas na mataas kundi iyong sapat lang para ikaw ay magkaroon ng komportableng pamumuhay sa bawat araw na magdaan. Ang tanong nga lang, kailan ba ito mangyayari?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here