Mga Pilipino, Hindi ba Oras na Para Baguhin Natin ang Pag-Uugali Natin Pagdating sa Basura?

907

Pinagmamalaki ng karamihan sa mga Pilipino ang pagiging malinis. Sa isang araw, madalas ay naliligo tayo ng dalawang beses o higit pa kapag ang panahon ay mainit at mahalumigmig. Ngunit pagdating sa pangkalahatang kalinisan at kaayusan ng ating kapaligiran, marami pa ring kelangang gawin ang mga Pilipino upang mapabuti ito. Nakakalungkot isipin na ang mga bisita sa bansa ay nakakaapansin na hindi pinagsisikapan ng mga Pilipino na linisin ang problemang basura lalo na sa mga pampublikong lugar.

Ikinuwento ng aking kaibigan ang kanyang nasakisihan sa isang fast-food chain. Pagkatapos ubusin ang isang timba ng manok, sarsa at kanin, isang pamilyang Pilipino ang nag-iwan nang kanilang kalat sa lamesa. Sa kabilang lamesa, dalawang dahuyang tinidyer ay kumakain rin at nung natapos na sila, niligpit nila ang kanilang kalat. Isa sa kanila ay kinuha rin ang basurang iniwan nung pamilya. Hiyang-hiya ang kaibigan ko sa kanyang nasaksihan.

Madalas kong kinaiiinisan pag may nang-iiwan ng basura sa loob ng sinehan, o pag may nagtatapon ng kanilang basura mula sa sasakyan patungo sa kalye. Ito ay hindi paisa-isang insidente lamang dahil karamihan sa mga Pinoy ay makakapagsabing nakikita nila ito araw-araw.

Sa preschool pa lang tinuturo na sa eskwelahan na masama ang makalat. Tinuturo din sa mga bata ang segregasyon at recycling. Taon-taon, ang mga guro ay nagpapatupad ng mga patakaran tungkol sa kalinisan at pinapanatiling maayos at malinis ang silid-aralan. Madalas ay sinusunod naman ito ng mga bata nang walang anumang problema.

Bakit kaya hindi natin nagagawa ito bilang matatanda? Sa kabila ng kahiya-hiyang pag-uugali, bakit patuloy pa rin itong pag-uugali pagdating sa basura? Ano ang ginagawa natin upang baguhin ang ugaling ito?

May mga Anti-Littering na Batas ng Pilipinas

May sapat na Anti-Littering na batas ang Metro Manila. Napatibay ito mula noong 1996 at mahigpit na ipinatupad ito noong 2010. Ang parusa sa paglabag sa batas ay nasa pagitan ng multa na Php 500 ($10) hanggang Php 1000 ($20) o serbisyo sa komunidad hanggang sa 16 na oras, depende sa pagkakasala.

Ang mga nahuhuli ang nagkaka-rekord sa pulisya. Pag tumangging magbayad ng multa o serbisyo, hindi sila makakakuha ng NBI clearance na kinakailangan sa paghahanap ng trabaho o pagkuha ng pautang.

Ang mga lunsod at bayan sa labas ng Metro Manila ay may sariling mga ordinansa rin ukol sa anti-littering. Karamihan sa mga mambabatas ay nagsasabing dapat na “mahigpit na ipinatupad” ito ngunit ang totoo ay nababale-wala lamang ito pagkalipas ng ilang buwan.

“Ang mga mayor ay walang ginawaga.  Trabaho mong gawing malinis at mapayapa ang iyong lungsod, kaya’t binabayaran ka at nag-oopisina ka sa magandang tanggapan,” sabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang unang ilang buwang pagkaluklok.

Modelo ng Kalinisan

Si Duterte at ang karamihan sa mga Pilipino ay humahanga sa Singapore bilang isang modelo ng kalinisan.  Inabot ang Singapore ng tatlong taon upang baguhin ang imahe nito pagdating sa kalinisan nung inilunsad ang kampanyang Keep Singapore Clean noong dekada 1960.

Ang kanilang pamahalaan ay nagpataw ng mataas na multa pagdating sa pagkakalat sa halagang SIN $ 1,000 ($725) at naglaan rin ito ng panggastos sa maraming basurahan, pati na sa mga materyales sa pag-promote sa kampanya. Nagkaroon ng presyur sa lipunan upang masunod ang mga batas at natutong managot ang mga mamayan, ngunit nakinabang naman ang bansa sa mga dumaang dekada. Ang mga batang Singaporean, na karamihan ay mga millennial na ngayon, ay nilinang ang ugali ng kalinisan sa kanilang paligid.

Sa Japan, ang kalinisan ay higit pa sa isang personal na layunin, tungkulin at disiplina. Hindi sila umaasa sa ibang tao at, tulad ng mga batang Pilipino, tinuturuan rin ang mga batang maglinis sa paaralan.

Anong problema ng mga Pinoy?

Ang pinaka-malinaw na problema ay ang kakulangan ng pagpapatupad. Kahit na may mga mahusay na batas o mga ordinansa, hindi ito magiging epektibo kung ang mga awtoridad ay walang lakas na loob na  maisagawa ang mga ito. Maaring gumana ang pagtaas ng multa o maaaring mapatigil ang pagbulusok ng problema kung magbabanta ng jail time, lalo na sa paulit-ulit na nagkakamali. Gayunpaman, ito ay isang panandaliang solusyon.

Kadalasan, magreklamo muna ang mga Pinoy bago alamin at sunding ang alituntunin o subukan kung gagana ba ng batas na may maayos namang layunin. Bahagi rin ng problema ang tipikal na ugaling Pilipino na hindi pinahahalagahan ang panlabas na espasyo kung ang kanyang panloob na espasyo ay malinis at kumportable.

Ang panlipunan pamumuhay at kamalayan sa sibiko ay hindi rin popular sa pag-iisip ng mga Pilipino. Madalas, ang mga Pinoy ay sumasabay na lang sa daloy. “Kung ginagawa ito ng iba, eh di gawin ko na lang rin,” ay isang tipikal na Filipino mindset.

Nasanay rin ang mga Pilipino na may mga tagalinis. Sa mga fast-food joints, may mga busboy na naglilinis ng mga lamesa. Sa mga sinehan, may mga janitor na pumasok matapos ang bawat screening upang walisin ang sahig at kunin ang basura. Normal sa isang  bahay na may katulong, samantalang sa ibang bansa, ang sobrang mayayaman lang ang may “maid.”

Kelangan na ang pagbabago

Kung ikaw ay isang Pilipinong nagbabasa nito, marahil ay tumatango ka at sumasang-ayon. Hindi ito sinulat upang ibagsak ang ating mga kababayan, ngunit alam mo ang problemang ito. Alam mo rin na walang pa ring kongkreto nagagawang ayusin ito.

Anong solusyon sa palagay mo ang pinakamakakatulong sa pagbabago? Maituturo ba sa kaisipan ng mga batang Pilipino na ang pagiging isang street cleaner, katulong, janitor o busboy ay hindi mababang trabaho at mababago ba nito ang kanilang pagtingin sa paglilinis? Dapat bang bigyan ang lokal na pamahalaan ng insentibo mula sa pambansang pamahalaan? Dapat bang magkaroon ng mas agresibong kampanya sa kalinisan mula sa ahensya ng gobyerno? Dapat bang tumulong ang isang NGO o isang pribadong sektor?

Bakit ang mga Pilipino na lumikas sa ibang bansa ay kayang mamuhay ng malinis at sumunod sa alituntunin doon? Hindi ba oras na para baguhin natin ang ating pag-uugali tungkol sa basura sa bansang ito?

Sources

http://www.mmda.gov.ph/20-faq/287-anti-littering-law-10-things-you-should-know

http://newsinfo.inquirer.net/796530/trash-in-cities-gets-duterte-ire

http://eresources.nlb.gov.sg/infopedia/articles/SIP_1160_2008-12-05.html

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here