Mga Pagsisiwalat ng Isang Rape Victim

3502

Ayon sa Center for Women’s Resources (CWR) isang bata o babae ang ginagahasa kada oras sa Pilipinas. Base ito sa mga datos ng pulisya na nagpapakitang mula Enero hanggang Oktubre noong nakaraang taon, may 7,037 kaso ng panggagahasa ang naitala sa bansa. Isipin niyo na lamang kung gaano pa kalaki ang aabutin ng numerong iyan kung idadagdag natin ang mga kaso na hindi niare-report.

Narito ang isang panayam ko kasama si “Sisa”, isang rape victim na nagpasyang hindi magsampa ng kaso laban sa gumahasa sakanya.

Raped

T: Pwede mo ba sabihin saakin kung ano ang nangyari at kailan?

Nagsimula ako ma-rape bata pa ako at tumagal siya hanggang bago ako umalis for college. Hindi ko na alam kung kailan talaga nagsimula, kasi hindi ko naman alam na rape pala ‘yun mali pala ‘yun. Akala ko ginagawa lang talaga ‘yun ng lahat. Yung nang rape saakin pinagkakatiwalaan na family friend namin. Nagsimula lang ako magsalita tungkol dito two years ago noong namatay na sya.

T: Ilang taon ka noong nalaman mo?

Mga ten years old ako at nalaman ko pa dahil sa TV. Nanunuod ako ng MMK, ‘yung episode nire-rape ng tatay yung anak niya. Doon ko nalaman.

T: Alam mo na noong ten ka, bakit umabot pa ng hanggang college?

Okay, ganito kasi. Hindi ko sinabi sa parents ko yung nangyari. Nung una, takot ako na baka kasalanan ko at mapagalitan ako. Syempre bata pa lang ako noon, mas big deal pa saakin yung baka mapagalitan ako kasi hindi ko naiintindihan kung gaano kabigat yung nangyari saakin. Nung tumagal, desisyon ko na yung hindi magsalita.

T: Pwede paki-explain kung bakit yun yung naging desisyon mo?

Maraming rason e. Una yung ayaw ko na mag file ng kaso kasi ayaw ko mapag-usapan. Hindi kasi naging big deal yung nangyari saakin at that time na kailangan ko talaga makakuha ng hustisya or anything, dahil siguro matagal na siya nangyayari parang numb nalang ako. Hindi ko alam kung paano ko ie-explain. Para saakin at the time mas nakakahiya kung may makakaalam, at syempre may makakaalam kapag nagsampa ako ng kaso.

Ikalawa yung ayaw ko na sana iburden yung mga magulang ko. As I said hindi nga siya big deal saakin noon kaya hindi ako nadepress or anything, parang naramdaman ko lang yung sakit ng nangyari saakin nung tapos na. Nung namatay yung rapist ko nag break down ako, saka ko lang nasabi sa parents ko. Ang saya saya ko na patay na sya, doon ko lang narealize na galit na galit pala ako at ang tagal ko na pala siyang gustong patayin.

Ikatlo, I did it for selfish reasons e. Ewan ko kung konsensya ba ng rapist ko, pero siya yung nagpaaral saakin nung high school at college. So yun, nanahimik ako kasi I’m getting something out of it. I didn’t trade sex for that, let me make it clear. Noong alam ko na yung nangyayari, umiiwas na ako syempre. Yung ilang beses na may nangyari padin after ko malaman ay yung kapag may event sa bahay tapos doon siya natutulog o kaya mga hindi na talaga maiwasan na sitwasyon. I never wanted it, let me make that clear. I think pinag-aral niya ako dahil either nakonsensya sya o yun yung paraan niya para di ako magsumbong. I dont know, I never confronted him.

Relationships

T: Naapektohan ba nito ang relasyon mo sa mga tao?

Gaya nung sabi ko, hindi naging big deal yun para saakin noon. So nung nangyayari pa, di ako affected. Okay lang ako, may mga kaibigan ako, nagkaroon ng mga boyfriend, generally okay ako. Nung namatay siya, dun ako naging hindi okay. Nadepress ako at nagsimula na akong mahirapan magtiwala sa mga tao. Mahirap yung transition ko na yun kasi parang saka lang ako napilitan mag deal with sa nangyari saakin.

T: Paano ka naging okay?

Hindi madali. May time kasi noon na gusto ko lagi lang pag-usapan yung nangyari. Hanggang sa kwinento ko na sa close friends ko. Nagulat sila pero hindi nila gusto pag-usapan ‘yun. I mean, naiintindihan ko. No one wants to have to deal with someone else’s emotional baggage. Pero at that time malungkot ako tas feeling ko betrayed ako, feeling ko walang nakakaintindi saakin. So I guess the key is finding people who would support you? I cut off my old friends at humanap ako ng mga bagong kaibigan na may pakialam sa pinagdadaanan ko at gusto tumulong, nag counseling ako, saka siguro nakatulong na din yung panahon. Nung kaya ko na sya emotionally, saka na ako nakapag start mag move on.

T: Matapos nung nangyari, nahirapan ka ba magkaroon ng romantic relationships?

Medyo. Nahirapan ako magtiwala sa mga tao o sa mga lalaki after that. Yung pananaw ko din sa sex very negative at ang tagal bago ako naging open ulit dun. Syempre kailangan ko sabihin o kausapin yung parang seryoso kong dini-date para sabihin kung ano nangyari saakin bago kami maging mas seryoso, syempre uncomfortable at hindi masaya sa side ko. Pero ngayon, sa tingin ko naman okay na ako.

Unpopular Opinion

T: May gusto ka bang sabihin tungkol sa topic na ‘to?

Oo. Actually, madami.

Para sa lahat, please stop asking rape victims to step forward. Lalo na kung may kakilala ka na rape victim, wag mo siya kulitin na magsalita, magsampa ng kaso, whatever. Wag niyo sila i-pressure. Malay ninyo may rason sila para hindi mag speak out gaya ko, o hindi lang talaga nila kaya. Marami nang pinagdadaanan ang mga iyan at kung ayaw nila lumaban, wag niyo sila pilitin. Lumalaban na kami araw araw at hindi ninyo alam kung gaano kahirap para lang mag stay dito at maging okay, kaya sana hayaan niyo kung ayaw namin lumaban.

Tigilan niyo yung pang gi-guilt trip saamin o yung pagmamanipulate. May kaibigan ako dati na kwinentuhan ko at ang sabi niya sakin “Dapat nagsampa ka ng kaso. Paano kung may nirape pa siya na iba, edi kasalanan mo yun, kung nagsumbong ka mapipigilan mo sana.” Una, hindi ko na siya kaibigan ngayon. Ikalawa, hindi ko alam kung bakit sa tingin niya okay lang na isisi saakin yun, na ipa-isip saakin na may ibang narape dahil saakin. That line almost ruined me. So please, don’t ever ever ever use that on someone.

Sa lahat naman ng rape victims, please hang in there. Alam ko mahirap, pero totoo nga na it gets better. Alam ko useless lang ang mga pep talks, pero ito nalang: we’re rape victims now but we’ll be rape SURVIVORS tomorrow. Dont give up.