Mga Maling Paniniwala Tungkol sa Pagkain

0
50

Ngayong panahon, napakaraming miskonsepsyon ang umiikot tungkol sa pagkain. Karamihan dito ay dahil sa matagal na itong pinaniniwalaan ng nakararami bagamat napatunayan na hindi ito totoo. Narito ang iilan:

1. Nakaka-high blood ang pagkain ng itlog. Marami ang naniniwala dito dahil sa mataas na lebel ng cholesterol ng pula ng itlog. Ngunit kung ikaw ay mayroong malusog na pangangatawan, wala kang dapat ipagkabahala sapagkat ang itlog ay itinuturing na good cholesterol. Ito rin ay pinagmumulan ng protina at mabisang pagkain para sa mga gustong magpapayat. Samantalang kung ikaw naman ay mayroong mataas na cholesterol levels, inirerekomenda na limitahan ang iyong pagkain ng itlog sa dalawa hanggang anim na piraso kada linggo. Mas mainam din kung hardboiled o poached egg ang kakainin mo kumpara sa pritong itlog.

2. Importanteng kumain ng almusal. Naaalala ko noon, hindi ako pinapayagan ng magulang ko na pumasok sa eskwelahan ng hindi kumakain ng agahan dahil ika nga “breakfast is the most important meal of the day.” Pero sa katunayan ay hindi mahalaga kung mag almusal ka man o hindi. Kung gutom ka pagkagising ay mainam na kumain na agad ng agahan. Inirerekomenda na ang iyong almusal ay naglalaman ng masusustansyang pagkain tulad ng protina, prutas, o gulay kumpara sa carbohydrates tulad ng tinapay at cereal. Samantalang kung hindi ka naman gutom ay puwede kang kumain kapag ikaw ay nagsimula nang makaramdam ng gutom. Ayon sa ibang pag-aaral, may mga benepisyo din ang hindi pagkain ng almusal. Para sa mga nag-eehersisyo tuwing umaga, ang pagwo-work out na walang laman na tiyan ay maaaring makabawas ng adisyunal na 20% body fat.

3. Uminom ng electrolytes matapos magpapawis. Ang pag-inom ng Gatorade, Powerade, o Pocari Sweat ay malaking tulong sa pag-hydrate ng mga tao na mataas ang lebel ng pagpapawis tulad ng mga atleta na kinakailangan ng mas mataas na endurance habang nagtitraining, pero halos wala itong epekto sa katawan ng normal na tao na may mababang lebel lang naman ng aktibidad. Para sa karamihan, mas mainam na uminom na lamang ng tubig imbis na sports drink. Bukod sa pareho lang naman ang epekto nito sa ating katawan, mas healthy pa ang tubig dahil wala itong dagdag na asukal at artificial flavor.

4. Nakakalinaw ng mata ang pagkain ng carrots. Ang carrot ay maganda para sa pagpapanatili ng kalusugan ng iyong mata, pero hindi nito mapapalinaw ang mata mo. Kung malabo na ang iyong paningin ay makakatulong ito na mapigilan ang paglala ng iyong kondisyon pero hindi nito dapat gamiting panggamot sa iyong problema. Ang tanging paraan para maayos o mapaganda ang kondisyon ng iyong mata ay ang pagsusuot ng salamin o di kaya’y pagkakaroon ng lasik surgery.

5. Nakakataas ng libido ang pagkain ng osyter. Marami ang naniniwala na ang pagkain ng oyster at pati na rin tahong ay nagreresulta sa pagtaas ng libido, pero ang totoo ay nakakatulong lang ito sa pagpapaganda at pagpapalusog ng iyong sperm at walang direktang resulta sa iyong libido. Ang oyster ay mayroong zinc, isang nutrient na kailangan sa produksyon ng testosterone at sperm sa mga lalaki. Wala ring malinaw na ebidensya kung ito ay may mabuting naidudulot sa libido ng kababaihan. 

-OPED-

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here