MGA MALI SA PELIKULANG ‘THE TEN COMMANDMENTS’

Kapag Semana Santa ay karaniwang nagpapalabas ng mga pelikulang hango sa Biblia ang ilang TV stations. Isa sa masasabing pinakamagandang nagawang pelikulang Biblical na hango sa istorya ng propetang si Moises ang ‘The Ten Commandments’ ni Cecille B. De Mille na ipinalabas noong 1956.

Mahaba, maganda at okey ang mga eksena na talagang binusisi. Bumagay sa papel na Moises ang actor na si Charles Heston. Pero, kung lilimiin ang istorya na ineksena sa naturang pelikula, maraming mali at wala sa Biblia ang napasama. At may mga eksenang wala mula sa panahon ng pagkasilang ni Moises hanggang sa matanggap nito ang sampung utos sa bundok Sinai.

Anu-ano ang mga kamaliang iyon. Ating hihimaying isa-isa.

Si Josue at Moises ay magkakilala na– Kung inyong napanood ang pelikula, lumalabas na malaki ang naging papel ni Josue bago pa man lumabas sa Egipto ang bayang Israel. Lumalabas rito na hindi nalalayo ang agwat ng edad ng dalawa. Samantalang kung Biblia ang sasangguniin, nakilala lamang ni Moises si Josue na ang totoong pangalan ay Oseas (Bilang 13:16) nang nakalabas na sila sa Egipto at humantong sila sa Rephidim (Exodo 17:1, 17:8). Doon ay binaka sila ni Amalec at doon lamang siya nakkilala ni Moises nang utusan ito na pumili ng lalaki para lumaban.

Pero, sa mga unang bahagi ng pelikula, malutong na Josue na agad ang tawag ni Charles Heston sa lalaking gumanap sa papel nito na kasabay niyang nagpaalipin sa Egipto. Hindi sa Egipto nakilala ni Moises si Josue, kundi sa bayan ng Rephidim.

Si Moises ay pinalayas at hindi tumakas– Sa pelikula, pinaalis si Moises sa Egipto dahil nalamang isa siyang Hebreo. Pero sa Biblia, tumakas si Moises sa harapan ng Faraon dahil nalamang nakapatay siya ng Egipcio. Siya ay napasa lupain ng Madian. (Exodo 2:15). Sa pelikula, medyo nalungkot pa ang Faraon sa pag-alis ni Moises, pero ang totoo sa Biblia, ito pa nga mismo ang gustong patayin siya.

Si Josue ay sumunod kay Moises sa lupain ng Madian– Gayun ang nangyari sa isang eksena sa pelikula. Pero, walang mababasa na sumunod si Josue kay Moises sa Biblia. Wala ring mababasa na may love affair si Josue sa babaeng si Lilia na binibigyang emphasis na sa unang bahagi ng pelikula.

Diretsong magsalita si MoisesKung inyong napansin, matutop at diretso at marikit magsalita si Charles Heston sa papel na Moises. Pero ang totoo ay mahiyain si Moises at umid ang dila kung magsalita (bulol). (Exodo 4:10).

Kaya, ang kapatid nitong si Aaron ang inatasan ng Diyos na magiging tagapagsalita niya. Kung ano ang isasabibig ng Diyos kay Moises ay isasabibig niya kay Aaron.

Nang umulan ng granizo ay natutupok ito sa apoy ilang sandaling lumagapak ito sa lupain ng EgiptoSa naturang eksena, namasdan mismo ng Paraon ang pag-ulan ng granizo at nagulantang siya nang matupok ito sa apoy. Wala sa Biblia ang naturang pangyayari kundi umulan lamang ng granizo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here