MGA GANAP SA PINAS (Setyembre 30, 2017)

Panapanahon Lang Yan!

Ilang buwan din kundi man taong tiniis natin ang paglipana ng mga iresponsableng troll, blogger, fanatic sa FB at maging sa Twitter (kung kaya ng utak nila ang Twitter). Sa pangunguna ng diosa ng masama ang tubo ng dila na ngayo’y ASec na nakademanda, dinumihan ng mga bayaran o kaya’y sadyang di lang na nag-iisip na mga netizens ang ating mga timeline ng mga nakakainsulto, nakakasulasok, nakapandidiring pagpilipit nila ng katotohanan. Nag-imbento sila, nanira, nameke at nagbanta laban sa mga lider at mamamayang mas nakakikita ng pagbalot ng dilim sa ating lipunan at pulitika. Di naman sa ngayon lang nangyari ang pagbalot ng dilim na yan. Mas laganap at kahindik-hindik lang ang pagkalat ngayon dahil sa dami ng nabiktima, katotohanan, buhay at reputasyon man, maiisip na natin na tunay na naghahari na ang diablo sa ating mahal na bayan. Ngunit ang linggong nagdaan ay interesanteng tunay. Ang mga naghaharing pusakal sa kasinungalingan at paninira kundi man pagkamanhid ang nasa sitwasyong kailangan nilang ipaliwanag o depensahan kaya ang kanila ginawa o hindi ginawa.

Nag-ugat din siguro ang pagtumbalik ng mundo sa pag-amin mismo ng pangulo na inimbento lang niya ang mga account number umano ng isang senador na patuloy na nagtatawag ng kanyang pag-amin sa nakaw na yaman at pagkasangkot ng isang anak sa sindikato ng drogang kaniyang kinasusuklaman daw.

Naisampa ang reklamo laban sa pangunahing kampon, ang diosa ng kapekean at kasinungalingan na mahilig sumakay sa helicopter at magselfie sa mga lugar na kapitapitagan sana noong di pa niya napupuntahan ang mga iyon. Nakauwi na ba siya mula sa UNGA?

Ito namang pinakanakakahiyang kalihim sana natin sa Foreign Affairs, di na yata maibabalik ang respeto kung meron man sa sarili dahil simula ng pumanig sa kulto ng taga-Davao ay di na siya nakakapagsalita ng katotohanan. Marunong na rin siyang pumilipit ng datos at magbaliktad ng pinag-usapan sa mga forum o pagdinig na kanyang pinuntahan sa labas ng bansa. Ano kaya ang kapalit ng natunaw nang konsyensiya at nabulok nang pag-iisip ng dating senador na ito? Mula usaping WPS hanggang human rights ay iba ang kanyang sinasabi na siya namang ibinabalita ng balik sa walang kwentang papel na government station.

Kapansin-pansin din ang pagkuyog muli ng mga kongresista sa ating CJ. Babae lang talaga ang kayang awayin ng mga iyan tulad ng ginawa nila kay De Lima. Sa Senado naman, nakakatawa ang pagkapikon ng pitong senador na naging abala sa kung anu-anong ibang bagay (tulad ng noontime show, IG chat, pakikidalamhati sa anak ng classmate, pangangarap ng pederalismo, pagbibilang ng subdivision, pagtatakip kay Pulong at pagdinig sa sariling gusot na kinasangkutan) kung kaya’t di nakapagbukas ng email at di nakapagbasa ng resolusyong bumago sa hatian ng puersa sa kanilang kapulungan. At nang may tumawag sa kanilang Seven Sens at Palace Dogs (yan tayo, nang-insulto na naman ng hayop) ay nag-alburoto at sumigaw ng unfair o nagbanta ng pagbalik sa pre-born again Christian na ugali. Wala ba silang staff na mag-aabiso sa kanila ng kung ano na ang ganap?

At ito ang para sa akin ay hudyat ng pagbabago ng ihip ng hangin. Ang mga Unthinking Pinoy, Scholar sa Europe at kung sinu-sino pang nag-aambisyon makasakay rin ng helicopter o maging representante sa UNGAs, nagtutungayaw nang akala nila’y natuklasan na nila kung sino itong nakakabwisit na Pinoy Ako Blog na umaagaw sa kanilang followers at gumigising sa kanilang kulto. Nagtawag ng pagbubuko, panghaharass , pagdedemanda sa umano’y pinagsususpetsahan nilang sumusulat bilang PAB. Ang tanga lang. Di marunong tumingin ng writing styles. Ayun, napakaraming prominenteng netizen ang umaako ng personahe ni PAB. Gusto yata ng kulto na maulit ang mga papalaking mga protesta na pinangungunahan ng mga tinatawag na “woke”.

May galit pang nanunumbat na bakit daw nagtatago sa mga alyas o pseudonym ang mga blogger na sumasalag, nag-eexpose, pumupula sa kanila at sa mga katulad nilang miyembro ng kulto de Dut. Pagkatapos, kahapon, mismong ang poon nila ang nagsabi na ang kaniyang expose laban sa mga hidden offshore account daw ng isang palabang senador ay galing sa isang anonymous na bansa. Ito talagang si presidente ang husay magpahamak ng sarili at ng mga tao niya. Nakapagtataka nga wala pang nagreresign sa mga spox niya sa dami ng palkpak na namutawi sa kaniyang bibig kada masumpungan niyang magspeech.

Iyan ang ilang kaganapang naaalala ko sa linggong nagdaan. Pero syempre pa ang mga pangunahing isyung dapat tutukan? Huwag nang magsawalang-kibo. Kalampagin ang liderato higgil sa tattoo ng anak, sa madugong WOD at sa paubos na teritoryo natin sa WPS. Panahon na. Tindig at huwag nang manahimik!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here