Mga Dapat Alamin Bago Maghanap ng Home-based na Trabaho

199

Latest posts by Michèle Joie (see all)

Parami ng parami ang mga Pilipino na humahanap ng home-based na trabaho dahil sa maraming benepisyo nito. Pero, ang pagtatrabaho mula sa bahay ay may binabagayan rin. Hindi sa lahat ng panahon ay mas makakabuti ito para saiyo. Narito ang ilang bagay na dapat mong malaman at pag-isipan tungkol sa pagiging home-based employee bago ka tuluyang magresign sa iyong office job:

Una, hindi ito pwede sa tamad. Maraming trabaho ngayon ang nagbibigay ng flexible na schedule sa kanilang empleyado. Maganda man pakinggan, ito ay hindi ko nirerekomenda para sa mga taong tamad at mahilig mag cramming. Halimbawa, nagkaroon na ako ng mga trabaho na output-based kung saan walang pakealam ang employer ko kung kelan ako magtrabaho basta lahat ng gawain ko ay pumapasok sa deadline. Ang resulta? Lagi akong nagkacramming. Naging kumpyansa na ako na mabilis ko lang magagawa ang trabaho kapag bumangon ako sa kama, pero hindi ko namamalayan na nauubusan na pala ako ng oras. Oo, minsan ay tatlong oras lang ako kung magtrabaho sa isang araw, pero ang tatlong oras na iyon ay punung puno ng stress at anxiety dahil sa pagmamadali.

Ikalawa, hindi mo pwedeng pagsabayin ang oras ng trabaho at pamilya. Maraming tao ang iniisip mag home-based para mas magkaroon ng oras sa kanilang pamilya. Totoo, mas magkakaroon ka ng oras dahil hindi mo na kailangan gumising ng maaga at magbuno ng oras sa pakikipagsiksikan sa commute. Hindi ka na rin matatrapik sa byahe. Pero, ito ay karagdagan na oras lamang. Hindi pwede na habang ikaw ay nagtatrabaho ay nakikibonding ka rin sa iyong pamilya. Ang oras ng trabaho ay dapat nakalaan lang para sa iyong trabaho. Halimbawa, may isa akong kaibigan na single mom. Akala niya ay pwedeng siya na ang mag alaga ng kanyang baby imbis na kumuha pa ng yaya. Pero ang resulta, hindi niya magampanan ang trabaho niya ng maayos dahil may iba siyang kailangan atupagin.

Ikatlo, may mga panahon kung saan nakakalungkot ito. Kung ikaw ay sanay makihalubilo sa tao, maraming kaibigan sa opisina, at mahilig lumabas matapos ang trabaho, pwedeng malungkot ka sa pagtatrabaho mula sa bahay. Lalo na kung mag-isa ka lang sa iyong bahay at hindi ka masyadong lumalabas para makipagkita sa pamilya o mga kaibigan, pwedeng magsimula kang makaramdam ng isolation. Ako nga na sobrang intoverted ay nalungkot sa mga unang buwan ko sa trabaho. Sa huli kong office job, gigil na gigil ako sa mga katrabaho ko na di ko ka-vibes. Naiinis ako kapag naiistorbo ako para makipagkwentuhan at wala akong masyadong pakialam sa tsismis at politics sa opisina. Hindi ko inaasahan na mamimiss ko pala ang mga ito.

At ikaapat, mas madali kang malulubog sa trabaho. Para naman sa mga masisipag magtrabaho, mayroon din kayong kailangan pag-isipan, Kabaligtaran ng mga tamad na laging nagkacramming, ang mga masisipag ay may malaking tyansa na maging workaholic. Imbis na magamit ang dagdag na oras para sa sarili, mas mahabang oras tuloy ang nailalaan mo sa trabaho. Napakadaling makalimutan ang oras lalo na at nasa bahay ka lang, at pwedeng ang konting pag-extend ay maging ilang oras na pala ng overtime. Maging maingat sa pag-track ng oras na ginugugol mo sa trabaho para maiwasan na ikaw ay makaramdam ng burnout.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here