Marami sa mga Pilipino ang nahuhumaling sa pag-aalaga ng aso. Isa ito sa kinahihiligan ng mayaman man o mahirap. Kung mayaman ka, may breed na aso ang bet mo samantalang kung mahirap ka naman ay sapat na sa’yo ang askal. Gayunpaman, pareho pa ring aso ang mga ito na inaalagaan , pinapakain at ginagawang kaibigan. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga dahilan kung bakit natin minamahal ang isa o higit pang aso na ating inaalagaan.
Pakikipagkaibigan- may mga tao na mas gusto pang makipagkaibigan sa aso kaysa sa mga pekeng kaibigan. Kaya nga tinawag na man’s bestfriend ang aso. Hindi nila tayo hinuhusgahan tulad ng ibang kaibigan at natutuwa sila sa oras ng pagbalik natin sa bahay gaano man tayo katagal na nawala. Ang pagkawag ng kanilang buntot at paghalik sa atin ay tanda ng kanilang kasiyahan na tayo ay makita at makasama, pagbibigay galang sa’tin at pagmamahal.
Theraphy- Sa panahon ng depresyon at homesickness, nagiging takbuhan natin ang aso upang tayo ay maaliw. Sila ang nagsisilbing gamot sa kalungkutang bumabalot sa atin.Maging ang mga taong sumasailalim sa chemotherapy ay nagbebenepisyo sa tinatawag na pet therapy ayon sa Viagen Pets.
Kalusugan- Malaki rin ang naitutulong ng aso sa ating kalusugan. Ayon kay Desmond Morris, mas tumatagal ang buhay ng isang tao na nag-aalaga ng aso kaysa doon sa hindi. Ang paglalakad kasi kasama ang iyong aso ay maituturing na ring exercise gayundin ang paglalaro kasama ito. Nakakabawas sa stress ang ganitong pagkakataon kasama ang iyong alagang aso.
Proteksyon- Nagiging proteksyon natin ang aso mula sa masasamang loob. Walang pakialam ang aso kahit ikapahamak niya mailigtas lang niya ang kanyang amo sa posibleng kapahamakan.
Pagmamahal- Unconditional love . Ito ang ipinaparamdam sa atin ng aso na inaalagaan nating mabuti. Isang pagmamahal na kaya niyang ipakita maski tayo ay humantong na sa kamatayan. May mga aso pa nga na natutulog sa puntod ng kanyang amo. Nakakakilabot pero isang patunay na ang pagmamahal nila ay walang katumbas.