Mga Dahilan Kung Bakit Hindi ka Dapat Maging Other Woman

Isa ka bang other woman? O yung babae na umiibig sa hindi tamang lalaki? Nagmamahal ng maling tao? At sa kabila ng kamaliang ito ay patuloy na nagbubulagbulagan sa katotohanan.

Hindi natin sila maaaring husgahan. Hindi natin alam kung ano ba talaga ang kanilang nararamdaman. Masaya ba talaga maging isang #kabit? Maaaring may malalim na sugat sa puso silang hindi kayang paghilumin ng panahon. Hindi lang babae ang pwedeng maging third party, meron ding lalaki. Pero higit na nahuhusgahan ang isang babae. Ito ang hindi makatarungang pagtingin ng mga tao. Kaya kung isa kang babae at ayaw mong hubaran ka ng dignidad, narito ang mga dahilan na makakapagpamulat sa bulag mong puso kung bakit hindi ka dapat magmahal sa taong mayroon ng responsibilidad .

1.Uuwi pa rin siya sa kanyang asawa. Maaaring ikaw ang kanyang apple of the eye sa ngayon. Ang kinagigiliwan at lumilibang sa naboboring niyang puso. Pero hanggang kailan? Kung iyon ngang babae na minahal niya at iniharap sa altar ay nagawa niyang lokohin, ikaw pa kaya na pampalipas oras lang niya. Kung tabihan ka man niya sa higaan at sabihan ng magic words na ‘I love you’ naisip mo ba na sinasabi rin niya ito sa kanyang asawa sa tuwing magkatabi rin sila sa higaan? Kahit na sabihin niyang mas mahal ka niya, uuwi at uuwi siya sa kanyang asawa na ina ng mga anak nila at wala kang magagawa.

2.Hindi ikaw ang kanyang prayoridad. Maaaring samahan ka niyang magshopping  sa mall kahit patago tago siya o kaya ay palihim kayong kumain sa isang hindi mataong restaurant. Pero sa mahahalagang okasyon gaya ng pasko, bagong taon at valentines, mas gugustuhin niyang kasama ang kanyang asawa at mga anak, ang tunay niyang pamilya. Maaari din niyang ikansel ang date nyo sa birthday mo kung may play sa school ang kanyang anak o kaya ay biglaang tumawag ang asawa niya para magpasamang bumili ng furnitures o kaya ay magsimba.

3.Hindi mo siya maipagmamalaki. Ito ang pinakamasakit na parte. Yung walang nakakaalam ng relasyon nyo kundi kayong dalawa lang. Hindi mo siya maaaring ipakilala sa ‘yong mga magulang o maipangalandakan sa iyong mga kaibigan. Walang sinuman ang maaaring makaalam dahil kung hindi ay iiwanan ka niya. Maaatim mo ba?

4. Kalaban mo ang iyong konsensya. Maaaring hindi mo ito aminin sa sarili mo pero sa ayaw mo man at sa gusto, hindi mo kakampi ang iyong konsensya. Alam mo na may sinisira kang pamilya. Hindi man ngayon pero darating ang araw na haharapin mo ang sarili mo at mananagot ka sa karma.

Kaya kaysa naman patuloy kang magdusa sa ganitong sitwasyon ay bumitaw ka na lang. Hindi mo deserve ang super stress. Lagi mong isipin na katiting lang na bahagi ng buhay niya ang pwede niyang ibigay sa’yo at ang kabuuan no’n ay para sa kanyang pamilya at sa babae na pinakasalan niya. Pinakasalan dahil ito ang babae na gusto niyang makasama sa habambuhay. At higit sa lahat, matakot ka sa Diyos. May inilalaan siya na mas mabuti para sa’yo, matuto ka lamang maghintay.