Mga Batangueno, Muling Nakiusap Na Makabalik Sa Kanilang Tahanan

Hindi sapat ang apat na oras na ibinigay sa mga batangueno na nagnanais makabalik sa kanilang tahanan sa Agoncillo para makakuha ng mga importanteng gamit at dokumento. At isa rin sa mahalagang dahilan nila ay upang maisalba ang mga alagang hayop na naiwan nila. Umaasa sila na buhay pa nilang daratnan ang mga ito. Pero dahil nga maikli lang ang oras na ibinigay sa kanila ay maraming hindi umabot at ang mga nakaabot naman ay kinapos pa rin sa oras kaya hindi rin nakuha at nagawa lahat ang pakay nila sa saglit na pagbabalik sa kanilang tahanan. Bukod kasi sa mula alas sais hanggang alas diyes ng umaga lang ang ibinigay sa kanilang oras ng alkalde ay sobra rin ang traffic papasok ng Agoncillo. Hindi rin sila basta basta makakapasok dahil kailangan pa nilang kumuha ng permit sa mga pulis na siyang magba-validate ng kanilang pakay at kailangan nilang ipakita ang permit paglabas nila upang matiyak kung sa kanila nga ang nakuha nila at maiwasan na rin ang nakawan.

Dahil na rin sa maigsing oras ay nagmadali sa pagkilos ang mga batanguenong nagkaroon ng pagkakataon na makapasok sa Agoncillo. Nanlumo sila sa kanilang nadatnan. Gumuho na ang karamihan sa mga tahanan, istraktura at makikita rin ang maraming bitak bitak sa kalye. Gayundin ang tubig sa lawa na umurong na. Marami ring patay na isda at meron ding ibon na hindi na nakaya pang lumipad. Isang residente ang nagpasalamat na nadatnan pa niyang buhay ang nasa dalawangdaan niyang mga alagang baboy. Ang balak niya ay ibenta na lang ang mga ito ng palugi kaysa naman daw mamatay. Nanawagan ang mga residente kay Pangulong Duterte na sila ay tulungang makabangon. Ang mga residente namang naharang na at hindi na nakapasok ay muling nakikiusap na bigyan din sila ng pagkakataon na makapasok din at makuha nila ang mahahalaga sa kanila at sana ay habaan pa ang oras kung sila ay mapagbibigyan.

SHARE
Previous articleChinese Horoscope; January 18
Next articleANG MGA KAMIKAZE DOLPHINS NG BANSANG IRAN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here