“Mga Batang Kalye”

philippines, street kids, homeless, crime, hungry, abandoned

“Para sa karaniwang bata, ang pagtulog sa labas ay tinatawag na CAMPING; Para sa batang kalye, ito’y tinatawag na SURVIVING.”   UNICEF

Sa buong mundo, napakaraming mga bata ang lumalaki at tumatanda sa lansangan. Natutulog sila sa tabi ng daan na hindi alintana ang kanilang paligid. Nagpapalabuy-laboy sila sa lansangan at hindi man lamang sila pinapansin ng mga tao. Marumi, gutom at sugatan ang damdamin, ang mga batang ito ay nabubuhay na walang pag-asa sa isang mabuting kapalaran. Sila ang kabataan ng ating panahon ngayon na walang kamusmusan, at maaring wala na ring magandang kinabukasan.

 LANSANGAN – KAHARIAN

Ang tabi ng daan ay hindi lamang tahanan ng mga batang kalye; ito rin ang kanilang banal na teritoryo. Sa lansangan, sila’y kumikita, sila’y nakikipaghalubilo sa kapwa batang kalye, nagkakaroon sila ng mga karanasan hindi lamang sa pag-park ng mga kotse kundi nasasanay na magnakaw at magpalimos.

Si “John Rey” ay isang 14-taong gulang na dalawang taon nang naninirahan sa kalye. Ang kanyang nakaugaliang gawain sa buhay ay simple lamang – matulog sa labas ng McDonald’s sa gabi, kumita ng humigit-kumulang isang daang piso araw-araw sa pagpa-park ng mga kotse at motor tuwing umaga. Sa araw, naninigarilyo siya at paminsan-minsa’y umiinom, madalas dahil na rin sa impluwensya ng ibang batang kalye. Para sa kanya, mas mabuti na sa lansangan kaysa sa bahay nila kasi nasa Mindanao naman ang nanay niya at nasa Maynila rin ang tatay niya. Wala siyang alam kung magkakabalikan pa ba sila o kung magkikita pa sila uli.

Masakit pakinggan mula kay John Rey na wala na siyang pakialam kung makasama pa niya ang kanyang mga magulang o hindi na dahil matagal na niyang tanggap ang katotohanan na ang pangkasalukuyang buhay niya ang kailangan niyang bigyan ng pansin kung nais niyang manatiling buhay.

Maraming beses na hinihikayat si John Rey ng ibang mga bang kalye na pumasok sa mga mall at magnakaw, ngunit hindi siya sumusunod at ayaw niyang makilahok sa ganyang uri ng gawain. Mapapansin sa kanya na sa kabila ng negatibong pagtanaw ng mga tao sa mga batang kalye, mayroon pa ring mabuting pag-aasal na natitira kay John Rey. Ayon sa kanya, “masama ang magnakaw” at hindi siya nae-engganyo na gawin iyon kahit ano pang sabihin ng iba. Tila sa likod ng kanyang kamusmusan at pagwawalang-bahala, nakakaya pa rin niyang panindigan ang kanyang mga paniniwala at ang tumanggi sa masamang gawain.

Nagtapat din ni John Rey na iniisip din niya paminsan-minsan ang tungkol sa pag-aaral at sa kanyang kinabukasan o kung mayroon pa nga ba siyang kinabukasan (magaling siya sa Math, at nakakaunawa ng konting Ingles), ngunit kapag dahan-dahan na siyang natatamaan ng rugby, ang ganyang mga saloobin ay kaagad na nawawala at nakakalimutan.

 Inhalants – PANANGGA

Lahat ng mga batang kalye ay umamin na nakaranas na silang gumamit ng rugby at iba pang nakakaadik na panglanghap sa tanang buhay nila sa lansangan. Para sa kanila, ang paglanghap ng rugby o glue ang pinakamainam na paraan para: 1)matanggap ng mga kapwa batang kalye; 2) makaiwas sa pananakit ng mga mas matatanda at malalaking mga batang kalye; 3) makalimutan ang gutom, sama ng loob at kapanglawan at ang pinakamadaling paraan upang makalimutan nila ang kanilang abang kalagayan bilang mga batang kalye.

Si “Marvin” naman ay 14-taong gulang. Umamin din siyang gumagamit siya ng rugby para siya ay matanggap ng ibang mga mas malalaki at matatandang batang kalye. Napapansin na para kay Marvin, malaking bagay ang pagtanggap nila sa kanya at bahala na kung ano ang ipagawa nila sa kaniya basta makapasok lamang siya sa grupo. Ito rin ay isang paraan para makaiwas sa panghaharas, pambu-bully­ at pananakot ng mga mas eksperiyensyadong batang kalye. Si Marvin ay isa ring rekrut ng kinakatukang “Bloods” gang, at naranasan na niyang mautusang magnakaw at maging “look-out” kapag may isang kaanib sa kalabang gang – ang Crips – na kailangang bantaan o iligpit. Itong katorseng anyos na batang ito ay umamin din sa pagdala-dala ng kutsilyo ngunit wala pa raw siyang sinumang nasaktan o napatay. Ang rugby diumano ang pinakamabisang paraan upang hindi maramdaman ang gutom, pisikal at emosyonal na sakit at ang pananabik sa ina.

Sikat sa mga batang kalye ang rugby dahil ito ay mura at madaling makuha. Ipinag-iingat ng maraming mga tindahan ang kanilang mga tindero’t tindera sa pagbenta ng rugby sa mga tao lalo na sa mga kabataan.

Dahil na rin sa maingat na pagbabantay ng mga may-ari ng tindahan, hindi na masyadong madali makuha ang rugby, ngunit lumitaw naman ang isang alternatibo – ang vulcaseal. Tila mas “matapang” ito at “mas mabisa”, at ayon pa sa isang nakapanayam na dating batang kalye, kilala ang vulcaseal na “malakas ang tama”. Nang tinanong kung bakit sila gumagamit nitong mga panglanghap at kung ano ang nagagawa nito sa kanila, ang sagot ay – “nakakahilo agad”, na nagbibigay sa kanila ng pagkawalan ng kilos, umaabot sila sa langit ng mga panaginip o ang hinahangad nilang lugar ng kawalan.

Para sa mga batang ito na palaging gutom, na patuloy na lumalaban sa buhay, na walang tigil sa pakikipaglaban para makabahagi kahit kaunti sa pagtanggap ng iba, na walang humpay sa pagpupumiglas laban sa kalungkutan, at walang sawang pagdepensa laban sa pag-atake ng ibang mga batang kalye at maging ng mga parak – nag-aalok ng napakasarap na kanlungan mula sa araw-araw na paglusob ng mga buhay kalye ang rugby at vulcaseal.

Bagaman walang pinupunteryang isang maliwanag na kapalaran sa hinaharap, ang pagkahilo at pagkatama ay nakakatulong upang sila’y makapagtiis at makapaghanda para muling lusubin ang hirap ng buhay sa kalye sa susunod na araw.

 “Huwag kang magtiwala kanino man” – PROTEKSYON

Likas na para sa maraming batang kalye ang hindi pagtitiwala, hindi dahil ayaw nila pero dahil ito ang isa sa pinakamainam na paraan upang proteksyonan ang kanilang mga sarili. Para sa mga batang ito, mabuti ang magtiwala ngunit mas mabuti ang hindi magtiwala.

Mahiyain si “John Lloyd”, 16-taong gulang, ngunit sa panlabas na anyo lamang. Sa totoo lang, ang kaniyang pagkamahiyain ay isang coping mechanism na bunga ng hindi pagtitiwala sa ibang tao, lalo na sa mga bago lang niya nakikilala. Sa panahon ng interbyu, mapang-ilag siya. Halatang idinidistansya niya ang kanyang sarili mula sa interbyuwer. Napakahirap ang pagtatanong sa kanya at pagkuha ng paliwanag sa mga mapurol niyang sagot.

Hirap ang mga batang kalyeng magtiwala at hindi sila masisisi. Ramdam ng mga batang ito na sila’y pinagtaksilan. Kahit na hindi nila ipinapalabas ang ganyang mga saloobin, sa kaibuturan ng kanilang mga puso, nakakaramdam sila ng pagtatakwil ng mga taong dapat sana’y nag-alaga sa kanila – ang kanilang mga magulang – na silang nag-iwan o nagtulak sa kanilang mamuhay na lamang sa lansangan. Wala na silang magawa pa sa uri ng buhay na kanilang nakuha ngunit sa loob-looban nila, sila’y nakapagtanong, “Bakit pa ako nabuhay sa mundong ito kung ito rin lang din ang uri ng buhay ko?”

Sa madaling salita, lubusang pagkakaila ang nararanasan ng mga batang ito kaya minabuti nilang huwag nalang magtiwala. Wala silang pakialam kung sino ang hindi nila pinagkakatiwalaan, ang importante, walang nakakapasok sa buhay nila. Kung sila man ay magtiwala, matatagalan pa, siguro aabot ng ilang taon, bago nila mapagpasyahang maaaring pagkatiwalaan ang isang tao.

 NGAYON – TANGING PANAHON

Ang mga batang kalye na nakausap ay walang mga plano para sa kanilang kinabukasan, kahit man lang mga panandaliang paghahanda. Hindi rin sila nakikitaan ng anumang pagnanais na magkaroon ng pagkakataon. Ang iniisip lamang nila ay makaligtas sa araw-araw at mabuhay sa pangkasalukuyan. Ang “kinabukasan” ay isang konsepto na hindi nila nauunawaan at isang bagay na para sa kanila ay malayo nilang mararanasan.

Si “Benjie”, 15-taong gulang, ay bahagyang ngumiti lamang nang tinanong kung gusto ba niyang mag-aral o papayag ba siyang i-adopt. Dito, tumingin lang siya sa baba at pagkatapos ng ilang minuto ng tahimik na pagmumuni-muni, ay tumingin sa langit. Kapag tiningnan mo siya, makikita mong hindi siya interesado sa anumang pag-uusap na may kinalaman sa mga bagay-bagay na lampas sa “ngayon”.

Kahit halatang pinapangarap ng mga batang ito ang isang mas magandang buhay at kahit nakikitaan sila ng mga talento at kakayahang natatago sa likod ng pagpipigil at pagkamahiyain, sila rin ay nagpapakita ng ugaling “walang pakialam,” hindi dahil wala talaga silang pakialam, bagkus ay dahil sa tingin nila wala na silang pag-asa magtagumpay o lumigaya. Tinulak sila ng kahirapan na ang lagi lamang isipin ay ang “ngayon”. Dahil kailangan silang makaligtas, kailangan nilang pagkaabalahan kung anuman ang meron sila sa kasalukuyan at baka may umagaw pa nito at mawala ang lahat sa kanila.

 PAGKALIGTAS – LAYUNIN

Sapagkat wala sa kanila ang konsepto ng “bukas,” nagsisikap ang mga batang kalye na mabuhay sa bawat araw. Basta’s sila’y makakain at makasiguradong may kakainin pa sila sa susunod na pagkakataon, okey na ang lahat.

Ngunit, sa mundo nila, hindi lamang ang pagkain ang kanilang ipinaglalaban. Kailangan din silang makipag-gyera para sila ay may matulugan, kailangang malamangan nila ang ibang kabataan at ipagdigmaan ang mga limos ng mga tao.

Para makaligtas sa lahat ng mga ito, kailangan ng isang batang kalye na maging tuso para malamangan ang iba or maging pakumababa para payapain ang mas dominante. Kailangan ding maging “creative,” kaya nga marami sa kanila ang nagnanakaw sa malls or nang-iisnats ng mga bag ng mga taong naglalakad.

Ang nakakagulat, maraming mga batang kalye ang mas marunong pa kaysa mga estudyante ng unibersidad. Ngunit dahil sa kanilang mga pangangailangan sa buhay, nalilimitahan ang kanilang pag-iisip sa mga bagay tulad ng saan kukuha ng pangkain mamaya, paano iwasan ang mga bullies, o saan makakakuha ng panibagong malalanghap na glue.

Sa dinami-daming pagdurusa na pinagdaraan sa buhay ng mga batang kalye, napakasimple lang ng kanilang layunin – ang makaligtas ano paman.

 Panawagan

Matindi ang pangangailangan ng kalutasan sa suliranin ng mga batang kalye. Ang kanilang saklaw ay napakataas – ang pinakamaliit na pagtantiya ay 200,000 at ang pinakamataas ay 2,000,000. Ang abang kalagayan ng mga batang ito ay nakapanglulumo. Walang duda, ang pamahalaan at mga tao ay makahahanap ng paraan upang masolusyunan ito. Ngunit bakit mas madalas na pinipili nating lumingon na lamang?

Ito ba ay kawalan ng interes? Ito ba ay kawalan ng pagmamalasakit sa isang kalipunan na walang tinig o kapangyarihan? Ito ba’y pagsisisi ng dahil wala tayong magawa upang maibsan ang kanilang nararanasang hirap at dalamhati? O ito ba ay dahil ang mga kabataang ito ay kumakatawan sa naaninag na pagkabigo at pag-aatubili ng lipunan na alagaan lahat nitong mamamayan, na nagbunga ng kanilang pagkakalas sa kabuuan ng sosyedad?

Sa kabila ng pananaw na ang mga batang kalye ay “walang kadepe-depensa” o mga “batang nanganganib at kailangan ng proteksyon”, mas lumilitaw ang paniniwalang sila’y mga “delingkuwente” at “masasamang-loob” na nanggaling sa mga miserableng kalagayan at mga magulang na walang puso. Bunga nito, ang mga panukala ng gobyerno ay madalas limitado sa suliranin ng pagpapatupad ng batas na ang totoo talaga ay nakakaligtaan na nating ungkatin ang tunay na ugat ng problema.

Napakalalim ng ugat nito na ang mga solusyon ay nangangailan ng pagbabago at mga paradigm shifts sa iba’t ibang antas para malutasan ang bawat indibidwal, komunidad at mundong pumapaligid sa mga batang ito. Hindi kaya ng mga pamahalaang lunasan ito nang mag-isa, ni ng mga opisyales nito, mga paaralan man o ng pribadong sektor ng ating lipunan. TAYONG LAHAT ang may taya sa problemang ito.

Kailangan na may gawin tayo para sa kabataang naninirahan at nagliliwaliw sa ating mga lansangan. Simulan na natin ang paggawa at simulan na natin NGAYON!

 

 Mga Pinanggalingang Larawan:

https://klimesmeralda.wordpress.com/tag/childrens-right/

https://rodrigo75.wordpress.com/2011/04/19/the-urban-way-to-displace-the-already-homeless/187-02-street-children-philippines/

https://bridgesofhopeblog.wordpress.com/2015/11/17/dangers-of-inhalant-drugs/

http://www.1point5million.com/2011/05/why-are-there-so-many-homeless-kids.html

http://www.ibosocial.com/shipe/pressrelease.aspx?prid=427391

https://adobochronicles.com/2015/02/05/president-aquino-philippines-is-no-1-country-in-the-world-under-my-watch/

http://www.newmandala.org/saving-street-kids-dutertes-philippines/

 

SHARE
Previous articleThe Plight of Oslob’s Whale Sharks
Next articleAng Malagim na Bukas sa Marawi at ang Tulong na Darating

1 COMMENT

  1. These kids deserve so much. Some babies are even fed with alcohol by their moms so they will stay sober for hours, and this makes them silenced from hunger and crying as their mothers beg. It really breaks my heart to see people like them in the streets. Too young to encounter such miseries of life.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here