Mga Bata Ba Kaya ang Dapat Ikulong?

4289

Madaling gawing makasalanan ang mga bata. Ilagay n’yo lang sila sa mga sitwasyon kung saan hindi nila makakamit ang kanilang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tubig, bahay, pangagalaga sa kalusugan at edukasyon. Tapos ipagkait n’yo sa kanila ang kanilang karapatang linangin ang kanilang mga kakayahanan at ipagdamot n’yo sa kanila ang pagkakataong makapagtaguyod ng isang marangal na buhay, kaya paglaki nila sila’y nagiging hindi hasa at walang trabaho. Itambak n’yo pa sila sa kaaba-abang kalagayan na wala nang pag-asang makaahon sa kahirapan. Ayan at may kriminal na kayo!

Sa isang bansa kung saan ang suliranin ng marami sa mga mahihirap ay hindi natutugunan nang maayos, maraming lugar ang nagiging kinamumulan ng mga batang kriminal. Kahit may iilan sa mga batang ito ang nakakabangon mula sa pagdurusa na kanilang kinagisnan, libu-libong kabataan naman ang hindi nagtatagumpay na takasan ang kasalatan kaya nahuhulog sila sa paglabag sa batas upang mabuhay lamang. Ito ang dahilan kung bakit palagi nating nakikita sa TV, nababalitaan sa radyo, at nababasa sa mga dyaryo ang kwento ng mga batang nagkasala tulad ng pagnanakaw at pagbebenta ng ilegal na droga.

Ngunit sa kasalukuyan, hindi lamang ang kahirapan ang tanging dahilan kung bakit malakas ang loob ng kabataang mang-isnats ng bag, mandukot, manloob ng bahay, magbenta ng shabu, at iba’t iba pang krimen na dati rati’y mga matatandang sukab at mga matitigas na bandido lamang ang gumagawa. Pinakamadaling gawing dahilan ang kahirap para sa kanilang mga ginagawa, ngunit ito, sa totoo lang, ay pangalawa na lamang.

Ang pangunahing dahilan ay ALAM na ng mga bata ngayon na hindi sila maaaring mabilanggo dahil sa kanilang edad. Hindi lang sila, kundi pati ang mga sindikato na humahawak sa kanila ay nakakaalam na ang pinakamalayong mararatnan ng mga batang ito ay ang opisina o safe house ng DSWD.

Salamat sa RA 9344, salamat sa mga Human Rights advocates, salamat sa mga Children’s Rights campaigners, at salamat sa mga walang awang mga magulang — ang mga matatandang kriminal ay mayroon nang mga “errand boys/girls” na hindi pwedeng mapiit ng batas at hindi nananagot sa kanilang mga maling nagawa.

Ayaw ko naman talaga maging ingrate sa RA 9344, o sa mga taong ipinaglalaban ang mga karapatang pantao o sa mga indibidwal na laging itinataguyod ang karapatan ng mga kabataan. Sigurado akong ang mabuting kapakanan lang naman ng mga kabataan ang kanilang iniisip.

Ngunit, may mga bago na bagaman totoo noon, ay hindi na totoo ngayon. At dahil iba na ang panahon, kailangan din nating ibahin ang ating mga pamamaraan upang maging angkop tayo sa panahon at upang maingatan natin ang mga buhay at kinabukasan. Ika nga nila, “desperate times call for desperate measures”.

Ito lang naman ang punto ko: palagi na tayong nakakarinig ng mga pagdedebate sa Kongreso at sa Senado tungkol sa pagpapababa ng edad na may criminal liability, hindi ba? Ayon sa Section 6 ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 o mas kilala bilang RA 9344, “A child 15 years of age or under at the time of the commission of the offense shall be exempt from criminal liability.

Sa madaling salita, sinabi rito na iyong mga lumalabag sa batas na may edad kinse pababa ay hindi maaaring ibilanggo. Alam ito ng mga matatandang criminal, kaya ginagamit nila ang batas upang lalong maghasik ng lagim. Gayunman, alam din ito ng mga bata kaya panatag sila na kapag sila’y nahuli, sila lamang ay mapagsasabihan, mapapagalitan at mapapanatili sa maikling panahon doon sa safe house o opisina ng DSWD.

Nagkabaha-bahagi ang mga mambabatas sa isyung ito. May ilang gustong ipababa ang edad ng criminal responsibility habang mayroon namang ibang nagsasabi na ito’y hindi ayon sa karapatan ng mga bata.

Mayroon akong dalawang suhestiyon sa problemang ito. Una, alisin na ang Sec. 6 ng RA 9344 dahil ito ay magpakailanmang gagamitin ng mga taong walang konsensya. Pangalawa, ibinalanggo ang mga magulang ng batang lumalabag sa batas. Sila dapat ang parusahan at hindi ang mga bata.

Siyempre, hindi ko rin sinasabing palalakwatsahin nalang ang mga batang nagkasala na wari baga’y wala silang nagawang mali. Ngunit, hindi rin sila dapat ikulong at hindi rin sila dapat lektyuran sa loob ng DSWD. Dapat may bukod na lugar para sa mga batang ito; isang kapaligiran kung saan magiging maligaya sila, maramdaman nila’t maingatan ang kanilang mga karapatan, mabigyan ng tamang edukasyon, at mapagkalooban ng pagkakataon sa isang magandang buhay.

Gusto kong makulong ang mga iresponsable at walang habag na mga magulang upang magsilbing huwaran sa ibang mga magulang na ginagamit lamang ang kanilang mga anak upang sila ay yumaman. Harapin natin ang katotohanan na marami sa mga batang nagkakasala ay napilitan lamang ng kanilang mga magulang. Kung hindi kayang gampanin ng mga magulang ang kanilang responsibilidad o ayaw nilang tuparin ang kanilang mga obligasyon sa abot ng kanilang makakaya, ay walang dahilan upang magkasama pa sila ng kanilang mga anak.

Ano bang sinasabi ng Bibliya ukol sa mga magulang at kanilang mga tungkulin? Ayon sa 2 Korinto 12:14 at 1 Timoteo 5:8, ang sabi ay sustentuhan ang inyong mga anak; sa Awit 78:5, turuan ang inyong mga anak ng katuwiran; sa Genesis 18:19, na maging mabuting huwaran; sa Efeso 6:4 at Colosas 3:21, na huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak; at sa Kawikaan 29:17, na sawayin ninyo ang inyong mga anak. Ganito ba ang mga magulang ng mga anak na nakagawa ng krimen? O ang kabaliktaran?

 

Mga Pinanggalingan ng Larawan

http://cpcabrisbane.org/Kasama/2005/V19n3/LifeOfStreetChildren.htm

https://www.unicef.org/philippines/children/jj_1.html

https://www.unicef.org/protection/philippines_30525.html

https://bridgesofhopeblog.wordpress.com/2015/11/17/dangers-of-inhalant-drugs/

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here