Mga alaala ni Dr. Leopoldo Gonzales

0
955

NATATANDAAN pa ba ninyo si Dr. Leopoldo Gonzales? Kung naging estudyante kayo ni Daddy, anong masasabi ninyo tungkol sa kanya? Pwede bang pa-SHARE? tanong ko sa group chat ng mga nagsipagtapos sa Far Eastern University sa kursong AB Masscommunication.  

Sabi kasi noon ni Daddy, kapag gumawa ka ng kabutihan sa ibang tao ay hindi ka nila makakalimutan kahit na lumipas na ang maraming taon. Hindi ko iyon magawang paniwalaan. Kahit kasi sabihin pang napakabait mong tao at marami kang naiambag sa kanyang pagkatao darating ang araw na magagawa ka rin niyang makalimutan lalo pa’t lumipas na ang maraming taon. Pero, natigilan ako kinabukasan ng makatanggap ng sankaterbang notification sa aking FB at namangha ako dahil maraming estudyante niya ang sumagot. Karamihan pa sa mga iyon ay estudyante pa niya noong dekada otsenta. At ganito pa ang kanilang mga posts.  

Ako po. Speech at Drama 11 po. HIndi ko po siya naging close pero wala  akong naging complain sa grade na ibinigay niya sa akin. Naging fair siya sa akin. Meaning no favoritism. — Iammhel 

Nang maliit ako, enjoy na enjoy ako sa pagbubukas ng mga regalo na ibinibigay ng mga estudyante ni Daddy kapag nalalapit na ang Pasko. Sobra kasing dami ang kanyang natatanggap. Kaya, may pagkakataon noon na sinasabi kong gusto kong maging titser din. Hindi dahil sa gusto kong magturo kundi dahil gusto kong makatanggap ng maraming regalo.  

Natawa sa akin nun si Daddy at sinabi niyang hindi naman lahat ng teacher at professor ay maaaring makatanggap ng sobrang pagmamahal mula sa kanyang mga estudyante. Depende raw iyon sa kung anong klase ka bang professor.  

Siya ang nagturo sa aking magsulat sa TV. — Ernie 

Sa Masscommunication, si Daddy ay nagtuturo ng RTV (Radio and Television) kaya naman ang mga estudyante ay kinakailangang magsulat ng kanilang mga script. At dahil nga hindi naman lahat ng kanyang estudyante ay marunong magsulat dahil sa mas kanila ay interesado sa pagbabalita o broadcasting. Kaya naman sa pagbabasa ko sa script ng mga estudyante ng Daddy ko, hindi ko maiwasan ang mapahagikgik. Paano, may mga playwriting na nakakatawa. Halatang hindi marunong magsulat ang kanyang estudyante at nasabi ko sa sarili ko na ang dali-dali lang naman ang magsulat, bakit sila nahihirapan? 

Nang oras na iyon ay nasabi ko sa sarili ko na gusto kong gumawa ng script. Kaya, mula noon ay inambisyon ko na maging manunulat. At siyempre, ang Daddy ko ang naging inspirasyon ko lalo nat nakapaglalabas siya ng mga libro. May pagkakataon din na nanalo siya sa mga contest. Hanggang sa mag-publish siya ng AMBON sa Far Eastern University. Bukod sa nagsusulat siya rito, may mga estudyante rin siyang niyayakag na sumali rito. Bukod sa maipapalabas na ang kanilang mga gawa, may tsansa pa silang manalo ng mga karampatang premyo. Siyempre, sumali rin ako doon at nakakuha ako ng premyo. Pili nga lang ng director at si Daddy ang namili.  

Fair & professional — Anacy 

Sa sinabing ito ng kanyang estudyante, gusto kong isipin noon na hindi lang siya naawa sa akin kaya pinanalo ako ni Daddy sa contest na iyon. Gusto kong isipin na karapat-dapat naman talaga kaya ako nanalo. Kaya, ginusto ko rin naman na may mapatunayan ako sa larangan ng pagsusulat. 

2.5 ang grade ko sa kanya sa drama 11. I deserve that. Ang grade hirap magsulat ng script for radio. — Beatriz 

O, hindi ba, kahit na mababa magbigay ng grade si Daddy sa kanyang mga estudyante ay tanggap pa rin ng mga ito samantalang may mga estudyante na kahit na alam nilang hindi sila karapat-dapat na bigyan ng passing grade ay nagrereklamo pa rin. Ang dahilan, hindi ganoon kagaling ang kanilang professor samantalang kay Daddy, tiyak na may matututunan talaga sila.  

Palagi siyang nakaterno ng polong akala mo peryodista o  big boss ng mga reporter. That was dekada 80 — Danilo 

Napangiti ako sa sinabing ito ng isang estudyante niya. Totoo kasi iyon. Kapag nga binuksan mo ang cabinet ni Daddy ay makikita mong mga terno niyang damit na mayroon pang apat na bulsa. Kaya, may pagkakataon na napagkakamalan pa siyang General lalo nat kung maglakad siya ay tuwid na tuwid ang likod, nakataas pa ang noo na para bang gusto niyang ipagmalaki na siya ay karapat-dapat na igalang at irespeto.  

Kungsabagay, totoo naman iyon. Napakaresponsable at napakamatuwid niyang tao. Wala rin siyang bisyo at lahat ng pangangailangan naming magkakapatid ay ibinigay niya. Yun nga lang, hindi niya kami pinalaking spoiled. Hindi namin nakukuha ang mga gusto namin kung alam niyang isa lamang iyong luho.  

My drama Prof. Galing. Best one.— Rosemarie 

He was a big fan of Marlyn Monroe. He smiled radiantly. — Edna 

Prof. ko po siya sa speech. — Gina 

Sir Gonzales is a good man.Whenever we need a script He generously lend it he will give it photocopied already. And a generous in giving a fair grade. — Anna Marie 

Yes. Our Professor in Speech 2.I salute Sir Gonzales. Napakagaling niyang instructor when it comes to speech at napakabait niya. Your father is a brilliant man. — Esper 

Sa mga narinig kong ito. Parang bigla ko talaga siyang na-miss. May sakit din akong naramdaman dahil may pagkakataon na hindi ko pinaniwalaan ang galing niya lalo na sa pagkilatis ng tao. Kaya tuloy may pagkakataon na parang gusto kong pumasok sa time machine para lang mabalikan ang nakaraan. Baka sa pagkakataong iyon ay mas maganda ang buhay ko kung nakinig ako sa kanya. Kaya nga lang, hindi na maaari pang maibalik ang nakaraan.  

Sabi nga, ang pagsisisi ay laging nasa huli kaya para hindi ka magkamali. Kailangan mag-isip ka muna ng maraming beses bago ka magdesisyon. Dahil nga sa nagkamali ako noon sa pagdedesisyon, nagbago ang buhay ko. Gayunman, nandiyan pa rin si Daddy para itama ang aking naging pagkakamali.  

Sa kabilang banda, may pinatunguhan din naman ang pagkakaroon ko ng matigas na ulo. Heto kasi ako ngayon ay nagagawang makapagsulat. Kahit paano ay nahasa ko ang talento ko sa pagsusulat. Pero, siyempre, hindi ako tuluyang napariwara dahil nagkaroon ako ng mabuting ama.  

I remember your dad. He was my professor as well. Aside from the high grade he gave me, I learned a lot from him. — Myra 

Shucks, habang tinitipa ko itong artikulo na ito, abut-abot ang pagpipigil ko na humagulgol ng iyak. Sigurado kasing katakut-takot na pang-aasar ang gagawin sa akin ng anak kong si Ivan. Bigla na naman kasing pumasok sa isipan ko ang magagandang alaala. Salamat na lamang at ang utak ko ay may malaking storage dahil hanggang sa kasalukuyan hindi ko nakakalimutan kung gaano akong inalagaan at minahal ni Daddy na kilala ng marami sa pangalang Dr. Leopoldo Gonzales.

[slideshowck id=9926]

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here