MAY GINTO SA LUPA (PART 1)

0
106
Ravenson Biason

Ravenson Biason

Ravenson Biason:Writer/Novelist/ Blogger/ Artist/ Composer/Cartoonist
Ravenson Biason

Mula nang pumanaw si itay, pinagyaman ko ang bukiring iniwan niya sa amin nina inay at ng dalawa kong kapatid. Sa agap at sikap ko, lalo na sa tulong ng Panginoong Diyos, himalang naka-aani ako ng masagana kumpara sa kapwa ko magsasaka. Sa edad kong 18-anyos, manhid na ang isipan ko sa salitang karukhaan. Ayaw ko nang habangbuhay kaming kapos… dukha.

Tama ang sabi ni tatay Joning— “nasa lupa ang ginto”. Nasa lupa ang yaman. Nasa lupa ang kaunlaran.”

Berto, ipangako mo sa akin na hindi mo ipagbibili o isasangla ang ating bukirin anuman ang mangyari. Iyan lang ang tanging maipamamana ko sa inyo. Pagyamanin mo kahit munti dahil iyan ang mag-aahon sa inyo sa kahirapan,” sambit ng aking ama bago siya bawian ng buhay.

Pumanaw si itay dahil sa sakit sa sikmura’t atay. Tomador kasi siya. Mula pagtilaok ng manok hanggang sa sumapit ang dapithapon, di puwedeng hindi siya iinom ng gin at tuba. Mabait naman si itay. Pero, wala namang mabait na di tinatamaan ng sakit lalo pa’t may bisyo.

Mula nang mailibing si itay, nagbago na ako. Hindi na lakwatsa at barkada ang inaatupag ko. Dati kasi, umaga pa lang nasa galaan na ako at gabi na kapag umuwi. Puspusan akong nagbabanat ng buto para kina inay Jasmine, Gina at Boyet.

At sa bawat araw na inilagi ko sa bukid, abot-abot ang panalangin ko sa Diyos na hindi mapurnada ang tanim naming palay kapag may bagyo. Pati na rin ang mga tanim na mais, kamoteng kahoy, kamote at mga gulay gaya ng alugbati, okra, ampalaya, repolyo’t kalabasa. May tanim din kangkong sa isang gawang sapa-sapaan ni itay noon. Taon-taon kasi kapag may sinalanta ng bagyo ang aming bayan, grabe ang baha at lubog ang mga tanim na palay. Wala tuloy naani. Lugi.

Huminto ako pag-aaral para maasikaso ang aming bukirin. Sina Gina at Boyet muna ang nag-aaral. Second Year High School na si Gina at Grade Six naman si Boyet. Dahil maganda ang ani at benta sa palengke, tuwang-tuwa ang dalawa dahil lumaki ang baon nilang pera. Saka ko na lang ipagpapatuloy ang naudlot kung pag-aaral sa kolehiyo kapag malaki na sobra ang ipon ko. Pero, kapag nagpapahinga ako sa bukid ay nagse-self study ako.

May mga dala akong libro na binabasa ko sa oras ng aking pagsi-siyesta. Trip kong basahin ang Philippine at World History kahit napag-aralan ko na ito nung High School ako. Kung minsan, nagbabasa naman ako ng lumang komiks, yung Funny Komiks Bata Batuta saka yung Mga “Kuwento Ni Lola” na binibili noon sa akin ni Itay sa kapitolyo bilang pasalubong kasama ng isang box ng donuts. Pagkatapos magbasa ay trip ko namang sumagot ng crossword puzzle.

Kaya sa siste ko kapag tuwing pupunta sa bukid ay may dala akong back pack na pinaglumaan ko noong High School ay para na rin akong galing sa iskul. At kapag tapos na ang trabaho sa bukid ay nakukuha ko ring mag-internet sa baryo para maging latest sa mga showbiz happenings… este sa mga nangyayari sa ating kapaligiran… sa buong bansa, at mundo. Gigil ako sa mga bagong labas na gadgets na target kong bilhin. Ipon lang ang katapat. Mga 4 kabang bigas siguro kapag naipagbili.

Tuwang-tuwa si inay sa aking malaking pagbabago. Naging reponsable na kasi akong anak at kapatid. Naging seryoso sa buhay.

Inay naman, di baleng magkandakuba ako sa pagtratrabaho sa bukid basta ang mahalaga’y maka-ahon tayo sa hirap. Ipapagawa po natin itong kubo natin. Ipapa- semento natin para kapag may bagyo ‘e hindi na matangay ng malakas na hangin. Lagi kasing ganun taun-taon ‘e,” positibo kong sambit kay inay.

Si inay ang nagtitinda ng mga inani kong gulay at mais at kamote sa palengke. At sa pagtratrabaho ko sa bukid, tinutulungan ako ng besprend ni itay na si Mang Karyas, 55-anyos. Si Mang Karyas din ang nagbigay sa akin ng binhi ng palay na water resistant. Na kapag nalubog sa baha ay okay pa rin.

Pupuwede pa ring anihin. Ngayon ko nga lang nalaman na mayroon na palang klase ng butil ng palay. Malaking tulong iyon sa aming mga magsasaka. Siya rin ang tumutulong sa akin sa pagbebenta at pag-aalok sa mga mamimili ng mga inaning bunga ko sa bukid. Nag-aalaga rin ako ng manok, itik, baboy na ibinebenta sa palengke ang karne.

Kung dating hindi sanay ang aking balat sa sikat ng araw at sa pagkababad sa putikan. At sa bawat silahis ng sikat ng araw na tumatama sa palayan, kaygaan ng aking kalooban itong pagmasdan na tila gintong butil na kumakaway sa bawat daluyong ng hanging amihan. Ang butil ng palay pala ang sinasabing ginto ni itay sa kanyang talinhaga na magiging daan upang iangat kami sa buhay. Akala ko kasi nung una ay hindi. Kakatwa ngang naghuhukay ako noon sa bukid sa pagbabaka- sakaling may nakabaong kayamanan.

Malapit nang anihin ang palay sa bukid. Excited na ako. At sa aking pagmumuni-muni’t pangangarap ng gising kung ano ang aking bibilhin kapag naipagbili na maaning palay na magiging bigas ay nilapitan ako ni Josephine nang bumaba ito sa kanyang kotseng kulay puti na ipinarada sa gilid ng kalsada. Kaklase ko siya nung High School at dating niligawan. Pero, di ko ipinagpatuloy dahil alangan ako sa mga karibal ko na puro galing sa buena pamilya.

Sa pagdating ni Josephine, sumaya kahit papaano ang ilang oras kung pag-iisa sa bukid. Galing siya sa eskuwelahan naming sa kolehiyo.

“Kumusta ka na, Roberto? Ang sipag-sipag natin ‘a!” masayang bati ni Josephine sabay abot sa akin ng juice na nakalagay sa botelya.

Heto, amoy-araw at amoy kalabaw na rin,” sambit ko na nakangiti pero nahihiya. Ang ganda-ganda kasi niya talaga.

Batid kong may pagtatangi rin siya sa akin. Ramdam ko iyon at kita ko sa kislap ng kanyang mga mata. Hindi muna umuwi sa kanila nang hapong iyon at nakipag-kuwentuhan sa akin.

Bakit ka huminto sa pag-aaral, Berto? Puwede naman ninyong ipagkatiwala kay Mang Karyas ang bukirin nyo ‘a. Sayang, sana Second Year College ka na ring katulad ko. Saka bakit ka nagtitiyaga sa pagtatanim? Sa pagsasaka?”

Nandiyan lang ang paaralan, Josephine. Pero ang kinabukasan, hindi puwedeng hintayin o itulad sa mga pahina ng aklat na kapag kailan mo puwedeng buksan ay mabubuklat mo. Walang kasiguraduhan ang bukas. Di natin alam ang mangyayari. Saka hindi lahat ng may pinag-aralan ay nakatitiyak na makakakuha ng magandang trabaho. Di sa sinasabi ko na hindi mahalaga ang edukasyon ha! Pero higit sa lahat, mahalaga ang pinagsamang karunungan at kakayanan para mapaunlad ang buhay ng isang tao.”

At ang lupaing ito! Nandito ang bukas… ang pagsagwan sa magandang kinabukasan. Bakit pa ako tutungo sa kalunsuran para hanapin ang aking kapalaran? Bakit hindi natin mismo ipundar ang ating kapalaran sa ating sariling bayan? Bakit ako paaalipin sa kapitalistang sila lang ang yumayaman at hindi ang mga empleyado?”

Ibig mong sabihin, mag-aaral kang muli at tatapusin ang apat na taong kurso para lamang bumalik sa bukiring ito? Para ano pa? Gusto mo bang maging mababa sa paningin ng iba habangbuhay?” tanong uli ni Josephine.

“Anong masama kung ang isang tao ay nais lumingon sa kanyang pinanggalingan? Ganyan ba ang tingin nyong nakaka-angat sa buhay sa mga magsasaka? Kung di dahil sa aming magsasaka, walang bigas na makakain sa hapoag ninyong mga asal-hari!”

Napikon si Josephine sa aking narinig. Tumaas ang kilay.

“Kaya pala. Kaya pala winalang-halaga mo ako mang dahil sa bukiring ito! Diyan ka na nga!” si Josephine sabay ismid na umalis at bumalik sa kotse. Nagtaka ako sa tinuran niya.

Lumipas ang dalawang ikot ng anihan at naipagawa namin ang aming bahay kubo mula sa kinita sa ipinagbiling ani sa bukid. Pina-semento ko na. Pero, may ipinagawa akong bahay kubo sa gilid ng sementadong bahay para maramdaman ko ang ambiance ng kabukiran… ng tatak Pilipino.

Dahil malaki na rin ang naipon ko ay muli akong nag-enroll sa kolehiyo para ipagpatuloy ang aking pag-aaral sa kursong BS- Education Major in History. Gusto ko kasing maging guro. Pang-umaga ang kinuha kong isked para mapasyalan at maasikaso ko ang bukirin tuwing hapon. Kapag wala ako, sina Mang Karyas at ang pinsan kong si Panong ang bahala sa bukid.

Sa campus, madalas na kaming magkita ni Josephine sa campus na nasa kapitolyo. Pero, dedma lang ako sa kanya. Hindi niya ako pinapansin kahit nagkakasalubong na kami. BInabati ko na nga pero iniirapan lang ako. Kakainis. Bad trip kayang di ka pansinin ng love mo. Sa isip-isip ko tuloy, may nagawa ba akong kasalanan sa kanya? Pagkakamali…para pahirapan niya ng ganito.

Inaamin kong may pitak pa rin sa puso ko si Josephine. Actually, siya ang inspirasyon ko kung bakit nagbago ako at naging optimistic at masikap sa buhay. Pero, kapag nagkasalubong naan kami at dinedma ako ay pansin kong masama rin ang loob niya. Parang dir in gusto ang ginagawa sa akin.

Kaya gumawa na ako ng remedy. Nung isang araw, uwian sa iskul ay inabangan ko siya sa kalsada malapit sa bukirin naming kung saan dumaaan ang tsekot niya. Nang mamataan ko ay humarang na ako sa daan. Bumusina siya. Pero, di pa rin ako umalis.

Kapag di ka umalis dyan, sasagasaan kita! sabi niya.

Weeee! Alam mo ang cute mo kahit galit ka! Okay, sagasaan mo ako at yari ka kapag natigok ako!”

Bakit naman ako mayayari? Sasagasaan naman kita at hindi papatayin no!”

Ganun! Di nga! Sige nga! Baka magasgasan ‘yang kotse mong love na love mo!”

Natatawa ako sa reaksiyon ni Josephine na natengga sa manibela at nakadungaw ang ulo sa binatana ng kotse. Naasar na. Nagbabanta pero di magawa.

Ano? Di ako aalis dito hangga’t di mo sinasabi sa akin kung ano ang dahilan kung bakit di mo ako pinapansin sa iskul!’

Padabog na bumaba ng kotse si Josephine. Naka-ismid ang mukha.

(Abangan ang Last Part)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here