Matapos gumawa nang gumawa nina nanay at tatay… BATANG KALYE SA TONDO, PAKALAT-KALAT LANG

1
1073

Latest posts by PhilippineOne Contributor (see all)

Kung AsKal ang tawag sa asong kalye, BatKal naman ang tawag ko sa mga batang kalye pero para magandang pakinggan, tinatawag itong mga street children. Kahit pa anong tawag sa kanila, miserable pa rin ang kanilang mga buhay. Paano, pinabayaan sila ng kanilang mga magulang na pakalat-kalat lang. Parang  walang pakialam kung maaksidente man ang kanilang mga anak o walang makain.

Ako ay naninirahan sa Tondo. Kahit naman maayos ang lugar na aking tinitirhan sa Limay, hindi pa rin dahilan iyon para ‘di ako makatagpo ng mga BatKal. Habang ako ay bumibiyahe pauwi sa aking bahay, may batang sasakay sa jeep na aking sinasakyan. Magpupunas ng sapatos ng mga pasahero kahit mas marumi pa sa mga sapatos namin ang hawak niyang basahan o kaya naman, may mag-aabot sa’yo ng sobre at kakantahan ka. Ibig sabihin, hihintayin niyang lagyan mo ng laman ang sobre.

Sa panahon ngayon, mahirap na kumita ng pera kaya kung kikita ka, huwag mo basta-basta pawawalan. Ikaw din kasi ang mahihirapan pagkaraan. Kaya nga lang, kapag nakakita ka ng batang namamalimos, hindi mo rin maiiwasang dumukot sa’yong bulsa. Ang maiisip mo, mas kawawa sila kaysa sa’yo. Kaya, kahit piso ay aabutan mo sila. Ngunit, may iilan na hindi ikinatutuwa ang piso at kung beinte singko ang ibibigay mo, tiyak na ibabato pa sa’yo.

Kung minsan talaga, mas maigi pang pagkain na lamang ang iabot mo sa kanya. Tiyak pa na mabubusog sila. Ikatutuwa mo pang pagmasdan siyang sarap na sarap sa pagkain. Kaya naman kapag may makikita akong batang namamalimos, mas gugustuhin ko pang bigyan na lamang siya ng biscuit. At least sa pamamagitan noon ay mabubusog pa siya.

Nang minsan namang may umakyat na bata sa jeep na aking sinasakyan at inilahad ang kamay, tanda ng namamalimos siya, binigyan ko siya ng brownies. Ngunit, sa halip na matuwa ay ibinalik lang niya iyon sabay sabing pera ang kanyang kailangan. Nang sundan ko siya ng tingin ay nakita kong nagpunta siya sa grupo ng mga kabataan at naupo sa isang sulok para buksan ang isang plastik at lumanghap-langhap doon.

Isa rin akong ina kaya masakit sa akin iyong makakita ng batang sinisira ang kanilang buhay sa pagra-rugby. Namamalimos sila hindi para kumain kundi para langhapin nila ang rugby.

Bakit nga ba nagra-rugby ang mga batang kalye?  

  1. Para maglaho ang gutom na kanilang nararamdaman – Kapag nakalanghap ka na ng rugby, makakalimutan mo na ang gutom na iyong nararamdaman. Hindi mo na iisipin pa ang pagkalam ng iyong sikmura. Ang tangi na lamang mahalaga sa mga taong gumagamit ng rugby ay iyong nakakalimot sila. ‘Yun nga lang, hindi nila naisip na sa bawat paggamit nila ng rugby ay lumiliit nang lumiliit ang kanilang utak. Dahilan para hindi na nila maisip pang gumawa ng matino. Basta ang mahalaga sa kanila ay rugby, rugby, rugby. Kapag nawalan sila ng sisinghutin, mamamalimos na naman sila. Ngunit kapag wala silang makuha sa limos, malaki na ang posibilidad na gumawa na sila ng masama. Iyon ang dahilan kaya maraming batang kalye ang nagiging snatcher at holdaper.
  1. Kawalan ng pag-asa – Para sa mga BatKal, hindi na nila matutupad ang kanilang pangarap. Wala naman kasi silang mga magulang na gagabay at iintindi sa kanila kaya minabuti na lang nilang gumawa ng paraan kung paano sila makakalimot. Ang pinakamabisang paraan, gumamit ng rugby at sirain ang kanilang buhay. At para naman makatikim din sila ng konting sarap, gagawa sila ng masama. Sa pag-i-snatch ay may posibilidad na magkaroon sila ng pera. Kung susuwertehin sila at makakapagnakaw ng gold, maibebenta nila iyon ng ilang daan o libo. Kaya nga lang, hindi naman maaari na lagi na lang sila susuwertihin. Isa lang siyang BatKal kaya kung mahuhuli sila ng pulis, siguradong sila ay mapaparusahan.

Ngunit, makakaramdam nga ba sila ng pagkadala pagkatapos? Hindi! Dahil ang taong walang makain ay never na magbabago hangga’t walang nababago sa kanyang buhay.

  1. Dahil pinababayaan lang ang mga BatKal na pagala-gala – Ang mga magulang ng mga BatKal na ito ay pinabayaan na lamang ang kanilang mga anak. Halatang hindi nila alam ang katagang responsibilidad. Ang tanging mahalaga lang sa kanila ay mag-enjoy sa paggawa ng bata kaya kapag nailuwal na ito, pinababayaan na lamang. Kung minsan nga ay ginagawa pa nilang pagkakitaan ang kanilang mga anak. Inuutusang mamalimos at pagagalitan pa kapag walang perang nadala sa kanila.

Hay naku, kaawa-awa rin talaga ang mga batang kalye na naglipana lamang sa kung saan-saan. Kulang na kulang kasi sila sa pagmamahal at atensyon kaya naman wala silang pakialam sa tama at mali. Paano ba naman kasi nila maiisip na mali ang kanilang ginagawa kung ang sarili nilang pamilya ay walang pakialam sa kanila.

Ngayon, ano ba ang dapat na gawin?

 Ang kailangang gawin ay mayroong maibigay na tahanan sa mga street children. Mayroon namang DSWD na kumukuha sa mga bata na pakalat-kalat sa kalye ngunit sa dani bf mga batang pinababayaan ng kanilang mga magulang, hindi lahat ay makukuha ng DSWD. Sana ay may iba pang ahensiya na makakatulong para sa mga Batkal o batang kalye.

Naniniwala ako na kapag ngayon pa lang ay nailagay na sila sa tahanan na makapagbibigay sa kanila ng pag-asa na maaari rin silang matulad ng ibang bata, hindi nila maiisip pa na gumawa pa ng kasamaan. Kung mayroon kasing lugar na matitirhan ang mga batang kalye, sigurdong matututo silang mangarap.

O, ikaw, nais mo bang tumulong sa mga batang kalye? Tiyak ko naman na kung may malambot kang puso ay gugustuhin mo ring tulungan ang mga kabataan para huwag sila tuluyang maligaw ng landas. Sabi nga ni Dr. Jose Rizal, ang mga kabataan ang pag-asa ng bayan. Kaya, sa abot ng ating makakaya, ibigay natin sa kanila ang lahat ng tulong na magagawa natin.

Ang PhilippineOne ay nais ding makatulong sa mga batang kalye o BatKal o street children. Kung sakaling nais mong tumulong sa mga kaawa-awang batang ito ay may programa kami para rito, mag-email lang kayo sa info@philippineone.com at idi-discuss sa inyo ito ni Bob.

Written by Maria Angela Gonzales

Maria Angela Gonzales has lived in Tondo since birth but her family provided and gave her all the love she needed to secure a better future. She  dreams of becoming the next JK Rowling but for now she enjoys writing romance novels, horror stories and articles.  

 

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here