Mataba si misis kaya feeling ay pinandidirihan na ni mister

0
35
payo, artikulo, pag-ibig, kabiguan, pagmamahal, paghanga, martir, pag-asa,

Dear Maria,

Mataba na ako kaya feeling ko ay nagbabago na ang mister ko sa akin. Lagi na lang siyang late umuwi at saka parang nandidiri na siyang yakapin at halikan ako. Hindi ko na ramdam ang init ng pagmamahal niya. Natatakot ako na isang araw ay mawala na lang siya sa buhay ko. Ano ang aking gagawin? — Roma

Roma,

Kung natatakot kang mawala siya sa buhay mo, makabubuting ang problema ay pag-usapan ninyo. Hindi maaari iyong pakiramdam mo na lang lagi ay nagbabago na siya sa’yo. Baka naman kasi nai-insecure ka lang. Huwag mong isipin na inaaway kita sa sinasabi kong ito, ang nais ko lang ay madikdik sa isipan mo ang maaaring posibilidad. Gayunman, nararamdaman ko ang takot sa dibdib mo. Ngunit, kailangan mong mapaglabanan ang takot na nararamdaman mo para malaman mo ang katotohanan.

Alam naman natin talaga na ang gusto ng mga lalaki ay seksi at maganda kaya natural na makaramdam ka ng takot, pero, sapat na ba iyon para bigyan mo lagi ng masamang interpretasyon ang ginagawa ng iyong mister? Baka naman kasi kaya kulang sa init ang yakap niya ay dahil sa napapagod siya sa pagtatrabaho. Kung ganoon, makabubuti siguro kung siya ay unawain mo na lang. Asikasuhin mo na lang muna siya at bigyan ng pagmamahal at pang-unawa.

Kung ramdam mo talaga na isyu na sa kanya ang katabaan mo, bakit hindi ka magpapayat? Sikapin mo na maging maganda ka sa kanyang paningin. Hindi ko naman sinasabi ito dahil baka nga mayroon siyang ibang babae dahil naglaho na ang ganda mo. Ang ibig ko lang sabihin, dahil nga lalaki siya ay gusto pa rin niyang makita sa’yo ang babaeng minahal niya. Baka naman kasi masyado mong napapabayaan ang iyong sarili.

Huwag mo na isiping magpapapayat ka dahil hindi ka na nagugustuhan ng asawa mo, isipin mo na lang na kaya ka magpapapayat ay dahil sa sarili mo. Gusto mong maging maganda sa paningin ng asawa mo at sa ibang tao. Kasabay pa noon ay magiging healthy ka. Baka hindi mo alam na kapag matabang-mataba ka ay maaari kang atakihin sa puso. Bukod sa heart attack ay marami ka pang sakit na makukuha tulad ng alta-presyon, diabetes, sakit sa bato at cancer.

O, gugustuhin mo bang magkasakit? Siguro naman ay hindi, di ba? Kaya, pangalagaan mo rin ang iyong sarili. Tingnan mo nga dahil sa hitsura mo ay nakakaramdam ka ng insecurity. Dapat ay mawala ‘yan dahil siguradong magiging dahilan pa ‘yan para magkaroon ng lamat ang relasyon ninyong mag-asawa. Huwag mo sanang hayaan na mangyari iyon. Saka, kailangan ay maging open kayo sa isa’t isa. Kung hindi kasi ninyo alam ang iniisip at nararamdaman ng isa’t isa, parang ang daming pagdududa ninyong nararamdaman.

O, sana naman kahit papaano ay nakatulong ako para maglaho ang sakit na nararamdaman mo ngayon. Mag-usap lang kayong mag-asawa at magliwanagan tapos ikaw ay alisin mo ang insecurity na nararamdaman mo at alam mong mangyayari lang iyon kapag pumayat ka, okay?

 

PhilippineOne is actively accepting articles in Tagalog or English from Filipinos and/or expats living in the Philippines.  Get published today on any subject you feel like writing about. Send your articles to info@philippineone.com with a brief description.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here