MASAMA ANG LOOB NG SITAHIN NG BF NA KAPITBAHAY NANG UMUWING LASING

1246
Dear Maria: Advice column on PhilippineOne

Dear Maria

Magkatapat lang ang bahay namin ng boyfriend ko kaya nagalit siya sa akin ng makita niyang tipsy ako. Hindi ko kasi sinabi sa kanya na pupunta ako sa birthday party ng kabarkada ko. Tama bang magalit siya eh hindi nga niya masabi sa parents naming ang aming relasyon? Pareho lang kasing 17 years old. Payuhan naman ninyo ako. — Lucy

 

Lucy,

Alam man ng parents mo o hindi ang inyong relasyon, may karapatang magalit ang boyfriend mo dahil magkarelasyon kayo. Dapat nga, alam niya kung saan ka nagpunta, eh, bakit hindi mo sinabi? Alam mo bang kabastusan ‘yang ginawa mo sa boyfriend mo? Natural hindi mo alam dahil hindi ka pa naman handang makipagrelasyon. 17 ka pa lang kaya tiyak na hindi ka pa rin seryoso sa kanya. Baka nga, sinagot mo lang siya dahil gusto mong may matawag kang boyfriend.

Kahit na 17 years old pa lang ang boyfriend mo, sa tingin ko ay may pag-aalala siya sa’yo. Kung wala kasi siyang pakialam sa’yo, hindi na siya mag-aaksaya ng effort para sitahin ka. Baka nga makipag-break na lang siya sa’yo matapos magsabi ng kung anu-anong masasakit na salita. Nasaktan ka man sa pang-aaway niya, tanggapin mo na lang dahil may kasalanan ka rin naman.

Magpasalamat ka na lang at may BF kang nag-aalala sa’yo. Nakakakilig kaya iyon. Lalo na kung makikita mo siyang namumula sa galit dahil sobra siyang nag-aalala sa’yo na umuwi ka ng madaling araw tapos ay nakainom ka. Siyempre, iniisip niya, paano kung hindi ka nakauwi ng maayos? Wala siyang kaalam-alam na napahamak na pala ang kanyang girlfriend na wala siyang kaalam-alam.

Sa panahon ngayon, sobrang gulo ng paligid kaya kailangan ay mag-iingat. Hindi naman siguro kaila sa’yo na maraming holdaper at rapist na nagkalat. Huwag mo naman sila bigyan ng pagkakataon na mabiktima ka. Kung may naghatid sa’yo sa bahay, mabuti na lang. Pasalamat ka na lang at may naghatid sa’yo, paano kung ang nag-volunteer na naghatid sa’yo ay hindi pala karapat dapat pagkatiwalaan, ‘di kawawa ka. Huwag kang masyadong magtiwala sa mga taong nasa paligid mo dahil may posibilidad na sila ang magpapahamak sa’yo.

Kaya, sana ay huwag mo na uulitin ‘yan lalo na kung wala kang mapagkakatiwalaang kasama. Hindi lahat ng kabarkada mo ay masasabi mong tunay na kaibigan. Importante ring alam ng mga magulang mo ang mga nangyayari sa’yong buhay. Makabubuti rin na ipagtatapat ninyo sa mga magulang ninyo ang relasyon ng iyong kapit-bahay. Baka nga mas ma-appreciate pa nila iyong magsasabi kayo ng totoo kaysa tinatago ninyo ang inyong relasyon.

Kung noon, ang mga magulang ay pinipigilan pa na makipagrelasyon ang kanilang anak ngayon, hindi na. Sa isip kasi ng mga magulang, mas magrerebelde ang kanilang mga anak kung pipigilan nila. Iyon nga lang, sa pagkakaroon ninyo ng relasyon, hindi maaari iyong pababayaan n’yo ang inyong pag-aaral. Importante siyempre ‘yan. Saka, huwag ninyong seryosohin ang pag-ibig dahil marami pa kayong dapat na marating sa buhay. Intindihin ninyo muna ang pag-abot sa’yong mga pangarap. Gawin ninyong inspirasyon ang isa’t isa.

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here