MAKALUMANG PAMAHIIN SA PANGANGANAK

Latest posts by BOBBY V. VILLAGRACIA (see all)

Naganap ang pangyayaring itong malalim na natatak sa aking isipan dahil may kaugnayan sa aking pinag-aralan nang matalaga akong rural midwife sa isang liblib na barangay sa aming lalawigan sa gitnang bahagi ng Kabikulan. Dahil liblib na lugar, umiiral pa ang maraming pamahiin o paniniwala sa buhay na sa aking palagay patuloy pang pinaniniwalaan ng maraming tao sa mga liblib na barangay.

               Kabilang sa bagay na may kaugnayan sa pamahiin o paniniwala sa lugar na labis na umakit sa  interes ko ang mga papel na tiniklop-tiklop na sa aking pananaw, may mahalagang bagay na ibinalot. Ngunit ang labis kong ipinagtaka, kung mahalagang bagay ang ibinalot sa mga nakatiklop na papel, bakit ibinitin sa bubungan sa tapat ng hagdan kung saan pumapasok at lumalabas ang maraming tao.

               “Aling Pacing, ano ho ang laman ng mga papel na itong tiniklop na nakabitin sa bubong sa tapat ng hagdan?” Tanong ko sa may-ari ng bahay na pansamantala kong titirhan habang nasa barangay.

               “Pusod ng mga anak ko”, sagot ni Aling Pacing.

               “Pusod ho ng mga anak ninyo?” Tanong ko uli.

“Oo”, sagot ni Aling Pacing. “Ibinalot sa papel ni Tandang Goring, ang albularya at manghihilot na nagpapaanak sa barangay na ito.”

“Siyam ho pala ang anak ninyo”, wika ko, matapos bilangin sa tingin ang mga papel na tiniklop-tiklop ng pakuwadrado.

“Tama ka, Agnes”, sagot ni Aling Pacing. “Siyam ang anak namin ng namayapa kong asawa, limang babae at apat na lalaki!”

“Bakit daw ho binalot sa papel ni Tandang Goring ang mga pusod ng anak ninyo at ibinitin sa tapat ng hagdan?” Tanong ko uli.

“Ewan ko”, sagot ni Aling Pacing. “Hindi ko na pinag-abalahang alamin ang ginawang ‘yan ni  Tandang Goring at hindi ko na rin pinakialaman dahil tiyak kong may mahalagang dahilan!”

Dahil sa masidhi kong pagnanais na malaman ang dahilan sa ginawa ng albularya at manghihilot sa pusod ng mga anak ni Aling Pacing, sinadya ko ang bahay ni Tandang Goring na dahil matanda na, hindi na ginagampanan ang pagiging albularya at manghihilot. Kahit malabo na ang mata, pinatuloy niya ako sa kanilang bahay na nasa liblib na bahagi ng barangay.

“Gusto mong malaman kong bakit binabalot ko sa papel at ibinibitin sa tapat ng hagdanan ang mga pusod ng sanggol kong pinaanak?” Tanong ni Tandang Goring.

“Oho”, sagot ko. “Labis ho akong nagtataka sa ginawa ninyong ‘yun!”

“Paniniwala  ‘yun ng mga nauna sa aking albularya at manghihilot para mabilis at maalwan ang mga susunod na panganganak ng may-ari ng bahay”, paliwanag ni Tandang Goring. “At paulit-ulit kong napatunayang tutuo ang pamahiin o paniniwalang ito!”

Dahil muli, labis akong naintriga sa sinabi ng matandang albularya at manghihilot, lihim akong nagtanong sa mga ginawa niyang pagpapaanak sa barangay nila at mga kalapit at napatunayan kong tutuo. Sa kasalukuyan, nagtratrabaho na ako sa abroad ngunit hindi ko pa nalilimutan ang pamahiin o paniniwalang pagbibitin ng pusod ng sanggol na binalot sa papel sa tapat ng hagdan para sa maalwan at mabilis na panganganak ng may-ari ng bahay.

Kuwento ni BOBBY V. VILLAGRACIA mula sa karanasan ng isang kaibigan.

PhilippineOne Facebook

PhilippineOne YouTube

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here