MAHIWAGANG KASAMBAHAY

Naganap ang karanasan kong ito noong gitnang bahagi ng dekada 70 sa aming bahay sa Potrero, Malabon City. Tunay na punong-puno ng kababalaghan ang pangyayari kaya’t hanggang sa kasalukuyan, nananatili itong nakatatak ng malalim sa aking isipan bunsod ng idinulot na malaking takot at sindak.

Sa panahong ito, uso rin sa aming pamilya ang paghahati-hati sa mga gawaing bahay sa hangaring matutunan ang trabaho sa murang gulang ng bawat miyembro ng pamilya. Dahil babae ako, naatang sa akin ang paghuhugas ng mga ginamit sa hapag-kainan at dahil panggabi ako sa pag-aaral ng high school, ginagawa ko ito matapos ang klase na sa aking pagtaya, ika-9 hanggang ika-10 ng gabi.

Sa panahong ito, wala pa ang iba’t-ibang libangang pinagpupuyatan ngayon ng mga kabataan kaya marami sa mga bahay sa aming lugar ang tahimik dahil natutulog na ang mga tao. Matapos kong kumain ng gabihan, agad kong sinisimulan ang paghuhugas ng mga plato, baso, kutsara at iba pang ginamit sa hapag-kainan na dahil malaki ang aming pamilya, marami akong huhugasan.

Sa mga oras na ito, kung hindi natutulog ang aking mga kapamilya, nasa sala sila ng aming bahay at nanunuod ng telebisyon kaya nag-iisa ako sa aming kusina para gawin ang trabahong nakatoka sa akin. Dahil madalas maganap ang pangyayaring naghatid sa akin ng takot at kilabot, malinaw ko itong natandaan kaya kahit mahabang panahon na ang lumipas, tandang-tanda ko pa ang mga pangyayari.

Kabilang sa mga mahiwagang pangyayaring naganap habang nasa kusina ako ang ingay na may taong naglalakad sa aking likuran habang nakaharap ako sa lababo at ginagawa ang tungkulin sa aming pamilya. Dahil dinig na dinig ko ang ingay, napipilitan akong lumingon para malaman kung may tao sa aking likuran ngunit wala akong makita na maaaring lumikha ng ingay.

“Wala naman akong nakitang tao sa aking likuran”, kuwento ko sa aking mga nakakatandang kamag-anak na nagbabakasyon sa aming bahay sa panahon ng kapaskuhan.

“Alice, tiyak na gawa ng nilikha mula sa daigdig ng kababalaghang naninirahan sa inyong bahay ang mga pangyayaring naghahatid sa iyo ng takot at kilabot”, paliwanag ng may-edad naming kamag-anak mula sa Bikol. “At tiyak ko, “taong lipud” ang mahiwaga ninyong kasama sa bahay!”

“Diyos ko”, wika kong nakaramdam ng malaking takot at sindak sa mahiwang pangyayaring nagaganap sa kusina ng aming bahay at iba pang bahagi. “Baka kung anong gawin sa akin ng taong lipud na ‘yun habang nasa kusina.”

Taong lipud ang tawag sa engkanto o maligno sa lugar na pinagmulan ng aming pamilya sa Bikol kaya ito rin ang itinawag ng mga kamag-anak naming pumupunta sa aming bahay sa mahiwagang nilikha na kasama namin sa bahay o kasambahay. Kabilang pa sa ingay kong naririnig at naramdaman ang ingay ng bangko na nagpapahiwatig na may taong nakaupo, paglangitngit ng sahig na kahoy na may taong naglalakad at pagkawala ng iba’t-iba naming gamit na sa paglipas ng araw, lumilitaw din.

At para magawa ko ang aking trabaho, nakikiusap ako sa aming ama na samahan ako sa kusina na naging matagumpay naman dahil kapag may kasama ako, hindi ko naririnig o nararamdaman ang   kakaibang ingay. At sa paglipas pa ng panahon, lumutang ang kuwentong noong makahoy pa ang aming lugar, tirahan ito ng engkanto at malignong hindi pa umaalis ng panahong ‘yun dahil mangilan-ngilan pa lamang ang taong nakatira na tiyak kong ang tamang paliwanag sa mahiwaga naming kasama sa bahay o kasambahay.

Kuwento ni BOBBY V. VILLAGRACIA batay sa kuwento ng isang kaibigan. 0000000ff

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here