Magarbo ba ang buhay OFW?

0
59

2.3 Milyon. Yan ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers o OFW sa kasalukuyan. Hindi na lingid sa ating kaalaman na maraming mga Pilipino ang nakikipagsapalaran sa pagpunta sa ibang bansa. Isa sa mga rason para dito ay ang kahirapan ng buhay at matagalang pag-asenso sa Pilipinas. Para kumita ng mas malaki, marami ang tinitiis ang hirap at kalungkutan ng pagtira sa ibang bansa at malayo sa sariling pamilya.

Subalit, marami rin ang mga Pinoy na naeenganyo mangibang bansa dahil sa kagustuhang makabili ng mga luho at makatikim ng magarbong buhay. Pero, magarbo nga ba talaga ang pagiging OFW?

1. Maraming pasalubong. Tuwing nakakakita ng balikbayan box, ang bilis natin humirit ng pahingi balato o pasalubong. Minsan nga e papaalis pa lang sila ng Pinas e mayroon na tayong mga bilin at listahan ng gustong pasalubong. Ang hindi natin alam ay ilang buwang pinag-ipunan ng ating mga kapamilya sa ibang bansa ang mga pinapadala nila. Marami ang nagtitiis at halos hindi na gumagastos para sa sarili para lamang may mailaman sa kanilang mga balikbayan box. Ang mga tsokolate na natatanggap natin e halos hindi nila kainin doon para lang maipasalubong. Pero siyempre, hindi nila ito kinikwento saatin para hindi tayo mag-alala sa kalagayan nila.

2. Mga bagong alahas at gadget. Marami ang nag-iisip na asensado ang mga OFW lalo na sa mga kababayan natin na nadedestino sa Middle Eastern countries sapagkat mayroon silang mga bagong gadget at alahas. Ang totoo niyan, marami ang bumibili ng mga ito dahil mura ang bentahan doon lalo na para sa mga alahas at ginto. Para sa marami, isa itong madaling paraan para makapag invest sapagkat ang mga alahas ay madaling ibenta o isanla kung kinakailangan ng mabilisang pera. Hindi ito pang yabang at pang porma kundi isang kasiguraduhan kung sakaling magkaroon ng emergency.

3. Nakakapagpundar. Akala ng marami, napakadali lamang para sa mga OFW ang magkaroon ng ari-arian dahil sa laki ng sinasahod nila buwan buwan. Ang hindi nila nakikita ay ang dami ng mga utang ng ating kababayan para lamang makapagpundar. Minsan nga, kahit ayaw na nilang bumalik sa ibang bansa ay kinakailangan nilang magtiis sapagkat marami pa ang kailangan nilang bayaran. Totoong mas mabilis silang makakapagpundar kumpara sa kung nagtatrabaho dito sa Pinas, pero mas matindi din ang hirap at pangungulila na nararamdaman nila.

4. Maraming paambon, Tuwing may umuuwing OFW, hindi na nawawala ang pila ng mga inaanak, kapamilya, at minsan pa nga ay mga kapitbahay, na nagbabakasakaling makakuha ng “paambon”. Madalas, nawawala sa ating isip na malaki ang gastusin ng ating mga kababayan sa ibang bansa. Hindi lahat sakanila ay mapalad magkaroon ng libreng tirahan doon na sagot ng kumpanya, kaya’t malaki din ang kanilang gastusin sa renta, pagkain, at utilities. Hindi lahat ng kanilang sahod ay nauuwi nila. Pero dahil nga sa nakagawian na ito ng mga Pinoy, marami ang napipilitan na magbigay kahit na hindi pa rin ganoon kalaki ang kanilang naiipon. Marami rin ang natatakot at nahihiya tumanggi dahil ayaw mapagsabihan na maramot o mayabang. 

5. Sosyal na pictures. Siyempre, nandyan din ang mga sosyal at nakakainggit na mga post at picture nila sa Facebook. Bakasyon sa mala palasyong mga hotel, picture na nakasakay sa eroplano, masasarap na pagkain… Pero, ang hindi natin nakikita ay ang pag-iipon nila para makapagbakasyon, pag-iyak nila sa airport bago sumakay ng eroplano, at pagkamiss nila sa mga lutong pinoy…

Napakahirap mamuhay sa ibang bansa ngunit pinagmumukha nila itong masaya sapagkat ayaw nilang panghinaan ng loob ang mga pamilya nila na umaasa sa kanila. Kailangan nilang maging matatag para sa pangarap na pag-asenso. Siguro nga ay mukhang magarbo ang buhay OFW, pero lagi nating tandaan na mayroong ibang kwento sa likod nito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here