Pasensiya na, mga kababayan, pero ito ang posibleng iniisip ng mga nanloko at nanloloko sa atin. Ilang beses na bang nagago ang ating lahi di lang ng mga banyagang sumakop sa atin kundi maging ng kapwa natin Pilipino? Akala ko di ko na mararanasan ang lantarang pagpilipit sa katotohanan pagkatapos ng rehimen ni Gloria Arroyo. Pinagdaanan ko rin si Marcos at syempre pa dahil diktadurya ang kanya, ang pagpilipit o pagtatago ng katotohanan ay kaakibat ng puwersahan panunungkulan.
Di ko akalain na sa panahong napakabilis ng dating ng impormasyon sa tulong ng Internet ay tayong mga Pinoy pa ang mabibiktima ng tinatawag at pinagmamalaki nating pagiging techno-savvy. Di ba’t nang bago pa lamang nalululong sa mobile phone ang mundo, texting capital na tayo? Ganyan tayo kadikit sa teknolohiya kahit pa nga marami sa atin ang masasabing nasa poverty line ay mas marami ang siguradong may-ari ng cell phone. Imbes ibili ng bigas ay ipangloload na lang ang perang tangan. Para ano? Para makipagkomunikasyon sa kapamilya at kaibigan, katabi man o nasa ibang bayan; para “updated” sa mga nangyayari sa loob at labas ng tinitirhan. Nang maging bahagi ng buhay ang Internet, madali sa mga Pinoy ang pumailanlang dito. Pang-ilan tayo sa mga may pinakamaraming may FB account sa Asya at sa mundo? Panahon pa ng Friendster ay kilala na ang presensiya ng Pinoy sa tinatawag na social media platforms.
Kailan nagsimulang gamitin ang Internet para guluhin ang isip nating mga Pinoy? Ang pinakamaigting ay noong nakaraang kampanya o ilang taon bago ang 2016 pampanguluhang halalan. Naging usap-usapan ang pagiging “astig” na mayor ni Duterte at ang pagiging modelo ng kaayusan, katahimikan at kaunlaran ng lungsod ng Davao. Di pa ako nakarating doon pero di rin ako ganoon kainteresado na marating ang lugar dahil may mga balita na rin ng mga karumal-dumal na gawain ang pamahalaang lokal nito. Isa siguro ako sa mas naniwala sa mga naunang pagsisiwalat lalo na ng komisyong nangangalaga ng karapatang pantao tungkol sa mga gawain ng noon pa’y tinagurian nang Davao Death Squad.
Kalagitnaan ng termino ni Noynoy Aquino nang nagsimulang pumailanlang (at ngayon ay alam nating sadya) ang pangalan ni Duterte. Ngunit di naging sapat ang ating pagkapansin sa sadyang pagpapatunog sa pangalan niya. Kasabay din
Di pa rin ganap na kumbinsido na may panggagagong nagaganap sa mga Pinoy bilang paghahanda sa pagtakbo ni Duterte. Di lang ang pambato ni PNoy ang niyurakan, maging ang iba pang kandidato. Dahil maigting ang pangamba na isang lantarang kurakot na bise ang manalo, di alintana na bahagi ng panggugulong ito ang ikampanya ang pagbabagong pangako na para bang bulok na bulok ang bansa at si PNoy lahat ang may kasalanan.
Inisin sa traffic, bwisitin sa kahit anong isyu, isantabi ang anumang nagawang mabuti, samantalahin na ayaw magyabang ni PNoy sa kanyang mga nagawa para sa bansa. Idiin ang kanyang kapalpakan. Sabayan ito ng mabababaw ngunit nakapanira pa ring pagpula sa bawat kilos ni Mar Roxas, konting buntal sa iba pang kakandidato, paglalambing naman sa mga di gaanong katalo. Lahat ng ito naisagawa nang matagumpay sa tulong ng Facebook, at miyembro ng media mas nahirating maging bayaran at kasabwat ng mga tiwali. Ang biktima ng panggagago? Halos lahat ng Pinoy sa iba’t-iabng sektor, mula sa walang alam hanggang sa mga may mataas na pinag-aralan, mula sa mga walang tahanan hanggang sa may mga mansiyon at malalaking ari-arian, mula sa walang trabaho hanggang sa mga nasa ibang bayan.
Nanalo ang manok ng mga nanggago. Parang mga dayuhang mananakop lamang na gumamit ng boladas para maakit ang mga katutubong lubhang napakabait at madaling maakit. Nanalo ang nanggago. Ngayon di lang boladas ang alay sa ginago- matinding dahas at paglabag pa sa pagkatao ng mga ito. Alam ba ng Pinoy na ginagago siya? May nagigising na. Pero may mga nanggagago pa rin at nagmamalaki pang nakakagagago sila. Ito yung mga bayarang linta ng rehimeng ito, mga walang kayang gawing matino kung kaya’t nagdesisyon magpakademonyo. Iilang taon na lang si Duterte sa mundo, pero ang mga lintang demonyo niya, mas bata, mas masama. Gamit ang Internet, tuloy ang panggagago sa Pinoy na hirap, pagod, tamad nang magbasa at mag-isip.