Mabagal na internet malalang problema sa Pilipinas

1801

NAPAPANSIN ko lately na pabagal na nang pabagal ang aming internet connection. Actually, last quarter pa lang ng 2012 ay nararamdaman ko na ang ganitong problema. Smart Bro ang aming ginagamit, at dahil matagal na kaming subscriber nito ay nabawasan na ng P250 ang aming monthly fee. Nakakatuwa naman ang kanilang reward sa kanilang loyal subscribers. 

Iyon nga lang, mula nang bumaba ang aming monthly fee ay mas dumalas naman na nawawala ang connection. Naitatanong ko tuloy sa sarili ko na bakit mula nang magkaroon kami ng malaking discount ay hindi na ako sumaya sa paggamit ng internet? 

Importante sa akin ang internet dahil sa nature ng aking trabaho. Actually, lahat naman tayo ngayon ay necessity na ang internet. Lahat nang impormasyon ay dito natin kinukuha. Malaking tulong ito sa mga estudyante. Kung may kamag-anak sa abroad, madali rin ang komunikasyon dahil sa internet. 

Noong umpisa kaming magpakabit ng internet ay ganito rin lagi ang problema, pawala-wala ang koneksyon. Kailangan pang tumawag sa service center para alamin ang sitwasyon. May mga gagawin na checking sa linya at kung anu-anong technical troubleshooting na ipagagawa ang technical support pero wala rin namang nangyayari. Naiisip ko, paano kung walang landline ang subscriber, lalong malaking problema. 

Kahit naman sa mga service center mismo magpunta ay wala namang maisagot na konkreto ang mga nasa information. Mag-iinit pa ang ulo mo pag sinabing hindi lang naman daw ikaw ang nakararanas ng ganitong problema. Maghihintay ka nang matagal sa dami ng nagrereklamo at pagkatapos ay iyon lang ang maririnig mong sagot. Pero wala ka na rin namang mai-react dahil wala rin talagang alam sabihin ang customer service assistant at iyon lang talaga ang prepared o rehearsed nilang isasagot. 

Anyway, para makaiwas ako sa ganitong problema ay bumili ako ng pocket wifi gamit ang ibang service provider—ang Sun Internet. Prepaid lang ito at sabi ko nga’y gagamitin ko lang pag may problema ang aking postpaid internet. 

Pero mas malala ang problema. Makakakonekta ka nga pero ayaw namang mag-load ng mga website. Magtitingin ka lang ng email, ayaw pang magbukas. Kamukat-mukat mo, ang nai-load mong prepaid ay ubos na pala nang di ka man lang nakapagbukas ng anumang webpage. O kung magbukas man, eksaktong ubos na pala ang load mo. 

May mga kaibigan ako na nagsasabing mag-avail ako ng mas mataas na service ng net. Ibig sabihin, mas mabilis at mas mahal. Kumbaga, pag ganoon daw ang service ko ay bihirang may problema dahil mas priority ng provider na mabigyan ng services. Pero naiisip ko rin, hindi naman ako mahilig mag-download ng mga movies at ang paggamit ko ay halos e-mail lang at basa ng mga news kaya parang hindi rin practical.  

For the meantime, patuloy ako sa kagayang predicament na nakaka-stress pag panahon na ng deadline tapos ay walang internet connection. 

Sa mga ganitong pagkakataon, maihahalintulad mo tuloy ang panahon na may makinilya, dyaryo at encyclopedia ka na katabi kapag magsusulat o magre-research. Mabagal nga lang at mabusisi, pero less hassles. 

Pero panahon na ngayon ng internet. Anuman ang problema sa koneksyon, alipin na tayo nito at bihag na tayo ng mga service providers. 

Samantala, sa mga sitwasyon ngayon na mabagal o wala kang koneksyon ay naging honest na ang mga customer service sa pagsasabing, “Sir, sira po o bagsak ang system namin. Pasensya na po, inaayos na po ng aming technical team. Hindi lang po tiyak kung kailan magno-normalize. Please bear with us po. Kindly check na lang po ang inyong koneksyon from time to time kung meron na.” 

At least hindi ka na pinaaasa. Hindi na rin sila nahihiyang aminin na tanggap sila nang tanggap ng subscribers kahit di na nila kayang serbisyuhan. 

Sabagay, ano nga ba ang aasahan sa mga kapitalista? They bit off more that they could chew.

Anyway, seryoso ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng bagong player sa ating telecommunication industry. Siguro nga, kung may iba ng provider, baka maging matino na ang serbisyo ng mga telcos na nagmomonopolya sa ating communication industry.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here