Lutong Mula sa Puso: Sumpia

Isa sa mga kinawiwilihan nating pagkaing pinoy ay ang lugaw o arozcaldo. Pero mas masarap itong kainan kung may mga kapareha tulad ng mga lamang loob ng baboy, itlog, tokwa at ang paborito nating sumpia. Ang sumpia ay ang mga gulay na ibinalot sa wrapper. At ang mga gulay na ito ay kinabibilangan ng karots, singkamas, baguio beans at kamote. Kung bet mo ay pwede mo rin itong lahukan ng baboy, tokwa o hipon. Ang iba ay sinasamahan rin ito ng toge. Kaya depende sa magluluto kung ano ang gusto niyang isama sa kanyang sumpia. Napakasarap nito lalo na kapag bagong luto, malutong ang wrapper at mapapaso ang dila mo sa init pero hindi mo iindahin dahil naroon ang thrill ng pagkain nito. Syempre pa hindi mawawala sa tabi ng sumpia ang sawsawan niyang suka. Depende rin sa kakain kung maanghang ba o hindi ang gusto niya, kung maraming sibuyas o konti.

Madali lang gawin ang sumpia. Pagkatapos mong hiwain ang mga gulay ay igigisa mo ito sa kawaling pagkakasyahan. Habang iginigisa mo ang mga gulay ay pwede mo ng tanggalin ang wrapper mula sa pagkakadikit-dkit nito. Kapag okay na ang iyong ginisang gulay ay ilipat na ito sa malaking lalagyan upang lumamig. Kapag kaya mo na itong hawakan ay maaari mo ng umpisahan ang pagbabalot nito. Tatantyahin mo lang ang dami ng ilalagay mo sa wrapper para maayos mo itong maibalot at hindi magkanda butas. Ginagamitan ng dampi ng tubig ang duluhan ng wrapper para ito ay magsara. Iyan lamang ang proseso at presto meron ka ng sumpia na mapiprito.

Kinalakihan na natin ang pagkain ng sumpia na katerno ng ating lugaw. Pero hindi lang sa lugaw natin ito ipinapareha, kung minsan ay ginagawa rin natin itong pang-ulam. Ganyan tayong mga Pinoy, pagdating sa pagkain hindi lang tayo matiyaga sa pagluluto madali man o mahirap, kundi madiskarte rin kung paano ito makakabusog sa atin. At hindi lang masarap ang sumpia kundi healthy rin ito sa ating katawan dahil ito ay binubuo ng mga gulay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here