Lutong Mula sa Puso # 4: Ginataang Mais

Tunghayan ang Lutong mula sa Puso #4.

          Tayong mga Pilipino ay mahilig sa merienda. Nagmemerienda tayo sa umaga sa pagitan ng almusal at tanghalian at ganoon din sa hapon sa pagitan naman ng tanghalian at hapunan. Pero kung gipit tayo sa budget, kadalasan ay mas pinipili natin na magmeryenda na lang sa hapon. At isa sa mga paborito natin ang ginataang mais o paborito ng karamihan.

Hindi kailangan na masyadong matamis ang pagkakaluto dahil ang mismong mais na sangkap nito ay nagbibigay na ng masarap na lasa. Ang iba pang sangkap nito bukod sa mais na pwedeng ginadgad o yung nabibili na lang na nakalata na tinatawag na kernel corn, kailangan din nito ang asukal, bigas na malagkit at syempre ang gata.

Kung gusto mo naman ay pwede mo rin itong sahugan ng hinimay na hinog na langka bilang pandagdag lasa at pampabango. Una ay ilalagay mo ang malagkit na bigas sa kaserolang may tubig at saka mo ito isasalang sa iyong kalan na may katamtamang apoy hanggang sa ito ay kumulo at lumambot. Pagkatapos ay saka mo lalagyan ng asukal depende sa tamis na gusto mo huwag lang sobrang dami dahil masama rin ang masyadong matamis. Matapos mong lagyan ng asukal ay isama mo na ang mais. Isusunod mo na rito ang kakang gata.

Ang tinatawag na kakang gata ay yung unang pinagpigaan mo ng niyog. Natutunan ko ito sa lola ko, na sa tuwing magluluto siya ng ginataan ay ihuhuli niyang ilagay ang unang piga ng niyog upang mas lumasa raw ang gata. Hintayin mo lamang ang mga limang minuto at pwede mo na itong ahunin mula sa iyong kalan. Isalin sa malinis na tasa at presto, meron ka ng masarap na meryenda na ginataang mais.

Ang sarap sa pakiramdam kapag nakapagluto ka ng gusto mong kainin na swak na swak sa panlasa mo. Lalo na kung hindi lang ikaw ang masasarapan kundi maging ang mga mahal mo sa buhay, syempre pa ise-share mo sa kanila ang niluto mo at sila ang huhusga kung pasado ka na sa pagluluto, iyan ang kadalasang biruan lalo na sa mga first time magluto, sasabihin pa na pwede ka ng mag-asawa.

Matapos mong basahin ang artikulong ito, panoorin din ang video ng Lutong mula sa Puso #4

SHARE
Previous articlePalmistry 203: Matutong magsabi ng ‘hindi’
Next articleLucky Money Rituals
Geraldine Monzon; Writer in komiks/pocketbooks/newspaper/indie film My motto in life is; Be stronger than your excuses. If you can't say it, write it.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here