Lutong Mula sa Puso 3 : Afritadang Manok

Kapag sinabi ng anak sa kanyang ina na gusto niyang ulam ang afritadang manok ay mapapabuntong hininga ang nanay na walang budget. Hindi lang kasi ang manok ang mahal kundi pati na rin ang mga sangkap nito. Kinakailangan ang patatas, carrots, onion, garlic, lemon juiced, red bell pepper, green peas, hotdog, oil at mga pampalasa gaya ng patis o asin at paminta. Pero kung hindi keri ng budget mo ang hiling na ulam ng anak mo, pwede ka pa rin naman mag-apritada  sa konting halaga. Subukan mo ang recipe ko na ang kakailanganin mo lang ay manok, patatas, carrots, sibuyas, bawang, ketchup at mantika. Hindi ka magsisisi dahil isang mumurahin pero masarap na afritadang manok ang maihahain mo sa mesa nyo. Kailangan lang na makuha mo ang tamang timpla para hindi ka mapahiya sa anak mo.

 Kung ang manok mo ay kalahati lang , hihiwain mo lang ito sa katamtamang laki na mas malaki ng konti sa pang adobo. Ganon din ang patatas at karots. Una ay igigisa mo muna ang bawang at sibuyas. Saka mo isasangkutsa ang mga hiniwa mong patatas at karots na syempre hugas na rin. Pagkatapos ay sunod mong isasangkutsa sa patis ang manok hanggang sa ito ay medyo magkulay brown. Saka mo lalagyan ng konting tubig at pakukuluin. Pagmalambot na ang manok , patatas at karots ay saka mo ibubuhos ang isang sachet ng ketchup o isang cup nito at haluin. Pakuluin mo rin ito ng sa loob ng isang minuto at pwede mo nang tikman ang luto mo. Kung medyo hindi pa sakto sa panlasa mo ay pwede mo itong dagdagan ng pampalasa hanggang sa makuha mo ang timpang gusto mo. Ilang beses ko na itong nasubukan at hindi pa ako nabibigo dahil laging nagugustuhan ng mga anak ko ang recipe na ito. Maaaring hindi tugma sa recipe ng iba o hindi kasing bongga nila pero ito ang recipe na siguradong masisiyahan din ang iyong pamilya at hindi pa masakit sa bulsa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here