LUNURIN, LITUHIN SA INTRIGA

0
480
LUNURIN, LITUHIN SA INTRIGA

Latest posts by @nagmamatyag (see all)

Kung babad ka sa socmed o regular kang nakikinig ng balita sa radyo at TV, siguradong sasabihin mong, “Intriga yan, ah!”  sa maraming impormasyong ibinabato sa publiko sa araw-araw. Hindi nga araw-araw lang. Kada oras kundi man minuto ay may bagong isyu na makakaagaw- pansin sa iyo di mo pa man napaprocess nang husto yung kababasa mo lang na isa pa. Sa pagtatapos ng araw o linggo, lunod  o lito ka na sa mga kaganapan. Ang di maganda nito, sa bilis ng daloy ng impormasyon, bandang huli, ignorante ka pa rin sa mga detalye ng mga usapin.

Parang istratehiya na itong masasabi ng mga propaganda machine ng mga nasa poder. Sunud-sunurin ang makatawag-pansing pronouncements, eksena, balita, isyu, at intriga para di na magawa pang mag-analisa ng publiko. Katulong ang FB at mga tabloid, pati na ang mga sikat na balitaan ng TV at radyo sa pagpapakalat ng mga pag-uusapan ngunit sa bilis ng pagpapakalat na ito, nagkakapatung-patong na ang mga detalye (kung mayroon man). Ang ending, naraming nasagap pero wala halos naunawaan. Ang resulta, di sapat ang kaalaman para makapag-react nang may saysay o magalit nang husto para tumindig at komprontahin ang mga may sala. Tuloy ang saya ng nasa poder. Hilahod na sa araw-araw na pasakit ng buhay ang publiko, wala nang lakas o oras na himayin pa ang sandamakmak na isyu.

Sige nga, tanungin natin: Alin sa mga daloy ng intriga at balita ang napapansin mo sa inyong FB feed ang natatandaan mo ang detalye? Nagshare ka ba ng post kahit di mo ito binasa man lang? Gaano katagal ka dapat magbabad sa socmed para masagap mo ang lahat nang dapat masagap sa isang usapin? Kung bibigyan ka ba ng test sa isang isyu ay makapagpapakita ka ng sapat na kaalaman ukol dito? Ay, oo nga pala. Busy ka. Daming trabaho sa opisina, daming assignment at project sa eskwela, kainis ang mga problema sa bahay. Paki mo kung ubusin man ng China ang ating mga isla, o biglang magpalit ng uri ng pamahalaan, o kaya’y maimpeach si Chief Justice? Ang importante ay nakapaghello ka sa FB, o Twitter at nakapagpost ng kinain mo sa IG. Pagod ka nga naman sa pagpila sa MRT3, intindihin mo pa ang kabulukang hatid ng kasalukuyang rehimen. Sa totoo lang, lunod ka na, pagod at lito pa kaya, huwag na lang isipin ang mga iyan.

Di ba nga yan ang gusto ng mga mapaniil na pamahalaan? Kundi libangin sa kung anu-anong chismis ang bayan, batuhin naman ng kung anu-anong isipin para hindi na subuking mag-isip pa. Mas madaling iprocess ang chismis. Di na nga pinaprocess, pinapakalat na lang agad. E ano ba kung hindi totoo. Chismis nga e. May bago na naman daw minura si Presidente. Hay, naku, kasawa na yan. Matanda na di na magbabago yan. Hayaan na lang. Huwag na lang panuorin para di mainis. Iimpeach daw si Sereno? Nangyari na yan dati kay Corona. Pana-panahon lang yan. Ganti-ganti lang. Kaya? Payag ka nang ganoon? Asan na ang katotohanan sa mga isyu? Asan na ang detalye? Di mo man lang ba aalamin?

LUNURIN, LITUHIN SA INTRIGA

Kapag ganyan ang naging reaksyon sa mga pang-araw-araw na daluyong ng mga usapin, kahit pa anong latest na gadget o anong bilis ng iyong internet access , mananatili kang walang alam sa nangyayari sa iyong bayan. Dinaluyong ka ng mga intriga at isyu pero ang sagot mo ay kundi abala, katamaran o, pinakamasahol, kawalang-pakialam. Nabubuhay ka sa araw-araw nang di iniisip ang magigng epekto ng mga kasalukuyang pangyayari sa iyong hinaharap. Mahirap yata ang ganoon. Baka bangungot ang iyong sapitin at may nalulunod sa bangungot.

Ingat sa mga balita raw pero intriga pala. Ingat sa sunod-sunod at paulit-ulit na salita ng pangulo tungkol sa droga, ICC, pederalismo at galit niya sa mga babae. Ingat sa mga tao niyang ginagaya ang pagsasalita niya. Ingat sa mga propagandista niyang sinusuelduhan ng buwis ng bayan pero kasabwat sa panloloko at pagsisinungaling. Ingat sa mga matatapang kunong salita laban sa UN, EU atbp ngunit maamo pa sa kuting na ngiyaw naman para sa China. Ingat sa mga paninira sa natitirang oposisyon. Kung gaano tayo kahigpit sa ating tiwala sa kanila dapat ganoon din tayong kumilatis sa kanilang sitwasyon sa Kongresong hawak sa leeg ng Palasyo.

Huwag masyadong busy sa mga personal na buhay. Pag nalunod ang bansa dahil sa bulok at masamang pamahalaan, kasama kang lulubog. Baka pag lumalalim na ang tubig o lumalakas na ang agos ay saka mo maiisip na may pagkakataon kang isalba ng katotohana pero di mo ito pinansin. Huwag palunod o palito. Tuso ang demonyo. Hari ito ng panloloko. #   More mga artikulo mula sa @nagmamatyag 

More Commentary

More Politics

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here