Love Horoscope; Hulyo 14

168

ARIES

Ikatutuwa mo ang magiging desisyon ng iyong mahal tungkol sa negosyong gustong gusto mong simulan. Magugulat ka dahil pinaghandaan na niya ito para sa’yo kaya wala ka ng masasabi pa at sa halip ay mayayakap mo na lang siya.

Masuwerteng numero; 51 & 62

TAURUS

Kahit na marami ang nagagalit sa’yo at umaalma sa pagspoiled na ginagawa mo sa iyong kabiyak ay wala kang pakialam. Katuwiran mo ay ito ang pamamaraan mo para maipakita sa kanya na handa kang ibigay ang lahat dahil sa pagmamahal mo sa kanya.

Masuwerteng numero; 20 & 27

GEMINI

Sa kabila ng nagdaang tampuhan ay magiging masaya pa rin ang bonding nyo ngayon ng iyong mahal. Pansamantala nyo munang isasantabi ang mga natitira pang hindi pagkakaintindihan para lamang maging masaya ang araw na ito.

Masuwerteng numero; 9 & 10

CANCER

Kung hindi ka pa handang kalimutan siya ay huwag mong pilitin ang iyong sarili. Mas makakabuti kung magpapatangay na lang muna sa agos hanggang sa kusang bumitaw sa iyong isipan ang mga alaalang kasama siya.

Masuwerteng numero; 4 & 16

LEO

May makikita kang hindi kanais nais sa ugali ngayon ng iyong asawa. Pero wala ka pang balak na komprontahin siya tungkol dito. Sa halip ay ipagpapatuloy mo muna ang pag-oobserba kung tama ba ang iyong pagkakaintindi.

Masuwerteng numero; 13 & 24

VIRGO

Kung nabigo ka man sa kanya dati, magdiwang ka na, dahil mag-iiba ang ihip ng hangin ngayon sa pagitan nyo. Ang pagiging mailap niya sa’yo noon ay mababago na ngayon at siya na mismo ang kusang lalapit sa’yo.

Masuwerteng numero; 53 & 68

LIBRA

Muling magpaparamdam ang iyong ex, pero huwag ka nang magpadala sa matatamis niyang dila. Uulitin lang niya ang minsan na niyang nagawa sa’yo kaya maging matalino ka sa iyong gagawing pagdedesisyon dahil malaki ang posibilidad na muli kang masaktan.

Masuwerteng numero; 44 & 49

SCORPIO

May makikilala kang tao sa isang event na sa unang tingin mo pa lang ay magugustuhan mo na. Pero hindi mo gugustuhin ang matutuklasan mo tungkol sa kanya kaya’t hangga’t maaga pa ay umiwas ka na bago ka pa magsisi.

Masuwerteng numero; 67 & 75

SAGITTARIUS

Kung wala kang napala sa kanya noon ay wala ka pa ring mapapala ngayon. Kaya naman huwag mo nang tangkain na muling mapalapit sa kanya nang sa gayon ay makaiwas ka na sa kabiguang maaaring muli niyang idulot sa’yo.

Masuwerteng  numero; 1 & 2

CAPRICORN

May hatid na suwerte ang umaga sa iyong buhay pag-ibig dahil maaga pa lang ay makikita mo na ang tao na nagbibigay sa’yo ng inspirasyon sa ngayon. Sapat na sa’yo ang presensya niya upang gumanda ang buong araw mo.

Masuwerteng numero; 21 & 36

AQUARIUS

Ikaw na mismo ang magpapasyang palayain siya kahit pa maging masakit sa’yo. Ngayon pa lang kasi ay tinututulan na siya ng lahat sa iyong pamilya kaya naman sa tingin mo ay hindi magiging panatag ang inyong relasyon.

Masuwerteng numero; 73 & 80

PISCES

Kahit pa anong mangyari ay wala kang balak bumitaw sa inyong relasyon. Para sa’yo ang lahat ng pinagdadaanan nyo ngayon ay bahagi lamang ng marami pang pagsubok na haharapin nyo sa inyong pagsasama na malalampasan nyo rin.

Masuwerteng numero; 5 & 8

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here