Little Big Shots PH Review: Mga kahanga-hanga kabataan, kilalanin!

Ang kabataan ang pag-asa ng Bayan, kaya kailangan daw na mag-aral mabuti para magkaroon ng magandang buhay. Ngunit, may mga pagkakataon na hindi mo na kakailanganin pang hintayin na makapagtapos siya ng pag-aaral para malaman mo kung may magandang buhay bang mag-aabang sa kanya. Sa murang gulang pa lang kasi ay makikita mo na kung ang isang bata ba ay mayroong talino o talento.  

 

Kaya naman nakaramdam ako ng kasiyahan ng mabalitaan kong magkakaroon na sa Pilipinas ng Little Big Shots PH. Hindi man sa Pilipinas nagmula ang programa na ito, okay lang. Ang layunin naman kasi nito ay maganda. Ipakita sa madlang pipol ang nakabibilib na talino at talento ng mga kabataang nasa edad 2 hanggang 12.  

 

O, hindi ba kaabang-abang iyon? Sanay kasi tayo na ang mga matatanda lamang ang nagpapakita ng kanilang talento. Well, sa pagkakataong ito, ang mga adult ay kailangan lang umupo at mamangha. Sigurado kasing mapapatakip ka lang sa bibig mo habang nanlalaki ang iyong mata kapag napanood mo ang Little Big Shots PH na hinu-host ni Billy Crawford. 

 

Nakakatuwa ang paraan ng pakikipag-usap ni Billy Crawford sa mga bata. Ibig niya kasing makuha ang interes ng mga kabataang ito kaya naman nagbabata-bataan siya. Ipinapakita niya sa mga mata na talaga namang hangang-hanga siya sa mga kabataan na ito. Dahil tuloy doon, mas nag-e-enjoy sa kanya ang manonood at naging kumportable sa kanya ang mga bata.  

 

O, ready ka bang makilala ang ilan sa kanila? Heto ang ilan sa kanila.  

 

Si JMJavier ay isang hip hop dancer. Siyam na taong gulang pa lamang siya pero kasali na siya sa Junior FMD group.  

 

Si Allyza Imatong naman ay isang pole dancer. Siyam na taon pa lamang siya pero perpekto na niya ang sayaw na ito.  At ang tatlong taong gulang namang si Klyde Pescacio ay isang Geography expert. Kayang-kaya niyang sabihin kung anong bansa ang bandila na iyon.  

 

Wow! Talagang hindi mo mapipigilang ibulalas ang katagang ito kung napanood mo sila. Ngunit, ilan lamang sila sa mga kabataan na dapat mong hangaan dahil talagang napakagaling nila. Kaya naman masasabi kong ang mga magulang nila ay talaga namang proud na proud sa kanila. Ngunit, nakakasiguro akong hindi lang ang mga nagmamahal sa kanila ang gusto silang ipagmalaki kundi ang buong Pilipinas at buong mundo.  

 

O, handa ka na bang subaybayan ang kanilang mga istorya. Kung interesado ka sa kanilang kuwento tiyak na mas magiging kapana-panabik pa para sa’yo ang kahanga-hanga nilang galing.   

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here