Lalaking Nanganganak Sa Panaginip

May mga pangyayari na akong nabasa kaugnay ng isang lalaki na nanganak. Sa ibang bansa ito at hindi ito pangkaraniwan. Hindi ito kapani-paniwala at sa palabas lang natin ito nasasaksihan. Pero sa mundong ating ginagalawan, sadyang maraming hindi kapani-paniwala ang nangyayari. Mga bagay na akala natin ay imposible, ngunit nagiging posible na kadalasan ay dahil na rin sa tulong ng siyensa. Subalit may mga pangyayari rin na pagbali-baligtarin man natin ang siyensa ay hindi nito masasagot ang ating mga katanungan. Tulad sa kaugnayan ng panaginip natin sa katotohanan ng ating buhay. Ang mensahe at babalang hatid nito ay mahirap tuklasin at unawain kung sarado ang isip natin sa ganitong pangyayari at mga kakatwang bagay.

Ang lalaki na nagdadalangtao ay hindi pangkaraniwan sa katotohanan, pero sa panaginip ito ay posible. Kung ikaw ay babae at napanaginipan mo ang isang lalaki na nagle-labor, ito ay nangangahulugan na may mga darating sa’yong oportunidad na makapagpapabago ng iyong buhay. Ito ay maaring sa negatibo o positibong paraan. Mahihirapan kang palampasin ito kahit pa alam mo na marami kang masasagasaan at masasaktan. Ito ay pwedeng promosyon sa trabaho. Isang katuparan ng pangarap para sa’yo pero may mga taong nauna na sa’yo na matagal na ring naghihintay nito ang matatapakan mo.

Kung ikaw naman ay lalaki at napanaginipan mong ikaw ay nagdadalangtao o kaya ay nasa punto na nanganganak, ibig sabihin ay may mga bagay kang dapat gawin o pagdesisyunan na ng madalian. Ito yung mga bagay na mahalaga na dapat ay matagal mo nang pinagtuunan ng pansin at atensyon pero binalewala mo lang kaya ikaw ay maiipit ngayon sa mahirap na sitwasyon. Hindi mo magugustuhan ang senaryong ito pero sa ayaw at sa gusto mo ay pagdaraanan mo. Inihahatid sa’yo ng panaginip na ito ang mensahe na sa pagkakataong ito ay wala kang mapagpipilian. Kung hindi mo pa rin mauunawaan ang mensahe nito ay hindi mo maaabot ang anumang inaambisyon mo sa buhay.

SHARE
Previous articlePamahiin Pautang: Gastos ang kapalit
Next articleChinese Horoscope; January 27

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here