LABS NA LABS NG BOYFRIEND PERO GUSTONG MAKIPAGBALIKAN SA EX

1076
Dear Maria: Advice column on PhilippineOne

Dear Maria,

Gustong kong makipagbalikan sa ex-boyfriend ko. Mahal pa kasi namin ang ang isa’t isa. Ang problema lang, may boyfriend ako at mahal na mahal niya ako. Paano ko sasabihin na gusto ko na makipag-break sa kanya? — Tweety

 

Tweety,

Sabihin mo sa boyfriend mo, mayroon kayong importanteng pag-uusapan. Mahirap na sabihin ito sa kanya lalo na’t nagawa niyang ipadama sa’yo ang kanyang abot-langit na pagmamahal. Kaya lang, kahit gaano ka niya kamahal, kailangan niyang tanggapin na hindi kayo pareho ng nararamdaman. Tiyak ko naman na alam naman niya iyon ngunit umaasa pa rin siya na iibigin mo rin siya ng tunay.

Sayang nga lang at hindi nangyari ang kanyang gusto. Hindi mo siya nagawang mahalin. O, huwag ka na ma-guilty dahil hindi mo naman kasalanan na hindi mo siya nagawang mahalin gaya ng pagmamahal mo sa’yong ex-boyfriend. Sana lang kasi, bago mo siya sinagot ay siniguro mo munang magagawa mo siyang mahalin ng todo. Kaya nga lang, nangyari na naman ‘yan at hindi mo na magagawa pang baguhin ang nagawa mo na kaya itama mo na lang.

Mag-heart to heart kayo ng boyfriend mo. Sabihin mo na sa kabila ng pagpapakita niya sa’yo ng sobra-sobrang pagmamahal ay hindi mo iyon kayang tugunan. Sabihin mo na rin sa kanya na ganoon yata talaga ka-bobo ang iyong puso. Kailangan mo talagang sabihin sa kanya na sobra kang humihingi ng tawad sa kanya dahil di mo siya nagawang mahalin. Ngunit, kailangan mo ding tandaan na kahit gaano ka kamahal ng isang tao, magagawa pa rin niyang magalit sa’yo kapag nasaktan mo siya ng todo.

Kung makikipag-break ka sa kanya, makabubuti kung mayroon kang kasama. Baka kasi kapag hindi niya matanggap ang pakikipagkalas mo ay bigla siyang magwala at manakit. Kahit ang pinakamabait na tao ay marunong ding magalit kapag nasaktan kaya kailangan ay handa ka sa anumang posibilidad. Kung tatanggapin niya agad ang sitwasyon, masuwerte ka dahil pinili niyang magpakahinahon. Ibig sabihin, mas mahal ka niya kaysa sa kanyang sarili.

Sana nga lamang ay hindi ka talaga nagkamali sa desisyon mong balikan ang dati mong pag-ibig. Kung minsan kasi, hindi sapat ‘yung mahal mo ang isang tao. Kailangan mo ring alalahanin iyong pinagsamahan ninyo. Napakadali sabihin ‘yung mahal ka, kaya lang, nagawa ba niyang ipakita sa’yo kung gaano ka niya kamahal. Baka naman sa naging relasyon ninyo noon ay wala kang ginawa kundi ang umiyak dahil niloko ka lang niya at sinaktan.

Maaari ngang sabihin mo na lahat naman ng tao ay dapat lang bigyan ng second chance. Well, tama ka naman. Kaya lang kung 2nd, 3th, 4th and nth times na ang ibinigay mo tapos ay niloloko mo na lang ang sarili. Pero, kung talagang gusto mong sumugal, sige, bigyan mo ulit siya ng chance. Tanungin mo na lamang ang sarili mo kung hindi ka pa matatauhan kung muli ka niyang sasaktan.

Alam mo may pagkakataon na akala natin ay mahal pa natin ang isang tao dahil iyon ang inaakala natin. At may pagkakataon naman na inaakala nating di natin natutunang mahalin ang isang tao dahil hindi natin lubos na binuksan ang puso natin sa kanya. Hindi ko sinasabi ito para sabihing mahal mo ang boyfriend mo at inaakala mo lang na may damdamin ka pa sa ex-boyfriend mo. Siyempre, ikaw lang ang nakakaalam kung ano ba ang totoo. Sana lang ay pag-isipan mong mabuti ang bawat desisyon na iyong ginagawa. Dahil, mahirap magkamali.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here