KUYOG

0
117

Latest posts by @nagmamatyag (see all)

Naalala ko yung minsang may nahuling isnatser sa malapit sa talipapa. Sugod ang mga tao sa paligid at pinatulungan ang isnatser. Sinuntok at tinadyakan na para bang pusakal na itong kriminal at nakagawa nang napakatinding kasalanan. Yung tatay ng aking tutee na malapit ang bahay ay lumabas pa para makisipa at suntok. Sa unibersidad naman, yung kaibigan kong frat member, basta na lang humatak ng kung sino na nadatnan niyang sinusuntok ng kanyang mga brod sa tambayan. Habang nakikisuntok ay saka lang nagtanong bakit nila inaaway ang nasabing mga non-brod. Hanggang ngayon, nangyayari pa ang ganito sa mga lansangan at eskuwelahan at ang mas higit na madalas na larangan ng kuyog ngayon, ang social media.

Maitatanong kung alin ang mas masakit, pagtulungan kang suntukin at tadyakan ng taumbayan sa kalye o pagtulungang sirain, laitin ang iyong pagkatao sa social media ng mga taong ni hindi mo pa nakikita sa personal ? Sabi sa Ingles, “Sticks and stones can break my bones, but words will never hurt me”. Kaya? Bakit may nababalitaang mga nagpapakamatay sa tindi ng pagkuyog na dinanas nila sa social media? Bakit matindi ang galit ng mga nagkukuyog sa mga taong kanilang pinagtutulungan online? Galit nga ba sila o naglilibang lang sa isang libangang napakasama at napakawalang kwenta?

Sa linggong ito, ilan sa mga kinuyog ng netizens ay sina Maria Isabel Lopez, ang blogger na kaibigan ni Mocha Uson na si Sass Rogando, si SAP Bong Go, si Joey De Leon, si Mariel De Leon, si Jonathan Head ng BBC, si PM Justin Trudeau, at si Bette Midler. Madalas malalaman mo na may kinukuyog dahil nagtetrend ang kanilang mga pangalan. Anu-ano ba ang dahilan ng pagkuyog na nangyari sa mga nabanggit?

Dalawa kalimitan ang uri ng tao ang kinukuyog ng mga netizeng Pinoy: yung nakagawa ng nakakahiya pero kilalang supporter ng rehimen at yung nagsalita nang totoo laban sa rehimen. Sino sa mga nabanggit sa itaas ang kabilang sa kaninong pangkat?

  • Si Lopez ay lumabag sa batas-trapiko at ipinagmalaki pa ito. Sigaw ng netizens- tanggalan ng lisensiya, laos, masamang ehemplo!
  • Si Rogando naman ay nagwala sa harap ng media, naduro at nanumbat sa isang foreign journalist na inakusahan niyang hindi “fair” dahil di siya ininterbyu kahit kailan samantalang isa siyang major blogger kumpara sa “minor blogger” na si Jover Laurio. Sigaw ng netizens: Bastos, KSP, nakakahiya, kapal, desperada, iskolar ba yan?
  • Si SAP Bong Go naman ay walang patumanggang pagseselfie kasama ang mga world leaders ang inatupag sa ASEAN events. Sigaw ng netizens: asan ang protocol, bakit yan lang ang ginagawa mo sa ASEAN samantalang CabSec ang ranggo mo?
  • Si Joey De Leon, as usual, nakaoffend na naman sa kanyang post. Throwback pic ng kanyang paglutang sa Dead Sea sabay banggit ng tanga at lunod. Reklamo ni Teddy ng kabilang show: Sana respeto sa pagluluksa sa nalunod na kasama sa show, insensitive sabi ng netizens, sinasadya yun.
  • Si Mariel De Leon, binuska sa pagkatalo sa Miss International. Nagmaldita raw kasi sa kanyang mga political opinions kaya di nakakuha ng suporta sa mga kababayan. Sigaw ng netizens- buti nga natalo ka.
  • Si Jonathan Head na tahimik ininda ang ang pagtatalak ng major blogger na si Rogando, tuloy na kinuyog ng mga DDS kahit pa nga di naman niya pinatulan ang pang-aaway sa kanya.
  • Si PM Justin Trudeau, matapos tilian sa kanyang pagdating ay halos naging persona non grata sa mga DDS dahil nainsulto raw ang pangulo sa pag-ungkat niya sa EJK at human rights issues. Pati basurang di naman siya ang nagexport ay sa kanya itinatapon.
  • Si Bette Midler, kuyog rin at katakut-katakot na panlalait ang inabot sa mga supporter at keyboard warriors ng rehimen dahil nagtweet ito na murderous daw ang presidente.

Kung babad ka sa social media, alam mo ang mga naging palitan ng alipusta at pagtatanggol para sa mga nilalang na nabanggit. Kanino ka kumampi at kanino ka nakikuyog? Gaano kabilis o katagal bago ka nagdesisyong magkomento o sumabat sa convo tungkol sa mga sinabi o hindi sinabi ng mga ito?

Sa barangay ay uso ang kuyog. Ang sinumang nakapagmalabis o nagkulang sa mata ng kabarangay ay siguradong kukuyugin ng tsismis kundi man kukomprontahin ng mga nakatatanda o siga sa komunidad. Sabi nga, lipunan ang pumapansin, pumupuri o bumabatikos sa salita o kilos ng mga miyembro nito. Mas maliit siguro ang komunidad mas nagagawa ang positibong komprontasyon at pagtatama. Kung ang komunidad o lipunan ay sinlaki ng social media, gaano kaepektibo ang pagkuyog para itama ang mali sa kapwa? O ang kuyog ngayon madalas ay di pagtatama kundi pagkuyog para ikasira ng loob o tindig ng kinukuyog?

Sinu-sino sa mga kinuyog ngayong linggong ito ang nararapat lang kuyugin upang magtanda? Sinu-sino naman ang inapi lang at niyurakan kahit wala namang ginawang masama? Nakikuyog ka ba? Kanino, bakit at paano?

The views in this article are those of the writer and not necessarily those of PhilippineOne.com.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here