Kuwentong OFW: Ang Buhay sa Kamay ng mga Dayuhang Amo

0
2422

Kristine Joyce M Belonio

Kristine Belonio is a registered medical laboratory scientist and DOH-trained screening drug test analyst who hopes for a drug-free Philippines. And though she loves to do all the “bloody” work and analyze other bodily fluids, she’s also an aspiring journalist with a thorough know-how on the rudiments of news, feature and editorial writing.

“Walang salitang ‘pagod na ako’ sa isang magulang na OFW. Basta para sa kinabukasan ng anak, lahat kinakaya gaano man kahirap.”

Ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ay itinuturing na mga makabagong bayani sa Pilipinas dahil sa napakalaking sakripisyo na ginagawa nila upang mabigyan ang kanilang mga pamilya ng isang mas magandang kinabukasan. Anuman ang mangyari, kanilang tiisin ang maraming taon ng paghihiwalay, pananabik, at kalungkutan. Ito ay talagang kahanga-hanga.

Dahil sa kanilang determinasyon at pagtitiyaga na matakasan ang kahirapan at makahanap ng mga magagandang oportunidad at pagkakataon, ang oras na maaari nilang iukol sa kanilang mga pamilya ay nagiging isang malaking pagsasakripisyo kapalit ng paglilingkod sa mga dayuhang amo sa ibang bansa para kumita at magpadala ng pera sa kani-kanilang pamilya sa Pilipinas. At dahil sa mga kadahilanang ito, inilalagay din nila ang kanilang buhay sa panganib, lalo na sa mga kamay ng malupit na dayuhang amo. Habang sila ay umaalis na puno ng pag-asa at pangarap, itinataya din nila ang kanilang mga sarili sa isang daigdig ng pang-aabuso at kalupitan.

Sa kabila ng mga katotohanang ito, marami pa rin sa kanila ang sumusubok mangibang bansa. At para maikubli ang mga masasakit at masasamang karanasan sa ibang bansa, ang iilan ay pinipilit na ngumiti o ipakita na sila ay tila masaya.

Pinakamalaking Labor Exporter

Ang Pilipinas ay isa sa mga pinakamalaking tagaluwas ng paggawa sa mundo. Sa katunayan, halos sampung porsiyento ng kabuuang populasyon ng bansa (11 milyong Pilipino) ang naghahanap ng trabaho sa ibang bansa. Halos 6,000 katao ang umalis sa bansa bilang migranteng manggagawa araw-araw at sa bawat pamilya na may sampung miyembro, ang isang miyembro ay inaasahang maghahanap ng magagandang oportunidad sa mga dayuhang lupain.

Samantala, ang artikulong ito ay tungkol sa buhay o mga karanasan ng mga OFW. Kaya naman, isang napakalaking karangalan at pribilehiyo nang ang isang OFW sa Hong Kong ay sumang-ayon na ibahagi ang kanyang sariling kuwento at personal na mga karanasan sa akin. Gayunpaman, hiniling niya na huwag ibunyag ang kanyang tunay na pangalan dahil sa ilang mga sensitibong rebelasyon sa kanyang kuwento, sa halip gusto niyang tawagin siya bilang “Innocent Girl” o “IG” at ang nakasulat sa ibaba ay ang kanyang kuwento.

Kuwento ni IG

Tulad ng karamihan ng mga OFW, umalis si IG sa bansa noong 2003 upang makatakas sa kahirapan at maghanap ng mas magadang oportunidad para sa kinabukasan ng kanyang dalawang anak — lalaki at babae na ngayon ay parehong mga propesyonal na at nasa edad 28 at 30. Sa edad na 54, si IG ay isang OFW sa Hong Kong sa loob ng halos 14 taon.

Sa pagbabalik tanaw sa taong 2003, ikinuwento ni IG sa akin na siya ay napakapalad na magkaroon ng isang prospective employer sa Hong Kong sa kabila ng kanyang edad (siya ay 40 taong gulang sa panahong iyon). Siya ay naging isang caregiver sa isang matandang babae.

Bago siya umalis, ang kanyang buhay sa Pilipinas, lalo na sa lalawigan ng Negros Occidental, ay isang napakamahirap kung saan ang kanyang asawa ay walang trabaho at tila may sariling mundo, habang ang kanilang panganay na anak ay magtatapos sa hayskul at ang pinansiyal na pangangailangan ng pamilya ay lumalaki para sa preparasyon ng pag-aaral sa kolehiyo. Sa kasamaang palad, ang pamilya ay umaasa lamang sa araw-araw na kita ni IG bilang isang vendor ng pagkain sa isang kantina sa paaralan. Ang kinikita niya rin dito ang sumusuporta sa edukasyon ng kanyang mga anak mula preschool hanggang hayskul. Kahit na tinutulungan siya ng kanyang mga anak sa pagtitinda, ang pagtaas ng gastos ng pamilya at ang mga pangangailangan sa edukasyon ng kanyang mga anak ay siyang nagtulak sa kanya na subukan ang kanyang kapalaran sa ibang bansa.

Unang Pagkakataon

Ang pagiging OFW sa unang pagkakataon, gayunpaman, ay hindi isang madaling gawain. Iyon din ang unang beses na naman bumyahe o lumabas ng bansa si IG. Medyo mahirap din para sa kanya na umakma sa kanilang kultura, wika, at likas na katangian sa pagtatrabaho.

“Ang mga Pilipino ay masisipag magtrabaho. Walang gawain ang hindi namin magagawa dahil sanay kami sa mga mahihirap na trabaho, ngunit may ilang Intsik na tagapag-empleyo ay gusto na pagsilbihan sila batay sa kanilang ibinabayad sa amin,” sabi ng IG. “Gaya ng pagtratrabaho hanggang sa gabi, o kahit na gumawa ng mga bagay na labag sa batas. Ano nga ba ang magagawa namin? Kami ay may kontrata sa kanila.”

Nasa Pagitan ng Away Pamilya

Ayon kay IG, gustung-gusto niyang magtrabaho sa ibang bansa dahil ito ang nagbigay sa kanya ng lakas ng loob at pinagtibay ang kanyang pananampalataya sa Diyos. Inihayag din niya na malaki ang naitulong ng paghahanap ng isang relihiyosong komunidad sa Hong Kong para makayanan niyang tiisin ang pananabik sa pamilya, kalungkutan, at mga paghihirap.

Sa kasamaang palad, naipit siya sa pagitan ng away pamilya ng kanyang Tsinong tagapag-empleyo. Dahil responsibilidad niya ang buong sambahayan at iba pang mga personal na bagay, mas marami siyang alam o nalalaman tungkol sa kaniyang mga amo kaysa sa ibang katrabaho niya. At dahil sa katotohanang ito, kinansela ng anak na babae ng kanyang tagapag-empleyo ang kanyang ikaapat na kontrata na ipinasa sa konsulado ng Pilipinas para sa pagproseso.

“Naging instrumento ako kung ano ang gusto ng anak na babae kapag inalagaan ko ang nakaratay na ama, at ang kanyang ina na may dementia,” pagsisiwalat ni IG. “Nasaksihan ko rin kung paano niya kinuha ang milyun-milyong halaga ng pera mula sa account ng kanyang ama at inilipat ito sa kanyang sariling account nang hindi nalalaman ng kanyang kapatid na lalaki na nakatira sa Singapore.”

“Binago din niya ang testament ng kanyang ama, kung saan nakuha niya ang mas malaking pagbabahagi kaysa sa kanyang kapatid, at nagawa rin niyang ilipat ang mga shares of stocks ng kanyang ama sa ilalim ng kanyang pangalan,” pagpapatuloy niya. “Dahil sa katunayan na alam ko ang mga bagay na ito, marahil siya ay natakot at nagpasya na kanselahin ang aking ika-apat na kontrata. Inakusahan niya rin ako ng pagtanggap ng suhol mula sa kanyang kapatid na lalaki upang makakuha ng impormasyon. Ang akusasyong ito ay talagang ikinagulat ko dahil nakakausap ko lang ang kanyang kapatid kung tumatawag siya at makipag-usap sa kanilang ama.”

Dahil sa paglala ng away pamilya sa pagitan magkapatid araw-araw, mas lumuwag ang kalooban na hindi nai-renew ang kanyang kontrata. Naipit siya sa away ng magkapatid kung saan naguguluhan siya kung sino nga ba ang kanyang susundin. Upang hindi malagay sa alanganin, pinili niya na sundin ang lahat ng mga tagubilin o utos ng magkapatid, na nananalangin na hindi matuklasan ng kapatid na lalaki sa Singapore ang mga nabanggit na mga bagay habang nagtatrabaho pa siya sa pamilya sa takot na maging pangunahing saksi sa mga mapanlinlang kilos o gawain ng babaeng anak ng kanyang matandang amo.

 

Ang Tamang Gawin

Matapos makuha ang bayad para sa kanyang maraming taon sa paglilingkod sa pamilya, nilakasan ni IG ang kanyang loob upang kausapin ang lalaking anak ng kanyang amo. Sa katunayan, ipinadala niya ang lahat ng mga dokumento na natipon niya sa pamamagitan ng WhatsApp — mula sa mga photocopy ng mga bank transfer na nagkakahalaga ng $6 milyon HKD (o higit pa sa P39 milyon), ang address kung saan sila nagpunta upang ilipat ang mga shares ng kanilang ama, ang pangalan ng sikologo na nagpatunay na ang kanilang ama ay may magandang memorya at ang abogado na gumawa ng testamento.

“Matapos kong ipadala ang mga dokumento, hinarang ko ang lahat ng kanilang mga pangalan para sa mga kadahilanang pang-seguridad,” sabi ni IG. “Ginawa ko lang kung ano ang naiisip kong tama at katarungan para sa mga karapatan ng kanyang kapatid sa kayamanan at ari-arian ng kanilang ama.”

Bakit Nagtrabaho sa Ibang Bansa?

Samantala, sanay si IG na maging isang punong tagapagtaguyod ng kanyang pamilya kaya madalas siyang nag-aalala kung sino ang susuporta sa kanya sa pagbalik niya sa Pilipinas. Ito ang dahilan kung bakit niya pinili na ipagpatuloy ang pagtratrabaho bilang isang OFW sa Hong Kong.

“Siguro ang dahilan kung bakit nagtatrabaho pa ako sa ibang bansa ay ang pag-iisip ng ‘kung ano ang dapat,'” sabi ni IG. “O kung ano ang gagawin ko pabalik sa Pilipinas? Sino ang susuporta sa akin kapag umuwi ako? Hindi ko sinasabi na hindi ako susuportahan o aalagaan ng aking mga anak, ngunit bilang mga magulang, kami ay naniniwala na hindi kami dapat maghingi o umasa sa kanila. ”

Pagiging Estranghero at Pag-abot ng mga Pangarap

Ipinahayag din ni IG na pinahahalagahan niya ang kanyang mga anak at sinabi na gusto niyang gugulin ang mga natitirang araw ng kanyang buhay sa kanila upang makabawi sa nawalang oras nang naging malayo sa pamilya. Ngunit dahil sa maraming taon na pagkawala, inamin niya rin na kung minsan nararamdaman niya ang pagiging isang estranghero sa kanyang pamilya at mga kaibigan. Gayunpaman, lagi niyang sinusubukan na itago ang kanyang mga damdamin at pinapahalagahan na lamang ang kanyang mga maikling pagbisita o bakasyon para maigugol sa kanyang pamilya.

Sa kabila ng pagtitiis ng ilang mga pagsubok at pagsubok bilang isang OFW, si IG ay isa sa mga mapalad na naabot na sa kanilang mga layunin sa buhay — mairaos ang edukasyon ng ang kanyang mga anak at nakaipon ng ilang mga pamumuhunan. Sa katunayan, ang kanyang 28-taong gulang na anak na babae ay isang rehistradong nars, habang ang kanyang 30-taong-gulang na anak na lalaki ay isang marine engineer. Natapos niya na ring bayaran ang lupa na kanyang naipundar sa isang subdibisyon at ang kanilang dating bahay ay kasalukuyang inaayos.

Diskriminasyon at Pagmamaltrato

Kahit na mabuti naman ang pagtrato ng kanyang mga tagapag-empleyo, inamin ni IG na nakaranas din siya ng diskriminasyon at pagmamaltrato. Ngunit dahil ang kanilang kultura ay naiiba sa mga Pilipino, ang diskriminasyon ay naging normal na lamang. Tungkol sa pang-abuso, naranasan niya ang ilang pisikal na pagmaltrato halos araw-araw tulad ng sipa, kagat, sampal at verbal na pang-aabuso, lalo na mula sa isang lola na may demensia.

Subalit dahil sa kanyang karamdaman, pilit na iniintindi ni IG at ng kanyang mga kasamahan ang pananakit ng kanilang inaalagaan at sa halip na labanan, sila ay nasanay na sa pagtakbo at pagtago kapag ang matandang babae ay sinusumpong. Ngunit, iginiit din niya na lagi siyang nakikipaglaban o ipinagtatanggol kung ano ang tama at makatarungan.

Pag-Uwi at Kasiyahan

Sa kabila ng kasiyahan na naidudulot ng pagiging isang OFW, may mga plano rin si IG na umuwi sa Pilipinas at makapiling ang sariling pamilya. Ngunit binigyang-diin niya na ayaw niyang balikan ang kanyang buhay noon, kung saan nagtatrabaho siya nang husto upang suportahan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya. Iyon ang dahilan kung bakit siya ipinagpatuloy niya ang kanyang pagtatrabaho sa ibang bansa para tiyakin ang ang kanyang sariling kinabukasan.

“Nagpaplano talaga akong umuwi pagkatapos kong paghandaan ang aking kinabukasan,” sabi niya. “Nais kong magkaroon ng isang mapayapa at organisadong buhay kapag ako ay uuwi na. Nais kong ilaan ang aking natitirang oras sa buhay para sa paglilingkod sa Diyos at para maging malapit sa aking mga anak.”

Nang tanungin kung masaya siya, sinabi ni IG na siya ay masaya at nalulugod sa kanyang buhay. Ayon kay IG, “Ako ay masaya at nasisiyahan dahil walang mga utang na dapat bayaran at walang mga deadline dapat tugunan. Inilalaan ko lamang ang aking buhay sa paglilingkod sa Diyos sa panahon na walang trabaho.”

Para sa kanyang payo sa mga kapwang Pilipino na gustong magtrabaho sa ibang bansa, “Kung iyon ang tanging paraan upang tumulong, gawin mo. Ang pagiging OFW ay isang marangal na trabaho ngunit dapat kang maging handa sa anumang kahihinatnan nito. Kailangan mong maging malakas at matatag kapag may mga problemang dumarating,” paglalahad ni IG.

“Para matiis ang kalungkutan, huwag kang maghanap nang pisikal na kasiyahan o maghanap ng kapalit,” dagdag niya. “Sa halip, magsumamo ka ng tulong, patnubay, at proteksyon sa Diyos, at magtiwala sa Kanya nang buong puso. Sa tuwing may mga problema na darating, huwag kang sumuko, ipagpatuloy mo ang laban dahil ito ay makatutulong sa iyong pagtanda. Tandaan, ang mga pagsubok ay mga hamon lamang at sa bawat pagsubok, may mga aral na matutunan. At bilang pangwakas, huwag kailanman bumitaw dahil ang mga Pilipino ay hindi sumusuko sa anumang laban sa buhay at ang mga talunan ay hindi kailanmang nanalo. “

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here